settings icon
share icon
Tanong

Ano ang dapat na saloobin ng mga Kristiyano sa lohika?

Sagot


Ang lohika ay ang siyensya ng pagtuklas ng katotohanan sa pamamagitan ng direkta o hindi direktang pagaaral sa mga ebidensya. Isinasaalang-alang ng lohika ang mga ibinigay na pagpapalagay, pinagaaralan ang mga kaugnayan, pinagkukumpara ang mga pagpapalagay at gumagawa ng konklusyon na nagpapatunay sa isang katotohanan na dating hindi nalalaman. Ang lohika ay ang Matematika ng ideya sa halip na numero. Isa itong paraan upang kilalanin ang kaugnayan sa pagitan ng mga ideya.

Mapapansin na tila ang lohika ang isa sa mga natural na batas na inilagay ng Diyos sa paglikha ng sansinukob. Pagkatapos, nilikha ng Diyos ang tao na may pagiisip at may kakayahang mangatwiran. Bilang nilikha ng Diyos, ang lohika ay isang mabuting bagay na kung gagamitin ng tama ay maaaring magturo sa atin pabalik sa Diyos. Sa kasamaang palad, mas madaling gamitin ang lohika sa hindi tamang paraan.

Tinatalakay ng siyensya ng lohika ang mga pormula ng relasyon ng mga ideya. Gaya ng mga numero sa Matematika, maaaring gamitin ang ideya na tulad sa isang pormula na nagpapakita ng kaugnayan sa iba pang ideya. Kagamit-gamit para sa tao na maunawaan ang mga pangunahing batayan ng mga pormulang ito. Laging pinangingibabawan ng emosyon ang mga modernong argumento na maaaring sumira sa isang talakayan at humadlangsa isang kapaki-pakinabang na resolusyon. Maaaring maging sagabal ang silakbo ng damdamin na siyang daan patungo sa katotohanan. Kadalasan, itinatago ang katotohanan ng mga mapanlinlang na argumento gamit ang maling lohika at maling pangangatwiran. Ang mapanlinlang na argumento ay isang taktika upang takutin ang katunggali at hindi ito nakakatulong upang magkaroon ng isang kapaki-pakinabang na diskusyon.

Sa isang praktikal na pananaw, parehong kabilang sa lohika ang pormula at ebidensya. Ibinibigay ng pormula ang kaugnayan ng mga ideya ngunit dapat na may mga pangunahing ideya ang umiiral na upang mapagaralan ang pormula. Bagama’t tinatanggihan ng relatibismo kahit na ang pinakapangunahing pagpapalagay, nakararami pa ring tao ang nagtitiwala sa mga empirikal na ebidensya - mga naipong datos sa pamamagitan ng mga opinyon. Nakararaming tao ang may lakas ng loob na sabihing “umiiral ako” at “umiiral ang mesa.” Kinukuha ng lohika ang mga datos na ito at kumukuha ng mas maraming katotohanan mula sa mga datos. “Ang anumang bagay na may simula ay dapat na may nagpasimula” ay isang pahayag na ayon sa lohika. Ang mas malalim na paganalisa sa pahayag na ito ay magdadala sa isang mas kumplikadong katotohanan gaya ng “pagkakaroon ng Diyos.”

Sa kasamaang palad, maraming debatista ang hindi sinasadyang bumabagsak sa maling pangangatwiran dahil hindi sila naguumpisa sa simula. Hinahayaan nila na magamit bilang ebidensya ang isang hindi pa napapatunayang konklusyon o isang dating paniniwala na ipinilit sa mga datos. Nagsisimula ang mga naniniwala sa ebolusyon sa natural na ebolusyon bilang basehan ng kanilang argumento dahil hindi nila tinatanggap ang mga himala. Maraming relihiyon ang tumatanggi na si Hesus ay tunay na Diyos at tunay na tao dahil naguumpisa sila sa gnostisismo, ang paniniwala na ang katawan ay masama at ang espiritu ay mabuti. Ang mga sekularista naman na ipinagpipilitan na ang relihiyon ay likas na reaksyon ng tao sa pagkatakot sa kamatayan ay naguumpisa sa pananaw na walang Diyos.

Ang totoo, nakararaming tao ang hindi maaaring mapapaniwala sa pamamagitan ng paggamit ng lohika upang tanggapin ang isang bagay na salungat sa kanilang kumbiksyon. Kalimitan, laging nagtatagumpay ang pakiramdam laban sa lohika. At bagama’t hindi bago ang lohika sa Panginoong Hesus at sa mga apostol, hindi ito ang kanilang pangunahing sandata. Nang sabihin ni Pedro na dapat na, “lagi kayong handa sa pagsagot sa bawa't tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo” (1 Pedro 3:15), hindi niya sinasabi na magsimula tayo sa ontolohikal na argumento sa pagkakaroon ng Diyos. Sinabi niya na maging handa tayo sa pagbabahagi ng kuwento ng ating sariling personal na relasyon sa Diyos at sa ating pag-asa na nanggagaling dito. Ang isang tao na ibinabase ang ang kanyang paniniwala sa emosyon ay walang kakayahan na makipagtalakayan gamit ang lohika. Sa kamay ng isang nagsanay na debatista, isang makapangyarihang sandata ang lohika. Ngunit may pareho ding kakayahan na kumumbinse ang empirikal na ebidensya ng buhay Kristiyano. Tayo ang mga “ilaw ng sanlibutan” (Mateo 5:14); maaaring hindi magustuhan ng kadiliman ang liwanag, ngunit hindi nito maitatanggi ang pag-iral ng liwanag. Gaya ng itinuro ni Pablo kay Tito, “Sa lahat ng mga bagay ay magpakilala kang ikaw ay isang uliran sa mabubuting gawa; at sa iyong aral ay ipakilala mo ang walang kamalian ang kahusayan, Pangungusap na magaling, na di mahahatulan; upang sila na nasa kabilang panig ay mahiya, nang walang anomang masamang masabi tungkol sa atin” (Tito 2:7-8). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang dapat na saloobin ng mga Kristiyano sa lohika?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries