settings icon
share icon
Tanong

Dapat bang makipagbarkada ang mga Kristiyano?

Sagot


Ang "barkada" o "cliques" ay maaaring ipagpalagay na isang eksklusibong grupo ng tao na naglalaan ng panahon ng magkakasama at hindi gaanong nakikisama sa mga taong nasa labas ng grupo. Natural na naaakit ang mga tao sa mga katulad nila at minsan, kahit hindi nila namamalayan, nakakabuo sila ng isang "barkada." Kung nakatagpo tayo ng isang tao na kapareho natin ang mga hilig, may parehong sense of humor, at parehong pananaw sa mundo, nais nating maggugol ng panahon na kasama ang taong iyon. Nasisiyahan tayo na kasama ang mga taong nagpapatunay at sumasangayon sa ating sariling mga pananaw at personalidad. Ganap na normal at katanggap-tanggap na maglaan ng panahon kasama ng isang maliit na grupo ng mga kaibigan na nagpapasaya sa atin. Ngunit hindi katanggap-tanggap na mawalan o magkulang ng pakikisama sa mga taong hindi bahagi ng iyong grupo ng kaibigan. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ibigin natin ang bawat isa na gaya ng ating sarili (Galacia 5:14), maging ang mga taong hindi kabilang sa ating grupo o kakaiba sa atin.

Ang isang barkada ay laging may kaugnayan sa gawi ng mga bata sa paaralan, ngunit may ilang iglesya na may reputasyon din ng pagkakaroon ng barkadahan sa loob ng kanilang iglesya. May ilang denominasyon na tila nagsusulong ng ganitong kultura ng higit sa iba, at ang saloobin ng kongregasyon ay laging sumasalamin sa saloobin ng pamunuan. Ang isang pastor na bukas, mapagpakumbaba, at masigasig sa pakikipagkaibigan sa lahat ay nangunguna sa tuwina sa isang iglesya na puno ng mga taong may parehong paguugali. Sa isang banda, ang mga pastor na itinuturing ang sarili na nakatataas sa karaniwang Kristiyano o ibinubukod ang sarili sa loob ng isang samahan ng piling iilan ay maaaring walang malay na nagtutulak sa kanilang kongregasyon na gawin din ang gayon. Binalaan tayo ni Apostol Pedro sa ganitong paguugali "… At kayong lahat ay magpakumbaba sapagkat, "Sinasalungat ng Diyos ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob' (1 Pedro 5:5).

Hindi maiiwasan na maakit tayo ng mga tao na komportableng kasama at tinatanggap tayo sa kung sino tayo. Sinabi ni C. S. Lewis ang sikat na pangungusap na ito, "Isinisilang ang pagkakaibigan sa sandaling sabihin ng isang tao sa kanyang kapwa tao: '"Ano! Ikaw din? Akala ko ako lang!'" Kung makatagpo tayo ng mga tao at magkaroon ng ganitong karanasan, maaring piliin nating makasama sila sa halip na ang mga taong hindi natin gaanong kilala o hindi napapansin ang ating presensya. Maaaring nakakahiya at hindi komportable ang maghanap ng mga bagong kaibigan. Kaya natural na naghahanap tayo ng mga dati na nating kilala, at ang ganitong proseso ang nagreresulta sa isang "barkadahan." Ang isang grupo ng magkakaibigan ay nagiging isang barkadahan kung nawawalan sila ng interes na kumilala ng mga bagong kaibigan at hindi gaanong pinapansin ang mga taong sinusubukang mapabilang sa grupo.

Sa loob ng iglesya, ang pagkakaroon ng barkadahan ay maaaring makasira sa espiritwalidad ng mga bagong miyembro lalo na ng mga mahihina pa sa pananampalataya. Sinasabi sa Santiago 2:1, "Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao." Ang maaaring dahilan sa paboritismong ito ay pinansyal na kalagayan, popularidad, hitsura, uri ng pamumuhay, edukasyon o personal na karanasan. Dapat na kilalanin natin ang panganib ng paboritismo at iwaksi ito sa tuwing nakikita natin ito sa ating sarili. Kung kinikilala natin ang ating mga kahinaan sa harapan ng Diyos, gumagawa tayo ng mga hakbang para mapagtagumpayan ang mga iyon. Hindi natin mababago ang isang bagay na hindi natin kinikilala.

Iminungkahi ng iba na si Jesus ay bahagi ng isang "barkadahan," dahil ginugol Niya ang marami sa Kanyang panahon na kasama lamang sina Pedro, Santiago at Juan (Markos 5:37). Nagkaroon ng maraming tagasunod si Jesus (Juan 6:60), ngunit labindalawa lamang ang Kanyang pinili para maging apostol (Mateo 10:1). Totoo na ibinahagi NIya ang ilan sa mga pinakadakilang espiritwal na karanasan sa mga pinakamalapit lamang sa Kanya, pero matatawag ba ang Kanyang maliit na grupo na isang "barkadahan?"

Kinikilala ng marurunong na tao ang maraming antas ng relasyon, at ang katotohanan na hindi karapatdapat ang lahat ng tao sa parehong antas ng pagtitiwala. Ipinakita ng buhay ni Jesus ang perpektong balanse sa mga relasyon. May maliit Siyang grupo ng pinagkakatiwalaang kaibigan pero hindi Niya ginugol ang lahat ng Kanyang mga libreng oras na kasama lamang sila. Ginugol din Niya ang Kanyang buhay sa pakikipagugnayan, sa pagpapala, at paglilingkod sa lahat ng tao na lumapit sa kanya at tinuruan ang Kanyang mga alagad na gawin din ang gayon (Mateo 4:23; 12:15; Lukas 20:1). Kusang ibinigay ni Jesus ang kanyang sarili sa iba ng hindi sila hinahayaan na kunin ang hindi Niya handang ibigay. Kinuha sa Kanya maging ang Kanyang sariling buhay, ngunit kusa Niya itong ibinigay (Juan 10:18).

Hindi natin kayang gugulin ang lahat ng ating panahon sa pagbibigay. Kahit na ang Panginoong Jesus ay nagnais na mapag-isa para makasama ang Kanyang Ama (Markos 6:45-46). Hinimok din Niya ang mga alagad na magpahinga (Markos 6:31). Alam ng mga taong may malusog na emosyon ang pagkakaiba sa pagitan ng kanilang pinaglilingkuran at ng mga taong tumutulong sa kanila sa pagdadala ng pasanin ng paglilingkod, at gumugugol sila ng tamang dami ng panahon at lakas sa bawat grupo.

Ang pakikisama sa isang maliit na grupo ay hindi laging nangangahulugan ng "pagbabarkadahan." Maaaring may mga tao na nakatagpo ng mga kasama para tumulong sa kanila sa pagdadala ng pasanin. Kung naglilingkod din sila sa iba, at kusang ibinibigay ang sarili sa mga taong hindi makakaganti ng parehong paglilingkod, maaaring kailangan nila ang pakikisama sa isang maliit na grupo para humingi ng tulong at ginhawa mula sa hirap ng palaging pagbibigay, gaya ng ginawa ni Jesus. Nangangailangan lalo't higit ang mga nasa "full-time ministry" ng mga susing tao na kanilang pinagtitiwalaan na maaari silang kumilos ng normal ng walang pamantayang inaabot at nadaramang bigat sa paglilingkod. Ang mga taong hindi kabilang sa maliit na grupo ay maaaring magselos at tawagin iyon na "barkadahan," ng hindi nalalaman na ang lahat ng tao – kabilang ang mga tagapanguna sa ministeryo – ay nangangailangan din ng ilang kaibigang mapagkakatiwalaan.

Habang dapat na maging layunin ng bawat Kristiyano na tularan si Kristo at magkaroon ng walang pagiimbot na kahabagan sa bawat isa, mahalaga rin na magkaroon ng malalapit na kaibigan. Gayunman, kung ang maliit na grupong ito ay nagiging sarado na para sa iba at intensyonal na ibinubukod ang sarili sa mga potensyal na kasama, maaaring hindi na ito malusog. Kung ang pagiging eksklusibo ng isang grupo sa iglesya ay nakakasakit na sa katawan ni Cristo, dapat na muling isaayos ng grupo ang kanilang sarili para maiwasan ang reputasyon ng pagiging isang "barkadahan."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat bang makipagbarkada ang mga Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries