Tanong
Dapat bang magdiwang ang mga Kristiyano ng kaarawan?
Sagot
Walang pagbabawal laban sa pagdiriwang ng Kristiyano sa kaarawan sa Kasulatan, o may anumang indikasyon na kinakailangan nating ipagdiwang ang ating kaarawan. Kung kasulatan ang paguusapan, hindi isang isyu ang pagdiriwang ng isang Kristiyano ng kanyang kaarawan. Binanggit sa Bibliya ang dalawang tao na nagdiwang ng kanilang kaarawan: Ang Ehipsyong Faraon sa panahon ni Jose (Genesis 40:20) at si Haring Herodes sa panahon ni Jesus (Mateo 14:6; Markos 6:21). May ilan na ginagamit ang mga talatang ito bilang ebidensya na mali ang pagdiriwang ng kaarawan dahil ang dalawa ay parehong hindi mananampalataya, at itinuturing na ang pagdiriwang ng kanilang mga kaarawan ay isang ritwal ng mga pagano. Gayunman, ang konklusyong ito ay hindi makukuha sa kahit alin sa dalawang sitas ng Bibliya. Ni hindi nagbibigay ng anumang pahiwatig ang Bibliya na mali para sa Faraon at kay Herodes na magdiwang ng kanilang kaarawan. Hindi rin pinagbabawalan saanman sa Bibliya ang mga Kristiyano na magdiwang ng kaarawan.
Sa kanyang sulat sa mga taga Roma, tinalakay ni Pablo ang isyu kung anong araw ang nararapat para sa araw ng pagsamba, ngunit maaari din natin itong ilapat sa pagdiriwang ng mga Kristiyano sa kanilang kaarawan: "May nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang mga araw. May naniniwala namang pare-pareho ang lahat ng araw. Dapat tiyakin ng bawat isa kung ano ang kanyang pasya tungkol sa bagay na ito. Ang nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga rito alang-alang sa Panginoon. Ang kumakain ng anuman ay kumakain niyon alang-alang sa Panginoon, sapagkat nagpapasalamat siya sa Diyos. Iyon namang hindi kumakain ng ilang uri ng pagkain ay gumagawa ng ganoon alang-alang din sa Panginoon, at nagpapasalamat din siya sa Diyos.…" (Roma 14:5–6). Kung magdiwang ang isang Kristiyano ng kanyang kaarawan bilang isang espesyal na araw, iyon ay kanyang karapatan; kung hindi magdiwang ang isang Kristiyano ng kanyang kaarawan, iyon ay kanya ring karapatan. "Dapat tiyakin ng bawat isa kung ano ang kanyang pasya tungkol sa bagay na ito."
Ang higit na mahalaga ay hindi kung ang isang Kristiyano ay magdiriwang o hindi ng kaarawan kundi kung naluluwalhati ba niya ang Panginoong sa lahat ng kanyang ginagawa (1 Corinto 10:31). Kung magdidiwang ang isang Kristiyano ng Kanyang kaarawan, ang kasayahan ay dapat na lumuluwalhati sa Panginoon; ang makasalanang gawain ay hindi dapat na maging bahagi ng selebrasyon. Kung hindi magdidiwang ang isang Kristyano ng kanyang kaarawan, dapat na punuin niya ang kanyang panahon ng mga bagay na luluwalhati sa Panginoon.
Kung magdiwang man o hindi ang isang Kristiyano ng kanyang kaarawan, dapat siyang magsikap para sa isang malinis na budhi at ibigin ang kanyang mga kapatid kay Kristo. Ang mga nagdiriwang ng kanilang kaarawan ay dapat na magsikap na huwag ipahiya ang mga hindi nagdiriwang at hindi naman dapat na maging mababa ang pagtingin ng mga hindi nagdiriwang sa mga nagdiriwang ng kanilang kaarawan. Gaya ng iba pang mga isyu sa Kasulatan na hindi partikular na tinalakay sa Bibliya, may kalayaan tayo na magdiwang o hindi magdiwang ng ating kaarawan, ayon sa ating personal na kumbiksyon at pananaw.
English
Dapat bang magdiwang ang mga Kristiyano ng kaarawan?