settings icon
share icon
Tanong

Masama bang sumali ang isang Kristiyano sa extreme sports?

Sagot


Siyempre, ang anumang sports ay maaaring ituring na "extreme," depende sa kung paano iyon lalaruin. Gayunman, karaniwang ang itinuturing na mapanganib na sports ay isang gawaing pampalakasan na may dalang mataas na antas ng panganib. Nangangailangan ang mga kasali sa extreme sports ng pisikal na kakayahan, stamina at katapangan. Kasama sa dagdag na kasiyahan ang dagdag na panganib sa mga nakikilahok. Ang ilang sikat na extreme sports ay skydiving, mountain climbing, parkour/free running, bungee jumping, mountain biking, wakeboarding, at BASE jumping.

Walang malinaw na sagot ang Bibliya sa katanungan ng extreme sports. May imoralidad ba sa pagtatali sa sarili ng parachute at pagtalon mula sa isang gusali? Wala. May utos ba sa Bibliya laban sa pagsasagawa ng lazy boy o isang heel clicker sa pagpapalundag ng isang motorsiklo? Wala. Kaya walang anumang nagpapasama sa extreme sports mula sa isang istriktong biblikal na pananaw. Ang pagsali o hindi pagsali sa mga extreme sports ay nakadepende sa motibo at konsensya (at tapang) ng indibidwal.

Gayunman, bago ka magsuot ng gear at umakyat sa isang bulkan, dapat mo munang isaalang-alang ang mga sumusunod na prinsipyo sa Bibliya:

Dapat nating sundin ang mga batas ng ating bansa (Roma 13:1–2). Kung lumalabag sa batas ang iyong piniling sport, dapat kang humanap ng panibagong sport. Halimbawa, sa halos lahat ng siyudad, ilegal ang paglundag mula sa itaas ng mga gusali o iba pang istruktura, at ang mga gumagawa nito ay lumalabag sa batas. Dapat na makilala ang mga Kristiyano sa kanilang pagsunod sa batas, hindi sa mga gawaing lumalabag sa batas. Bago ka lumahok sa isang extreme sport, dapat mo munang itanong sa sarili, "Ang akin bang gagawin ay legal?"

Dapat na maging mabubuti tayong katiwala ng mga ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Ang isa sa mga kaloob ng Diyos sa atin ay ang ating katawan. Sinasabi sa 1 Corinto 6:19–20, "Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi ninyo pag-aari ang inyong katawan; sapagkat; binili na kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos?"

Dapat na maging manggagawa tayo ng Diyos sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo sa buong mundo (Mateo 28:19–20). Bago magpalista sa isang X Games, dapat mo munang itanong sa sarili, "Ang lugar bang ito ay makatutulong sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo?" (Maaaring ang pinakamagandang paraan para maabot ng Ebanghelyo ang mga kasali sa extreme sports ay sa pamamagitan ng isang mananampalataya na isa ring atleta ng extreme sports.)

Dapat nating luwalhatiin ang Diyos sa lahat ng ating ginagawa. "Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos" (1 Corinto 10:31). At dapat tayong magsikap na maging mapagpakumbaba. "Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo" (Santiago 4:10). Tila laging nakatuon ang mga atletang kalahok sa extreme sports sa pagpaparangal sa kanilang sarili at sa kanilang mga tagumpay na salungat sa pagluwalhati sa Diyos. Bago ka magsuot ng wingsuit at tumalon mula sa isang talampas, dapat mo munang itanong sa sarili, "Ang nagtutulak ba sa akin para gawin ito ay para parangalan ang aking sarili, o ang Diyos?"

Siyempre, hindi kaakit-akit para sa iba ang extreme sports. May mga taong hindi handang itaya ang kanilang buhay para lamang sa adrenaline rush at itinuturing ang extreme sports na isang kahangalan at hindi kinakailangang panganib. Pero may ilang Kristiyano na may kakayahan na maging mapagpakumbaba at nagpaparangal sa Diyos sa pamamagitan ng extreme sports. Ginagamit nila ang kanilang partisipasyon sa extreme sports para ipakita ang kanilang pananampalataya at maging saksi para kay Kristo sa mga kapwa atleta sa napiling palakasan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Masama bang sumali ang isang Kristiyano sa extreme sports?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries