Tanong
Dapat bang maging makabayan ang isang Kristiyano?
Sagot
Ang sagot sa tanong na ito ay nakasalalay sa pakahulugan sa salitang "makabayan." Gaya ng maraming salita, may iba't ibang kulay ang mga kahulugan, at ginagamit ng iba't ibang tao ang mga salita sa iba't ibang paraan. Halimbawa, ang pinakasimpleng kahulugan ng pagiging makabayan ay simpleng "pag-ibig sa sariling bansa." Hangga't hindi napapalitan o nahihigitan ng ating pag-ibig sa bansa ang ating pag-ibig sa Diyos, at kung inilalagay ito sa tamang lugar, walang masama na maging makabayan ang isang Kristiyano. Gayunman, ang isa pang kahulugan ng pagiging "makabayan" ay nagpapahiwatig na dapat na pagukulan ng isang tao ng mas mataas na pagpapahalaga ang interes ng kanyang bansa ng higit sa kanyang pansariling interes o interes ng isang grupo. Kung umabot na sa ganitong kasukdulan, ang pagiging makabayan ay nagiging isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan, partikular kung ang pag-ibig ng isang tao sa kanyang bansa ay mas higit na sa kanyang pag-ibig sa Diyos at sa plano ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao mula sa "lahat ng lahi, wika at bansa" (Pahayag 7:9).
Patungkol sa responsibilidad ng mga Kristiyano sa gobyerno, alam natin na sinasabi sa Roma 13:1-7 na dapat tayong magpasakop sa mga pinuno ng pamahalaan at igalang sila kahit na hindi sila kagalang-galang, dahil ang Diyos ang naglagay sa kanila sa kanilang posisyon upang mamuno sa atin. Kaya, bilang mga Kristiyano, nasa ilalim tayo ng ating obligasyon sa Diyos para maging modelong mamamayan na nagpapasakop sa mga namumuno sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas, pagbabayad ng buwis at iba pa. Gayunman, ang ating responsibilidad una sa lahat, ay maging masunurin sa Diyos. May mga bansa kung saan ang indibidwal na mamamayan ay may kakayahan na magbago sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagboto o pakikilahok sa pulitika. Bahagi ng pagiging isang mabuting mamamayan ang pagboto at pagkakaroon ng kahit anong positibong impluwensya sa pamahalaan sa abot ng ating makakaya.
Sa mga bansa kung saan walang impluwensya ang mga mamamayan sa desisyon ng kanilang mga pinuno, mas mahirap ang maging makabayan. Napakahirap ibigin ang isang mapaniil na pamahalaan. Gayunman, bilang mga Kristiyano, obligado pa rin tayo na ipanalangin ang ating mga pinuno (1 Timoteo 2:1-4). Kikilalanin ng Diyos ang ating pagsunod sa utos na ito at sa Kanyang perpektong panahon, hahatulan Niya ang mga pinuno na lumalaban at tumatalikod sa Kanya.
Dapat bang maging makabayan ang isang Kristiyano? Oo. Ngunit para sa tamang dahilan at pamamaraan. Gayundin naman, ang pinakamataas na pananampalataya, pag-ibig at pagsunod ng isang Kristiyano ay dapat na nakalaan para sa Diyos lamang at hindi para sa bayan o sa kaninuman.
English
Dapat bang maging makabayan ang isang Kristiyano?