Tanong
Dapat bang magkaroon ng libangan ang isang Kristiyano?
Sagot
Ang isang libangan ay isang bagay na ating ginagawa ng labas sa ating regular na trabaho para sa kasiyahan o pahinga. Halimbawa, maaaring ito ay pagakyat sa bundok, paggawa ng mga muwebles, pagtugtog ng isang instrumento, pagbabasa, paglalaro, o marami pang ibang libangan. Alam ng Diyos ang pangangailangan natin ng pahinga paminsan-minsan para lamang maglibang, ngunit dapat na magkaroon tayo ng isang malinis, makadiyos, at hindi makamundo o makasalanang libangan. Kaya, mali ba para sa isang Kristiyano na magkaroon ng libangan? Hindi sa lahat ng pagkakataon. Nakararaming libangan ang hindi masama at hindi rin mabuti. Ang susi ay ang saloobin ng taong nakikilahok sa isang gawain o libangan.
Isinulat ni Pablo ang ganito, "At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama" (Colosas 3:17). Isinulat din niya, "Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos" (1 Corinto 10:31). Ang tunay na sukatan para sa ating mga libangan ay kung nakakaluwalhati ba ang mga iyon sa Diyos o hindi o kung nakikita natin na ang mga iyon ay mga kaloob ng Diyos sa atin na dapat nating ipagpasalamat o kung inilalapit tayo o inilalayo ng ating mga libangan sa Panginoon. Halos karamihan ng libangan ngayon ay nag-ugat sa kasalanan at niluluwalhati ang kasalanan at ginagatungan ang ating pita ng laman at pagnanasa ng mata. Dapat tayong maging maingat at tiyakin natin na ang ating mga libangan ay hindi nag-ugat at nagtutulak sa atin sa pagkakasala.
Maaring mali ang libangan kung ginagawa natin iyon para tumakas sa Diyos o kung mayroon tayong maling saloobin. Maaari tayong sumali sa isang isport at masiyahan sa pakikipagkaibigan at ehersisyo na makukuha doon. Pero kung ang ating pakikipagpaligsahan ay magtutulak sa atin para magmura sa tuwing natatalo o kung hindi maganda ang ating laro o nakakapandaya tayo sa anumang paraan, o itinuturing na natin ang ating kalaro bilang kaaway, nagkakasala na tayo at hindi na natin naluluwalhati ang Diyos. Ang mismong sport ay hindi masama, ngunit ang ating pagsali ay nagiging sanhi ng pagkakasala dahil sa ating saloobin at paraan ng paglalaro. Ngunit kung nasisiyahan tayo sa ating mga libangan ng may saloobin ng pasasalamat sa Diyos at ang pagsali sa mga iyon ay hindi nakakahadlang sa ating relasyon sa Kanya, kung ganito, ang isang libangan ay may positibong naidudulot sa ating mga buhay.
Ang tukso sa paglilibang ay ang paggamit sa kanila para takasan ang buhay at ang Diyos. Maaring nakawin ng ating libangan ang ating oras, maging diyus-diyusan ng ating mga buhay, at makagambala sa ating pagluwalhati sa Diyos sa lahat ng bagay. Kahanga-hanga ang ating kalayaan kay Cristo, ngunit may babala sa atin si Pablo: " Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig" (Galacia 5:13).
Muli, hindi masama ang lahat ng libangan sa kanilang sarili. Ngunit kung nauubos nito ang ating oras at pansin at inilalayo ang ating paningin kay Cristo, nagiging masama ang mga iyon. Kahit na ang mga pinakainosente sa mga libangan na umuubos ng ating panahon ay mga hadlang at dapat nating iwaksi dahil pinababagal nila ang ating pagtakbo sa paligsahan, sa ating buhay Kristiyano (Hebreo 12:1). Ito ang isang magandang pagsusulit: Gaano kahalaga sa akin ang libangang ito? Sapat ba ang Panginoon sa Akin? Kung aalisin sa akin ang libangang ito, makukuntento pa ba ako kay Cristo? Kaya, oo, maaring magkaroon ng libangan ang mga Kristiyano, ngunit dapat nating tiyakin na hindi nila papalitan si Kristo. Ito ang tukso, at dapat nating tiyakin na umiwas sa tuksong ito.
English
Dapat bang magkaroon ng libangan ang isang Kristiyano?