settings icon
share icon
Tanong

Paano tutugon ang Kristiyano sa pam-bubully?

Sagot


Walang partikular na sinasabi ang Bibliya tungkol sa mga bully o pambubully, ngunit maraming Biblikal na prinsipyo na mailalalapat sa isyung ito. Una, mahalagang maunawaan kung ano ang pambubully. Ang isang simpleng pakahulugan ay "paggamit ng lakas at kapangyarihan para manakit ng tao." Ang mga bully ay mga taong naghahanap ng kapwa tao na inaakala nilang mas mahina at pagbabantaan nila ng masama, o aktwal na mananakit para maganap ang kanilang kagustuhan. Malinaw na hindi makadiyos ang pambubully. Tinawag ang mga Kristiyano na ibigin ang ibang tao at tulungan ang mahihina hindi para pagbantaan o manipulahin (Santiago 1:27; 1 Juan 3:17–18; Galacia 6:9–10). Malinaw na hindi dapat na mambully ang mga Kristiyano, ngunit paano tutugon ang mga Kristiyano sa pambubully?

Sa pangkalahatan, may mga sitwasyon kung saan dapat na umaksyon ang isang Kristiyano laban sa pambubully: kung siya ang biktima ng pambubully o kung saksi siya sa pambubully. Kung binubully, ang maaaring tamang tugon ay ang pagbibigay ng kabilang pisngi, o maaaring pagtatanggol sa sarili. Nang ituro ni Jesus ang pagbibigay ng kabilang pisngi" sa Mateo 5:38–42, itinuro Niya sa atin na huwag tayong gaganti para ipagtanggol ang ating personal na karapatan. Ang ideya ay hindi pagsusukli sa insulto ng parehong insulto. Kung may umabuso sa atin sa pamamagitan ng masamang pananalita, hindi tayo gumaganti ng paginsulto at nagsasalita ng parehong masamang pananalita. Kung sinusubukan ng isang tao na kunin ang kapangyarihan para tayo pagbantaan o pwersahang pagawin ng isang desisyon ayon sa kanyang kagustuhan, maaari nating labanan ang kanyang manipulasyon ng hindi siya minamanipula. Sa madaling salita, ang pambubully sa isang bully ay hindi naaayon sa Bibliya at sa prangkahan ay hindi makakatulong. Gayunman, nararapat na isuplong ang isang bully sa tamang awtoridad. Hindi masama para sa isang bata sa eskwelahan na isumbong ang nambubully sa kanya sa kanyang titser. Hindi masama para sa isang tao na isuplong ang isang kriminal sa mga puis. Ang ganitong aksyon ay maaaring humadlang sa mga bully para huwag ng makapanakit pa ng iba. Kahit na hindi tayo dapat gumanti sa personal na paraan, magagamit natin ang sistema ng katarungan sa ating sosyedad.

Sa ibang mga kaso, partikular sa mga kaso kung saan ang uri ng pambubully ay pananakit sa pisikal, tama lang na ipagtanggol natin ang ating sarili. Hindi isinusulong ng Bibliya ang pananahimik sa lahat ng pagkakataon. Ang utos ng Diyos sa Exodo at ang utos ni Jesus sa Kanyang mga alagad na magdala ng tabak sa Lukas 22 ay mapagkukunan natin ng prinsipyo. Dapat na maging mapagmahal at mapagpatawad ang mga Kristiyano, ngunit hindi natin dapat pinapayagan ang kasamaan.

Kung makakita ang isang Kristiyano ng pambubully, maaring tama na kumilos siya at hadlangan ang pagatake sa biktima. Iba-iba ang bawat sitwasyon, at sa maraming pagkakataon, ang pakikialam ay dagdag lamang sa problema, ngunit karaniwang kinakailangang manindigan ang isang tao lamang para sa isang mas mahina upang matigil ang pambubully at mahadlangan pa itong mangyari sa hinaharap. Tiyak na maaaring makipagusap ang isang Kristiyano sa isang biktima ng pambubully pagkatapos ng insidente at tulungan ang biktima sa anumang kanyang pangangailangan kasama ang paguulat ng insidente sa kinauukulan.

Kinakailangan ang karunungan mula sa Diyos sa lahat ng pagkakataon ng pagkompronta sa pambubully. Nananahan ang Banal na Espiritu sa mga tunay na tagasunod ni Kristo. Tinutulungan Niya tayo na maunawaan ang Salita ng Diyos at gumagabay at nagbibigay sa atin ng kakayahan na sumunod sa Diyos sa anumang sitwasyon na ating kinalalagyan.

Kailangan din nating ikunsidera ang ating mga kaisipan at saloobin sa mga bully. Madaling masamain ang mga bully at isipin na sila ay kamuhi-muhing mga tao. Gayunman, hindi ito makadiyos na saloobin. Isinilang ang lahat ng tao na makasalanan at nangangailangan tayong lahat ng kaligtasan kay Jesus (Roma 3:23; 6:23). Ang pinakamaliit nating magagawa ay manalangin para sa mga bully na magbago ang kanilang puso at malaman ang pagliligtas ng Diyos (1 Timoteo 2:1–4). Gayunman, maraming beses na kumikilos ang mga bully dahil sa pagdanas nila mismo ng sakit sa nakaraan. Maaaring na-bully din sila noon. Maaaring kulang ang kanilang tiwala sa sarili at ang tanging paraan para matanggap nila ang kanilang sarili ay ang pagmamaliit sa iba. Maaari tayong makiisa sa kanilang nararamdaman at ipagkaloob sa kanila ang kahabagan, pag-ibig at biyaya ng Diyos habang naglalagay ng matatag na hangganan para itama ang kanilang ginagawa. Kung dahil sa masakit na nakaraan o dahil sa simpleng kasalanan ang pambubully, ang Diyos ang makakapagpagaling, magpapanumbalik at magbabago sa bully. Laging tama na ipanalangin ang mga biktima at ang mga nambubully. Gayundin naman, kung tayo ang biktima ng pambubully, maaari nating ilapit sa Diyos ang ating nararamdaman at humingi sa Kanya ng katiyakan at kagalingan

Sinasabi sa Roma 12:17–21, "Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa harap ng lahat ng mga tao. Hangga't maaari, gawin ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng sinuman. Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, "Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon." Sa halip, "Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton ka ng mga baga sa kanyang ulo." Huwag kayong magpadaig sa masama, kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama."

Ipinakita sa atin ng Diyos ang Kanyang kahanga-hangang kahabagan. Dapat natin itong ipakita sa iba sa ating paguugali – sa pamamagitan ng hindi pambubully, sa paninindigan at pagtatanggol sa mahihina, sa pagiging handa sa pagpapatawad, sa pagpigil sa bully sa abot ng ating makakaya sa pamamagitan ng pagsusumbong sa mga tamang ahensya, at sa pananalangin para sa mga bully at mga binubully. Ang pag-ibig at biyaya ng Diyos ay sapat upang pagalingin ang lahat ng sugat.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano tutugon ang Kristiyano sa pam-bubully?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries