Tanong
Ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa pagiging isang Kristiyanong asawang babae?
Sagot
Ang isang Kristiyanong asawang babae ay isang mananampalataya kay Jesu-Cristo, isang babaing may asawa na maayos ang mga prayoridad. Pinili niya ang kabanalan bilang layunin sa kanyang buhay, at sa kanyang bawat relasyon, kabilang ang pag-aasawa. Ang isang makadiyos na asawang babae ay nagpasya na ang pagbibigay kasiyahan at pagsunod sa Diyos ay mas mahalaga sa kanya ng higit sa kanyang pansamantalang kaligayahan o kasiyahan, at handa siyang gumawa ng anumang mga sakripisyo na kinakailangan upang maparangalan ang Panginoon sa kanyang tungkulin bilang asawang babae.
Ang unang hakbang sa pagiging isang Kristiyanong asawang babae ay ang pagsuko sa pagkapanginoon ni Jesus. Sa pamamagitan lamang ng pagbibigay kapangyarihan ng Banal na Espiritu, maaaring mabuhay ang sinuman sa atin bilang mga taong makadiyos (Galacia 2:20; Tito 2:12). Kung inilagak natin ang ating pananampalataya kay Jesu-Cristo bilang ating Tagapagligtas at Panginoon (Juan 3: 3), ito ay katulad ng araw ng kasal. Ang buong direksyon ng ating buhay ay nagbabago (2 Corinto 5:17). Sinisimulan nating makita ang buhay mula sa pananaw ng Diyos, sa halip na gawin ang ating sariling mga panuntunan. Nangangahulugan ito na ang isang Kristiyanong babae ay haharapin ang pag-aasawa na may ibang pananaw hindi katulad ng isang makamundong babae. Hindi niya nais na maging isang mabuting asawa lamang para sa kanyang asawa kundi maging isang makadiyos na babae para sa kanyang Panginoon.
Ipinamumuhay ng isang Kristiyanong asawa ang prinsipyo na matatagpuan sa Filipos 2: 3 at 4: "Huwag kayong gagawa ng anomang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo at huwag ipalagay na kayo'y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyong mga kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyong sarili." Kung susunding mabuti ang prinsipyong ito, mawawala ang karamihan sa mga pagtatalo ng mag-asawa. Dahil tayo ay likas na makasarili, dapat tayong umasa sa Panginoon upang mapako sa krus ang ating makasariling pagnanasa at tulungan tayo na hanapin ang pinakamahusay na interes ng ating mga asawa. Para sa isang asawang babae, nangangahulugang ito ng pangunawa na ang kanyang asawa ay hindi isang babae at hindi nag-iisip na tulad sa isang babae. Ang pangangailangan ng lalaki ay naiiba sa pangangailangan ng babae, at responsibilidad ng babae na maunawaan ang ganoong mga pangangailangan at matugunan ito hangga't maaari.
Ang isa sa pinakamadalas na dahilan ng pag aaway ng mag-asawa ay ang sex. Karaniwan ang mga lalaki ay mas madalas na gustong makipagtalik kaysa sa kanilang mga asawa. Ang mga lalaki ay naglalagay din ng isang mas mataas na pagpapahalaga sa sekswal na relasyon, at nakakadama ng banta sa kanilang pagpapahalaga sa sarili kapag ang kanilang mga asawa ay tumatanggi. Bagaman hindi ito palagi, ang karamihan sa mga asawang babae ay nawawalan ng interes sa pakikipagtalik na maaaring mayroon sila noon sa simula ng kanilang relasyon at nakakasumpong ng emosyonal na kasiyahan sa iba pang mga relasyon, tulad ng sa mga bata at mga kaibigan. Ito ay maaaring humantong sa pagkagalit ng asawang lalaki kapag hindi maunawaan ng kanyang asawa ang kanyang pangangailangang sekswal. Nais ng isang Kristiyanong asawang babae na matugunan ang pangangailangang iyon, kahit na siya ay pagod o hindi interesado. Ipinapaliwanag sa Corinto 7:1 at 5 na hindi na pagaari ng magasawa ang kanilang katawan, sa halip ibinibigay nila ang kanilang sarili sa isa't isa. Nauunawaan ng isang Kristiyanong asawang babae na sa pagbibigay ng kanyang katawan sa kanyang asawa siya, nagpapailalim siya sa plano ng Panginoon para sa kanya.
Ang Efeso 5:22 hanggang 24 ay tumutugon sa isyu ng pagpapasakop, na sa kasamaang-palad ay hindi natutugunang mabuti ng marami. Sinabihan ang mga asawang babae na magpasakop sa kanilang mga asawa tulad ng pagpapasakop nila sa Panginoon. Maraming babae ang umaayaw sa salitang pasakop dahil ginagamit itong dahilan ng kanilang mga asawa upang tratuhin sila tulad ng alipin. Kapag ang tatlong talatang ito ay naalis mula sa kanilang konteksto at inilalapat lamang sa kababaihan, naging kasangkapan ito sa kamay ni Satanas. Madalas ma binabaluktot ni Satanas ang Kasulatan upang magawa ang kanyang mga masamang layunin, at ginagamit niya ito upang sirain ang plano ng Diyos para sa pag aasawa. Ang utos patungkol sa pagpapasakop ay nagsisimula sa talatang 18, na nagsasabing ang lahat ng Kristiyano ay dapat magpasakop sa isa't isa. Ito ay inilalapat sa mga asawang babae, ngunit ang karamihan ng responsibilidad ay ibinigay sa asawang lalaki na mahalin ang kanyang asawa tulad ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya (Efeso 5: 25-32). Kapag ang asawang lalaki ay namumuhay sa pagsunod na inaasahan ng Diyos para sa kanya, hindi magiging mahirap sa isang Kristiyanong asawang babae na magpasakop sa kanyang pamumuno.
Habang may mga Kristiyanong asawang babae na walang mga anak, ang karamihan sa mga may asawang babae ay magiging mga ina. Sa panahong ito, natural para sa kanya na ibigay ang lahat ng kanyang pagsisikap at pansin sa kanyang mga anak. Maaaring tumagal ng ilang panahon bago siya makaadjust sa mga bagong responsibilidad sa pamilya, ngunit naaalala ng isang Kristiyanong asawang babae na ang kanyang asawa ang kanyang unang priyoridad. Ang kanyang mga pangangailangan ay mahalaga pa rin. Maaaring madama niya minsan na wala na siyang maibibigay sa kanya sa pagtatapos ng isang nakakapagod na araw, ngunit maaari siyang lumapit sa Panginoon at magkaroon ng lakas at enerhiya upang manatiling una, bilang isang asawa at pangalawa, bilang isang ina (Kawikaan 18:10; Awit 18: 2).
Ang kumunikasyon ay kritikal sa panahon ng mga unang taon ng pag-aalaga ng bata, at ang isang Kristiyanong asawang babae ay magpapasimula ng mga di-mapanghusgang pag-uusap sa kanyang asawa, at ipapaliwanag kung paano siya makakatulong at kung ano ang kailangan niya mula sa kanya upang maging handa sa pagtugon sa kanyang mga pangangailangan. Ang mga mag-asawa na nanatiling nag-uusap at naglalaan ng panahon upang magkasamang lumakas at magtatag ng mas malalim na pagsasama na magpapanatili ng malusog na relasyon. Nalalaman din ng isang Kristiyanong asawang babae na ang paglalaan ng oras para sa sarili ay hindi pagiging makasarili. Siya ay bukas sa kanyang asawa tungkol sa kanyang emosyonal at saykolohikal na pangangailangan. Ang mga asawang babae na nagpapabaya o hindi nagpapahayag ng kanilang sariling mga pangangailangan dahil sa takot na magmukhang makasarili ay nagtatakda lamang sa kanilang sarili na magalit at mapagod. Bago maibigay ng isang asawa at ina sa kanyang pamilya ang kanilang kinakailangan, kailangang alagaan din niya ang kanyang sarili.
Maraming Kristiyanong asawang babae ang may pag-aalinlangan sa Kawikaan 31 dahil tila inilalarawan dito ang isang imposibleng ideyal sa mga kababaihan. Ngunit mahalagang tandaan na hindi inilalarawan sa sitas na ito ang isang banal na babae na walang kapintasan. Siya ay isang kathang-isip na halimbawa ng uri ng babae na dapat hanapin ng isang lalaki bilang asawa. Ito ay kabaliktaran ng mga katangian ng isang babaeng hindi angkop na maging asawa, tulad ng katamaran, pagkamakasarili, kamangmangan, kawalang-ingat, at kahihiyan. Ang isang Kristiyanong asawang babae ay naglalayong ipakita ang kabaliktaran ng mga masasamang katangian, at ang Kawikaan 31 ay isang paglalarawan ng kung ano ang ideyal na babae. Hindi dapat maging literal, na para bang ang isang asawa na ang mga anak ay hindi "nagsusuot ng alahas" (talatang 21) o "nagpapatay ang kanyang lampara sa gabi" (talata 18) ay bigo. Sa halip, ang bahaging ito ng Banal na Kasulatan ay pumupuri sa mga banal, matalino, at masisipag na kababaihan sa panahong ang kontribusyon ng mga asawa at mga ina ay hindi napapansin. Ang mga makadiyos na kababaihan ay maaaring magalak dito kapag ang kanilang sariling mga pagpili ay sumasalamin sa ilan sa mga katangian na inilarawan doon.
Madalas ipahayag ng mga asawang babae na nais nilang maging mabuting lider ang kanilang mga asawa, at ang ilan ay nag-aalala na ang kanilang mga asawa ay hindi nangunguna sa pamilya. Totoo na inaasahan ng Diyos na ang mga asawang lalaki ay magkaroon ng responsibilidad para sa kagalingan ng kanilang mga pamilya. Ngunit mahalaga na tandaan na ang mga mabuting lider ay dapat magkaroon ng mga mabuting tagasunod. Bilang bahagi ng sumpa ng Diyos kay Eba para sa kanyang kasalanan (Genesis 3:16), ang mga babae ay nagkaroon ng likas na pagnanais na na mamuno sa kanilang mga asawa. Maraming kababaihan ang nakikita ang kanilang mga asawa bilang mga hindi natapos na proyekto na dapat nilang ayusin. Ang pagsisikap ng asawa na "tulungan siya" ay kadalasang humahadlang sa kanyang asawa, lalo na kung hindi siya komportable sa kanyang pamumuno. Hindi ito nagpapahiwatig ng kanyang pagtanggi na lumakad ayon sa idinisenyo ng Dios para sa kanya. Ngunit kinikilala ng isang Kristiyanong asawang babae ang kanyang papel at hinahayaan niyang manguna sa kanya ang kanyang asawa. Maaaring magalang niyang iniaalok ang kanyang payo at opinyon, at ang isang matalinong asawang lalaki ay hahanapin ito, ngunit kinikilala ng asawang babae na kapag ginawa niya ito, ang kanyang responsibilidad ay tapos na at ang huling desisyon ay nakasalalay sa kanya. Kung alam ng asawang lalaki na hindi siya pipigilan ng kanyang asawang babae kapag hindi siya sumasang-ayon, mas malamang na siya ay humakbang pasulong at manguna.
Ang isang panganib na maaaring makaharap ng mga kababaihang Kristiyano sa pag-aasawa at pagiging ina ay kapag pinahintulutan nila ang kanilang mga pagkakakilanlan na maging ganap na nakatatag sa kanilang mga tungkulin sa pamilya. Ang mabilis na pagdami ng mga diborsyo sa pagitan ng mga mag-asawa sa ilang bahagi ng mundo ay nagpapakita ng pagkasira nito. Maraming beses na ang asawang babae ay nangiiwan sa isang mabuting tao ng walang dahilan maliban sa siya ay hindi masaya. Bahagi ng kanyang kawalan ng pag-asa ay dahil sa paraan na ang pag-aasawa ay itinataas bilang pinakamataas na hangarin para sa mga kabataang babae. Naniniwala sila mula noong pagkabata na, kapag nakatagpo sila at nakapag-asawa ng tamang tao, sila ay kumpleto na. Ang karamihan sa pagtuturo ng iglesya ay naging bahagi sa pagdiriwang na ito ng pag-aasawa, kaya, para sa isang babaeng Kristiyano, ang pakiramdam niya ay nilinlang siya ng Dios. Bagaman ang pag-aasawa ay mabuti at tama at isang daluyan ng pagpapala, hindi ito dapat tingnan na pinagmumulan ng halaga at katuparan ng isang babae. Ang Diyos lamang ang makakapagbigay niyon, at dapat na nakikita ng mga Kristiyanong asawang babae ang kanilang mga tungkulin, hindi bilang hangganan ng kanilang sarili, kundi daan kung saan maaari nilang mas mahusay na mapaglingkuran ang kanilang Panginoon (1 Corinto 10:31).
Ang isang babae na nagnanais na maging maka-diyos na asawang babae ay maaaring magtanong sa kanyang sarili ng mga sumusunod na katanungan:
1. Napapanatili ko bang malusog at pangunahing priyoridad ang aking espiritwal na buhay (Mateo 6:33)?
2. Akin bang tinanggap ng maluwag sa loob ang aking tungkulin na ibinigay ng Diyos bilang kaagapay ng aking asawa, hindi bilang kanyang amo (1 Corinto 11: 3)?
3. Sinisikap ko ba araw-araw na magpakumbaba at maglingkod tulad ni Jesus, sa halip na paglingkuran (Mark 10:44 at 45)?
4. Naalis ko ba sa aking puso ang mga diyus-diyusan, tulad ng walang pakundangang pamimili, pag-alembong, o pagkagumon sa bisyo (Exodo 20: 3)?
5. Ipinakikita ko ba sa aking mga libreng oras na pinahahalagahan ko ang aking asawa, ang aking pamilya, at ang aking Tagapagligtas (Galacia 5:13)?
6. Binabantayan ko ba ang kaisipan sa aking tahanan sa mga ipinahihintulot kong panoorin, babasahin, at musika (Filipos 4: 8)?
7. Pinapanatili ko ba ang aking sarili na pisikal at emosyonal na kasiya-siya sa aking asawa (Kawikaan 27:15; 31:30)?
8. Ipinakikita ba ng aking pananamit at pagpapaganda na iginagalang ko ang aking katawan, ang aking asawa, at ang aking Tagapagligtas (1 Pedro 3: 3 at 5)?
9. Naalis ko na ba ang mga makamundong pananalita (pagmumura, mahalay na pananalita, maruming mga biro) upang ang aking mga salita ay maging pagpapala (Colosas 4: 6)?
10. Ako ba ay matalino at maingat na tagapamahala ng pananalapi ng pamilya (Kawikaan 31:16)?
11. Iginagalang ko ba ang aking asawa dahil sa kanyang posisyon, o kung sa tingin ko lang ay kung kailan siya karapatdapat nito (Efeso 5:33)?
12. Pinangangalagaan ko ba ang bahay ng aking asawa at mga anak (Kawikaan 31:27 at 28)?
13. Binabantayan ko ba ang puso ng aking asawa sa pamamagitan ng hindi pagbubunyag ng pribadong mga talakayan sa publiko o paggamit ng kanyang mga kahinaan laban sa kanya (Kawikaan 31:11)?
14. Ipinagpapatuloy ko bang paunlarin ang mga kaloob at mga hangaring ipinagkatiwala sa akin ng Diyos (2 Timoteo 1: 6)?
15. Ako ba ay umaasa sa aking sariling kakayahan o sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang maging isang makadiyos na asawa, ina, at tagasunod ni Kristo (Galacia 5:25)?
Sapagkat binayaran na ni Hesus ang ating pagkakautang/kasalanan (Colosas 2:14) sa Diyos, ang sinumang Kristiyano ay maaaring maging isang makadiyos na tao. Ang kabanalan ay hindi nakasalalay sa pag-iisip, edukasyon, o relihiyon. Hindi nito nililimitahan ang mga nagkasala sa nakaraan, mga nakipagdiborsyo, o may mga rekord sa bilangguan. Bilang mga tagasunod ni Kristo, dapat hangarin nating lahat na maging mas makadiyos sa anumang papel na ginagampanan natin sa lipunan dahil ito ay iniutos sa atin (1 Pedro 1:16) at dahil gusto nating maging katulad ng ating pinakamamahal na Panginoon.
English
Ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa pagiging isang Kristiyanong asawang babae?