Tanong
Dapat bang gumamit ang mga Kristiyano ng credit card?
Sagot
Ang credit vouchers sa ilang anyo ay umiiral na mula pa noong 1800's, pero pribado, at limitado lamang. Ang mga plastik na credit cards gaya ng alam natin ngayon ay ginamit lang mula noong 1960's. Noong 1946 isang banker na nagngangalang John Biggins ang nakaimbento ng isang bank card na tinawag na "Charg-It," pero ginamit lang ito sa kanyang sariling bangko. Noong, 1950 ipinakilala ng Diners Club ang isang kard na naging unang credit card na ginamit ng malawakan. Mula noon, iba pang bangko at institusyon na nagpapautang ang sumali sa grupo ng mga gustong magpahiram ng pera ng may tubo o interes. Makakatulong ang credit card para makaraos ang isang tao sa panahon ng pinansyal na kagipitan ngunit maaari din itong lumikha ng hindi na mabayarang utang kung hindi naging maingat sa paggamit. Dahil ang Diyos ang dapat na masunod sa bawat aspeto ng buhay ng mga Kristiyano maging sa ating pananalapi, dapat bang gumamit ang mga Kristiyano ng credit cards?
Kung dapat o hindi dapat na gumamit ang mga Kristiyano ng credit card ay nakadepende sa lakas ng pagkokontrol sa sarili, karunungan at pangunawa sa kapangyarihan ng credit cards na alipinin tayo. Ang isang pangunahing problema sa mga institusyong nagpapautang at mga kumpanya ng credit cards ay kinukuha nila ang malaking bahagi ng kanilang kayamanan sa mga taong hindi matalino sa paggastos at sa mga taong walang kakayahang magbayad ng utang. Nang ibigay ng Diyos ang Kautusan sa mga Israelita, binigyang diin Niya na hindi sila dapat magpapahiram ng pera ng may napakataas na interes sa kanilang mga kababayan (Levitico 25:36; Exodo 22:25). Ang pagbabawal ay hindi laban sa pagpapatubo sa lahat ng tao na maaaring umutang sa kanila, kundi ang pagpapatong ng sobrang patubo sa mga kapwa nila Israelita na walang kakayahang magbayad. Sa paghahambing, inilalarawan sa Awit 15:5 ang isang tao na nananahan sa presensya ng Diyos bilang isang tao na kasama sa maraming katangian ang "nagpapahiram sa mahihirap ng walang interes."
Natutunan ng maraming tao na hindi nila maaaring pagtiwalaan ang kanilang sarili sa pagahawak ng credit cards. Inakala nila na ito ay "libreng pera" dahil ang aktwal na bayarin ay hindi dumarating sa loob ng ilang linggo, at minimum payment lang ang kailangang bayaran. Maaari silang bumili ng isang gadget sa halagang P10, 000 at magbayad lang ng isanglibo kada buwan sa loob ng ilang buwan. Ang hindi nila naiisip ay ang bagong gadget na nagkakahalaga ng 10,000 ay naging isang gamit na nagkakahalaga na lang ng P3,000 sa oras na mabayaran na nila ng buo ang kanilang utang sa minimum payment bawat buwan. Ang pagaaksaya ng pera sa interes ay hindi pagiging mabuting katiwala ng mga ipinagkatiwala sa atin ng Diyos (tingnan ang 1 Timoteo 6:10; Kawikaan 22:7). Nangangahulugan ang matalinong paggastos na mamumuhay tayo ng mababa kaysa sa ating kinikita para lagi tayong may pera sa mga panahon ng biglaang pangangailangan at sapat para makapagbahagi sa mga nangangailangan.
Ang pagkita ng interes mula sa ating pinuhunan, sa halip na pagbabayad ng interes sa ating ginastos ang matalinong paraan sa paghawak ng pera. Sa Mateo 25, ibinigay ni Jesus ang halimbawa ng tatlong alipin. Pinuhunan ng dalawa sa kanila ang perang iniwan sa kanila ng kanilang Panginoon at nadoble iyon. Samatala, hindi naman namuhunan ang pangatlong alipin. Sa talatang 27, sinabi sa kanya ng Panginoon, "bakit hindi mo na lamang inilagay sa bangko ang aking salapi! Kahit paano'y may tinubo sana ito!"
Hindi masama ang credit card sa kanyang sarili. Maaari itong maging kagamit-gamit, madaling gamitin at matipid para sa mga taong alam ang tamang paggamit nito. Makakatulong ito sa atin kung tayo ang namamahala sa ating pinansyal, sa halip na ang ating pinansyal ang namamahala sa atin at hindi natin ginagawang idolo ang mga bagay na ating binibili. Hindi rin natin dapat gamitin ang ating pera para kontrolin ang ibang tao. Naiiwasan ng mga marunong gumamit ng credit cards ang mataas na interes na ipinatong sa kanilang mga binili sa pamamagitan ng pagbabayad ng buong halaga ng pagkakautang bago ang o sa nakatakdang petsa ng pagbabayad.
Kung itinuturing natin ang credit cards ng tulad sa cash, makokontrol natin ang ating pamimili. Hindi natin bibilhin ang hindi natin kayang bayaran kaya hindi tayo magugulat pagdating ng resibo ng bayarin. Ang pagbili ng kaya lang nating bayaran gamit ang credit card ay pagsunod sa Hebreo 13:5, "Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, "Hindi kita iiwan ni pababayaan man.…" Kung tumatanggi tayo sa tukso ng pangungutang, natututunan nating masanay ng pagiging kuntento sa buhay (1 Timoteo 6:6). Sa pamamagitan ng kakuntentuhan, nagkakaroon tayo ng makadiyos na karakter at nauunawaan na ang ating salapi ay isang paraan upang pagpalain ang iba at upang maparangalan ang Diyos (Awit 37:26; Kawikaan 11:24–25; 2 Corinto 9:7).
English
Dapat bang gumamit ang mga Kristiyano ng credit card?