Tanong
Paano mapapagtagumpayan ng mga Kristiyano ang mga kuta ng demonyo?
Sagot
Bago mapagtagumpayan ang mga kuta ng demonyo, dapat muna nating maunawaan kung ano ang eksaktong kahulugan ng “kuta ng mga demonyo.” Ang salitang kuta ay minsan lang mababasa sa buong Bagong Tipan (2 Corinto 10:4) at ang salitang Griyeo na isinalin sa salitang “kuta” ay nangangahulugang “isang matibay na tanggulan tulad sa isang kastilyo.” Sa talatang ito, tinuturuan ni Apostol Pablo ang iglesya sa Corinto kung paano nila lalabanan at gagapiin “ang lahat ng pagmamataas laban sa kaalaman tungkol sa Diyos” (2 Corinto 10:5). Gagawin nila ito hindi sa pamamagitan ng mga sandata ng mundo, kundi sa pamamagitan ng “kapangyarihan ng Diyos.” Ang mga argumento at mga opinyon ay resulta ng pagmamataas, masama, at walang kabuluhang imahinasyon. Ito ang pinakakuta kung saan nananahan ang mga demonyo. Ito ngayon ang esensya ng espiritwal na pakikibaka – ang kapangyarihan ng Diyos – upang mapagtagumpayan ang mga maling katuruan at pangangatwiran na siyang kuta ng mga demonyo.
Sa Efeso 6:8-10, inilarawan ni Pablo ang mga kagamitan na ipinagkakaloob ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod – ang baluti ng Diyos. Dito, tinuruan tayo kung paanong mapapasaatin, sa diwa ng kapakumbabaan at pagtitiwala sa Diyos ang mga kagamitang ito mula sa Diyos. Pansinin na dapat tayong maging malakas "sa Panginoon” at sa “kapangyarihan ng Kanyang kalakasan.” Hindi natin malalabanan ang kuta ng mga demonyo sa pamamagitan ng ating sariling lakas. Pinoprotektahan natin ang ating sarili sa pamamagitan ng unang limang piraso ng baluti at lumalaban sa pamamagitan ng nagiisang armas na panlaban – ang tabak ng Espiritu na walang iba kundi ang Salita ng Diyos. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng “lahat ng uri ng panalangin at kahilingan. . . at pananalangin para sa lahat ng mga anak ng Diyos” (talata 18). Sa mga talatang 12, at 13 ng Efeso 6, isinulat ni Pablo, “Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito, sa mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid. Kaya't gamitin ninyo ang kasuotang pandigma na mula sa Diyos. Sa gayon, makakatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating ng araw na sumalakay ang masama, upang pagkatapos ng labanan ay matatag pa rin kayong nakatayo.”
Ang isang kaugalian na dapat sanayin ng bawat mananampalataya ay ang pagsasapamuhay sa Efeso 6:10-18 at ang pagnanais na laging mabihisan ng espiritwal na baluti ng Diyos araw-araw. Isang napakahalagang gawain ang pagtatagumpay laban sa demonyo at sa kanyang mga pandaraya. Sinasabi ni Pablo na habang lumalakad tayo sa laman (habang nabubuhay tayo sa ating katawang lupa), hindi natin kayang makipagbaka ayon sa laman (hindi tayo makakalaban sa espiritwal na pakikibaka sa pamamagitan ng mga sandatang makalaman). Sa halip, habang itinutuon natin ang ating pansin sa mga kagamitan at sa mga sandatang espiritwal, makikita natin na bibigyan tayo ng Diyos ng tagumpay. Walang kuta ng demonyo ang makatatayo sa isang Kristiyanong nananalangin at suot ang buong baluti ng Diyos na nakakipaglaban gamit ang Salita ng Diyos na may kapangyarihang taglay mula sa Banal na Espiritu.
English
Paano mapapagtagumpayan ng mga Kristiyano ang mga kuta ng demonyo?