Tanong
Ano ang dapat na maging pananaw ng Kristiyano sa environmentalism?
Sagot
May pagkakaiba sa pagitan ng pananaw ng Bibliya sa kapaligiran at sa pananaw ng mga kilusang pampulitika sa kapaligiran na tinatawag na “environmentalism.” Ang pangunawa sa pagkakaiba ng dalawang pananaw na ito ang huhugis sa pananaw ng isang Kristiyano tungkol sa kanyang kapaligiran. Malinaw na itinuturo sa Bibliya na ang mundo at lahat ng narito ay ibinigay ng Diyos sa tao upang pamahalaan at pangalagaan. “At sila'y pinagpala niya. Sinabi niya, “Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa” (Genesis 1:28). Dahil nilikha sila sa wangis ng Diyos, binigyan ng Diyos ang tao ng pribeliheyo sa lahat ng mga nilalang at inutusan sila na pamahalaan ang lahat ng mga ito (Genesis 1:26-28; Awit 8:6-8). Ang pamamahala ay nagpapahiwatig ng pangangalaga, hindi pangaabuso. Dapat na buong talino nating gamitin ang mga likas yaman na ibinigay sa atin ng Diyos at maging maingat sa pagpapanatili at pagprotekta sa kanila. Makikita ang prinsipyong ito sa Lumang Tipan kung saan iniutos ng Diyos sa tao na ang bukid at lupa ay dapat tamnan at paganihan sa loob ng anim na taon, at pagkatapos ay huwag munang tatamnan sa ikapitong taon upang manumbalik ang kalusugan ng lupa, makapamahinga ito at matiyak ang patuloy na probisyon nito para sa Kanyang bayan sa hinaharap (Exodo 23:10-11; Levitico 25:1-7).
Bilang karagdagan sa ating papel bilang tagapangalaga ng ating kapaligiran, dapat nating pahalagahan ang pakinabang at kagandahan nito. Sa Kanyang kahanga-hangang biyaya at kapangyarihan, inilagay Niya tayo sa planetang ito na mayroon ng lahat nating kinakailangan katulad ng pagkain at damit. Naging tahanan ang mundong ito ng bilyun-bilyong katao mula ng ilagay ng Diyos ang tao sa Hardin ng Eden. Ang lahat na ipinagkakaloob ng kalikasan para sa ating pangangailangan ay hindi nauubos at patuloy itong nagkakaloob sa atin katulad ng init ng araw at ng ulan na kinakailangan upang papanumbalikin ang mga likas na yaman. Hindi lamang ito, pinalamutian din ng Diyos ang ating plaaneta ng maluwalhating mga kulay at kagilagilalas na kagandahan upang masiyahan ang ating mga mata at punuin ng pagkamangha at kasiyahan ating mga kaluluwa. May hindi mabilang na uri ng mga bulaklak, ibon, at iba pang napakagandang manipestasyon ng biyaya ng Diyos para sa atin.
Sa parehong panahon, ang mundo na ating tinitirhan ay hindi isang permanenteng planeta at hindi intensyon ng Diyos na gawing permanente ito. Masidhi ang pagnanais ng kilusang “environmentalism” na panatilihin ang planetang ito magpakailanman ngunit alam natin na hindi ito ang plano ng Diyos para sa mundo. Sinasabi sa atin sa 2 Pedro 3:10, “Ngunit ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala.” Ang pisikal at narural na mundo sa kasalukuyang anyo nito, kasama ang buong kalawakan ay tutupukin ng Diyos at gagawa Siyang muli ng isang “bagong langit at bagong lupa” kung saan mananahan ang mga mananampalataya magpakailanman (2 Pedro 3:13; Pahayag 21:1).
Sa halip na sikaping ipreserba ang mundong ito para sa susunod na libu-libong taon o sa darating na milyong taon, dapat na maging mabuting katiwala tayo ng mundong ito hanggat hindi ito ginugunaw ng Diyos at habang ginagampanan nito ang layunin at plano ng Diyos para sa atin.
English
Ano ang dapat na maging pananaw ng Kristiyano sa environmentalism?