Tanong
Dapat bang magbakasyon ang isang Kristiyano?
Sagot
Hindi binabanggit sa Bibliya ang anumang partikular na katuruan tungkol sa bakasyon. Gayunman, tinatalakay naman sa Bibliya ang mga konsepto ng pamamahinga at pangangasiwa, na parehong maiisaalang-alang kung nagpaplano ang isang Kristiyano na magbakasyon.
Ang bakasyon ay isang panahon ng pamamahinga, at ang Diyos ang unang halimbawa ng pamamahinga sa Geness 2:2-3 ng tumigil Siya sa paglikha. Sa Exodo 20:8–11 sinabi ng Diyos sa Kanyang bayan na dapat silang magpahinga sa kanilang mga gawain sa ikapitong araw—na tulad sa pagbabakasyon ng isang araw sa loob ng isang linggo. Ang utos patungkol sa Sabbath ay inulit-ulit sa buong Lumang Tipan. Sa Bagong Tipan, makikita natin na ginanap ni Jesus ang kahulugan ng Sabbath. Wala na ang mga Kristiyano sa ilalim ng Kautusan patungkol sa Sabbath, ngunit mahalaga pa rin ang konsepto ng pamamahinga. Sinabi ni Jesus na ginawa ang Sabbath para sa tao na nangangahulugan na isang regalo ng Diyos para sa atin ang Sabbath (Markos 2:27). Sa halip na maging pabigat ito sa mga tao gaya noong panahong dumating si Jesus, ang layunin ng araw ng Sabbath ay pagpapanumbalik. Sa ating pamamahinga, idinideklara natin ang ating pagdepende sa Diyos, sinasanay ang ating pananampalataya para sa Kanyang probisyon, at nakakaranas ng pagpapanibagong lakas.
Hindi nagbakasyon si Jesus mula sa Kanyang ministeryo, ngunit gumugol Siya ng panahon para sa pagpapanibagong lakas at tiniyak na gayon din ang mga alagad. May isang panahon na, "napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain." Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, "Magpunta tayo sa hindi mataong lugar upang makapagpahinga kayo nang kaunti" (Markos 6:31). Malinaw na kung mismong ang Panginoong Jesus ay naglaan ng panahon para sa pamamahinga, ang pagbabakasyon ay isang mabuting bagay.
Kinakailangan ang balanse kung magpaplano ng bakasyon. Ang pamamahinga ay isang regalo; higit pa rito, ito ay isang pangangailangan ng tao. Hindi tayo tatagal kung hindi tayo magpapahinga gaya ng pangangailangan natin ng tulog. Sa parehong panahon, ang pamamahinga ay hindi ang mismong layunin ng buhay. Dapat din tayong magtrabaho. Sinasabi sa Efeso 5:15–17, "Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. Gamitin ninyo nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng kasamaan ang kasalukuyang panahon. Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon." Nanalangin si Moises, "Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon, itanim sa isip namin upang kami ay dumunong" (Awit 90:12), at sinabi ni Jesus, "Kailangang gawin natin ang mga ipinapagawa ng nagsugo sa akin…" (Juan 9:4). Malinaw na ang layunin ng ating buhay ay hindi ang pagbabakasyon. Ngunit kailangan nating magpahinga sa ating mga pangaraw-araw na gawain para tumanggap ng panibagong lakas mula sa Diyos. Hindi tayo nilikha ng Diyos para magtrabaho o magministeryo ng 24/7, 365 araw kada taon.
Ang isa pang bagay na dapat isaalang-alang patungkol sa pagbabakasyon ay ang pangangasiwa ng mga bagay na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Dapat tayong maging mga mabubuting katiwala ng ating panahon at pananalapi. Mahalagang gugulin ang ating salapi sa mga bagay na tunay na mahalaga. Ang isang mabuting bakasyon ay makapagpapanibagong sigla sa ating mga kaluluwa at tutulong sa atin para magpatuloy sa ating mga gawain para sa Panginoon. Ang pagbabakasyon ay isa ring paalala na nagtitiwala tayo sa Diyos–hindi sa ating mga sarili–para sa ating ikabubuhay.
Ang pangangasiwa sa ating pananalapi ay isang mahalagang isyu sa pagbabakasyon. Mahalagang ikunsidera ang ating kakayahang pinansyal kung magpaplano ng isang bakasyon. Ang gastusin ba sa isang bakasyon ay naaayon sa ating pinansyal na kakayahan? Ang atin bang magagastos ay kasing halaga ng ating makukuha sa bakasyon? Nagiging responsable ba tayo sa ibang aspeto ng ating pinansyal na obligasyon (pagbabayad ng ating mga bills, pagbibigay sa iglesya, pagtulong sa iba at iba pa)? Hindi namin sinasabi na hindi dapat gugulan ng malaking halaga ang isang bakasyon. Hindi masama na gumugol ng pera – kahit ng malaking pera – para sa isang karanasan. Ang kapalit na pakinabang sa relasyon, sa kasiyahan o sa pagpapanibagong sigla ay maaaring sulit sa ating ginastos. Ang susi ay pagpapailalim sa Diyos ng ating mga desisyon sa pananalapi at pangangasiwa ng maayos sa ating pinansyal.
Hindi lamang pinahihintulutan para sa mga Kristiyano na magbakasyon kundi ito ay kinakailangan din. Patungkol sa kung ano ang dapat gawin sa isang bakasyon, ito ay isang bagay na nakadepende sa konsensya, kakayahang pinansyal at praktikalidad. Maaaring simple o magarbo ang isang bakasyon, ngunit dapat nating isaalang-alang ang sinasabi sa Colosas 3:17, "At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama."
English
Dapat bang magbakasyon ang isang Kristiyano?