settings icon
share icon
Tanong

Dapat bang pumunta ang mga Kristiyano sa mga bahay-aliwan?

Sagot


Sa diretsahan, ang mga bahay-aliwan ay mga lugar sa mundo na pinamamahalaan ni Satanas. Idinisenyo ang mga bahay-aliwan upang ibigay ng isang tao ang kanyang sarili sa kanyang makasalanang pagnanasa. Ginawa ang mga bahay-aliwan para sa dawalang pangunahing layunin: paginom ng alak at pakikipagtagpo sa isang lalaki o babae, na kadalasan ay may sekswal na aktibidad sa isipan. Oo nga’t may musika at sayawan, ngunit ang mga tao sa loob ng bahay-aliwan ay naroon upang uminom at makipagtagpo sa isang lalaki o babae. Ang mga bahay-aliwan ay para sa mga makasanlibutan habang ang mga Kristiyano ay nasa sanlibutan ngunit hindi makasanlibutan. Ang pagiging makasanlibutan ay ang pagkakaroon ng interes at pagnanasa sa mga bagay na nagbibigay kasiyahan sa makasalanang kalikasan.

Tinalakay ni Pablo sa kanyang sulat sa mga Kristiyano sa Efeso ang isyu ng mga gawaing makasanlibutan. Sinabi niya sa Efeso 4:17-24, “Ito nga ang sinasabi ko, at sinasaksihan sa Panginoon, na kayo'y hindi na nagsisilakad pa na gaya naman ng lakad ng mga Gentil, sa pagpapalalo sa kanilang pagiisip, na sa kadiliman ng kanilang pagiisip, ay nangahiwalay sa buhay ng Dios, dahil sa kahangalang nasa kanila, dahil sa pagmamatigas ng kanilang puso; na sila sa di pagkaramdam ng kahihiyan ay napahikayat sa kalibugan, upang kalakalin ang lahat ng karumihan ng buong kasakiman. Nguni't kayo'y hindi nangatuto ng ganito kay Cristo; kung tunay na siya'y inyong pinakinggan, at kayo'y tinuruan sa kaniya, gaya ng katotohanan na kay Jesus. At inyong iwan, tungkol sa paraan ng inyong pamumuhay na nakaraan, ang dating pagkatao, na sumama ng sumama ayon sa mga kahalayan ng pagdaraya; at kayo'y mangagbago sa espiritu ng inyong pagiisip, at kayo'y mangagbihis ng bagong pagkatao, na ayon sa Dios ay nilalang sa katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan.” Inilarawan dito ni Pablo ang mga taong isinasantabi ang Diyos at ibinibigay ang kanilang sarili sa senswalidad, kasakiman at paggawa ng mga maruruming gawain.

Hindi nais ng Diyos na ibigay natin ang ating sarili sa mga kasalanan ng kusang loob at napakadali. Pansinin ang sinasabi ng Diyos sa mga pananalitang ito: “At inyong iwan, tungkol sa paraan ng inyong pamumuhay na nakaraan, ang dating pagkatao, na sumama ng sumama ayon sa mga kahalayan ng pagdaraya.” Sinasabi ng Diyos na kung ipinapaubaya natin ang ating mga katawan sa ating makasalanang kalikasan, dinadaya tayo ng ating sariling pagnanasa. Si Satanas ang maestro ng pandaraya. Sa ibang salita, nagaalok si Satanas mga bagay na sa biglang tingin ay kaiga-igaya. Ang pagpunta sa bahay-aliwan ay napakasaya, at kahalihalina sa pakiramdam. Ang hindi natin nakikita ay ang mga konsekwensya, dahil sinisikap ni Satanas na takpan ang ating isipan ng mga bagay na kasiya siya sa pakiramdam. Ang pagtatalik, alkohol, at droga — na makikita sa halos lahat ng bahay-aliwan – ay mapaminsala sa espiritwal at pisikal. May lugar na pinaglaanan ang Diyos para sa pagtatalik kung saan magagawa ito ng kasiya-siya at ito ay sa konteksto ng pagaasawa kung saan walang AIDS, sakit na nakakahawa, pakiramdam ng pagiisa at paguusig ng budhi – na wawasak sa mga taong hindi sumasampalataya sa Diyos.

Ninanais ng Diyos para sa atin na maging matuwid at banal dahil nilikha tayo para sa layuning ito. Ang mga pakinabang sa pamumuhay ng naaayon sa layunin ng Diyos ay higit ang kapakinabangan at kasiyahang dulot kaysa sa panandaliang kasiyahang ibinibigay ng sanlibutan. Maraming tao na dating ginugol ang kanilang buhay sa mga bahay-aliwan ang nagsasabi na walang kagalakan at kasiyahan sa kanilang ginagawa kundi pawang kahungkagan. Iniaalok ng mga bahay-aliwan ang isang mumurahing imitasyon. Walang pangmatagalang kasiyahan ang matatagpuan sa mga bahay-aliwan kundi ang mga tukso na magbubulid sa tao sa kasalanan at kapahamakan.

Ang ganitong mga lugar ay hindi para sa mga Kristiyano. Maliban sa mga tukso, isyu din ang pagiging saksi ng mga Kristiyano sa mundo para kay Kristo. Kung makikita ng isang hindi mananampalataya ang isang Kristiyano na nabubuhay sa makasalanang pamumuhay at lagi sa loob ng mga bahay-aliwan, nasisira ang pangalan ng Panginoong Hesu Kristo. Dapat nating papagningasin ang ating ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang ating mabubuting gawa at luwalhatiin ang ating Ama sa langit (Mateo 5:16). Mahirap isipin kung paano makikita ang ating liwanag sa loob ng isang bahay-aliwan. Kahit na hindi gumagawa ang isang Kristiyano ng makasalanang gawain sa loob ng bahay-aliwan, nasisira ang kanyang patotoo sa mga tao at ito’y mapaminsala sa kanyang pananampalataya. Kaya nga, dapat na iwasan ng mga tunay na mananampalataya ang pagpunta sa mga bahay-aliwan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat bang pumunta ang mga Kristiyano sa mga bahay-aliwan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries