settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahulugan at kahalagahan ng koronang tinik?

video
Sagot


Pagkatapos ng minadaling paglilitis kay Hesus at paghagupit sa kanyang likod, at bago Siya ipako sa krus, ito ang ginawa ng mga sundalong Romano: “At sila'y nangagkamakama ng isang putong na tinik, at ipinutong sa kaniyang ulo, at inilagay sa kanang kamay niya ang isang tambo; at sila'y nagsiluhod sa harap niya at siya'y kanilang nilibak, na nagsisipagsabi, Magalak, Hari ng mga Judio!” (Mateo 27:29; tingnan din ang Juan 19:2-5). Bagamat totoong napakasakit para sa isang tao ang putungan ng koronang tinik, ang layunin ng koronang ito ay upang laitin ang Panginoon hindi lamang upang siya’y saktan. Narito ang “Hari ng mga Hudyo” na hinahagupit, dinuduraan at iniinsulto ng mga mababang uri ng sundalong Romano. Ang koronang tinik ang kanilang huling paraan upang laitin ang Panginoong Hesu Kristo, at ipinutong sa Kanya ang tinik na simbolo ng kahihiyan at sakit sa halip na isang tunay na korona na simbolo ng karangalan at kaluwalhatian.



Para sa mga Kristiyano, ipinapaalala sa atin ng koronang tinik ang dalawang bagay: (1) Si Hesus ay isa ngang tunay na Hari. Isang araw, luluhod sa Kanya ang buong sanlibutan at kikilalanin Siya bilang “Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon” (Pahayag 19:16). Ang ginawa ng mga sundalong Romano ay panlalait, ngunit sa katotohanan, iyon ay larawan ng dalawang papel na ginampanan ng Panginoong Hesus. Una, upang tuparin ang hula tungkol sa isang ‘nagdurusang alipin’ (Isaias 53), at ikalawa, upang ipakilala ang sarili bilang ‘Haring Manlulupig at Tagapagligtas’ (Pahayag 19). (2) Kusang tiniis ni Hesus ang sakit, pangiinsulto at kahihiyan at ang lahat ng iyon ay alang alang sa atin. Matagal ng lumipas ang pagdurusa at sakit na idinulot ng koronang tinik at ngayon ay nakaupo si Hesus sa trono na suot ang Koronang karapatdapat para sa Kanya. “Kundi nakikita natin ang ginawang mababa ng kaunti kay sa mga anghel, sa makatuwid ay si Jesus, na dahil sa pagbata ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Dios ay lasapin niya ang kamatayan dahil sa bawat tao” (Hebreo 2:9).

May mga karagdagan pang simbolismo ang koronang tinik. Noong magkasala sina Adan at Eba na siyang nagdala ng kasalanan at sumpa sa buong sangkatauhan, ang isa sa mga sumpa ng Diyos sa sangnilikha ay: “sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka sa kaniya sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; Ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang” (Genesis 3:17-18). Lingid sa kaalaman ng mga sundalong Romano, kumuha sila ng isang bagay na sinumpa ng Diyos at ginawa iyong isang korona para sa Kanya na magliligtas sa atin sa sumpa ng Diyos. “Sa sumpa ng kautusan ay tinubos tayo ni Cristo, na naging sumpa sa ganang atin; sapagka't nasusulat, Sinusumpa ang bawa't binibitay sa punong kahoy’” (Galacia 3:13). Si Hesus ang perpektong handog para sa kasalanan na Siyang nagligtas sa atin mula sa sumpa nito at ang koronang tinik ay isang simbolo ng sumpang iyon. Habang ang layunin ng mga pumatay kay Hesus sa pagpuputong sa Kanya ng koronang tinik ay upang Siya’y tuyain, ang koronang tinik sa katotohanan ay isang napakagandang simbolo kung sino si Hesus at ng Kanyang dakilang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan mula sa kanilang mga kasalanan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahulugan at kahalagahan ng koronang tinik?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries