settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Kristiyanong mistisismo (Christian mysticism)?

Sagot


Ang Kristiyanong mistisismo (Christian mysticism) ay isang terminolohiya na mahirap ipaliwanag. Lagi itong nakikita bilang mga pagsasanay para maranasan ang mga nalalaman tungkol sa Diyos. Maaari ding ilapat ang terminolohiya sa misteryo ng Eukaristiya ng Romano Katolisismo, maging sa mga tinatawag na nakatagong kahulugan ng Kasulatan, gaya ng gnostisismo. Walang nakatagong kahulugan ang Bibliya, maging sa mga elemento sa komunyon na nagiging tunay diumano na laman at dugo ni Kristo. May inklinasyon ang Kristiyanong mysticist na itaas ang karanasan at ituon ang pansin sa mga misteryo para sa espiritwal na paglago. Samantala, nakatuon ang pansin ng Biblikal na Kristiyanismo sa pagkilala sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang Salita (Bibliya) at pakikisama sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng panalangin. May pagkahilig ang mistisismo sa indibidwal at hindi tiyak na pagsasanay samantalang ang biblikal na Kristiyanismo naman ay parehong nakatuon sa indibidwal na relasyon sa Diyos at sa pagsasapamuhay ng mga natututuhan mula sa Kanyang salita sa komunidad. Walang tinatawag na nagsasariling Kristiyano. Hindi lahat ng itinuturing na Kristiyanong mistisimo ay maling lahat, ngunit mas marami ang mali sa mga pagsasanay na ito at ang pagtutuon ng pansin sa mistisismo ay tiyak na magbubunga sa kamalian.

Makikita ang mistisismo sa maraming relihiyon. Palaging kinapapalooban ito ng ilang uri ng asetisismo (asceticism o pagtanggi sa pansariling kasiyahan) at paghahangad na makipag-isa sa Diyos. Tamang naisin ng isang tao na magkaroon ng malapit na kaugnayan sa Diyos gaya ng pagkatawag sa mga Kristiyano, ngunit ang mistikal na "pakikipag-isa sa Diyos" ay iba sa "malapit na kaugnayan sa Diyos." May inklinasyon ang mistisismo na maghanap ng mga kakaibang karanasan at minsan ay nagiging malihim at elitista. Alam ng mga Kristiyano ang realidad ng pakikibakang espiritwal (Efeso1:3; 6:10–19) at kinapapalooban ng espiritwal na karanasan ang Kristiyanismo, ngunit ang pagiging malapit sa Diyos ay para sa lahat ng mga Kristiyano at hindi nalalambungan ng anumang uri ng mahiwagang pagsasanay. Walang anumang misteryo sa paglapit sa Diyos sa halip, kinapapalooban ito ng mga gawain gaya ng regular na pananalangin, pagaaral ng Salita ng Diyos, pagsamba sa Diyos, at pakikisama sa ibang mga mananampalataya. Ang ating pagsisikap ay napakaliit lamang kumpara sa ginagawa ng Diyos mismo sa atin. Sa katotohanan, ang ating mga gawa ay tugon lamang natin sa Kanyang ginagawa sa atin at hindi nanggagaling mismo sa atin.

Mayroon ding maituturing na mistikal na karanasan ang mga Kristiynao. Nang tanggapin natin si Jesus bilang Tagapagligtas, pinanahanan tayo ng Banal na Espiritu. Binabago tayo ng Espiritu at binibigyan tayo ng kakayahan na ipamuhay ang pagkatawag sa atin ng Diyos. Madalas, kung puspos ang Kristiyano ng Banal na Espiritu, nagkakaroon tayo ng malaking karunungan at pananampalataya at espirtiwal na kakayahan na kumilala ng kung ano ang sa Diyos at hindi sa Diyos. Nakikita din sa isang Kristiyanong puspos ng Banal na Espiritu ang mga katangiang gaya ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabutihian, kaamuan, at pagpipigil sa sarili (Galacia 5:22–23). Tinutulungan ng Banal na Espiritu ang mga mananampalataya na maunawaan at maipamuhay ang katototahanan (1 Corinto 2:13–16). Hindi ito resulta ng mistikal na pagsasanay kundi tanda na nananahan ang Banal na Espiritu sa mananampalataya. Tinatalakay sa 2 Corinto 3:18 ang tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu sa ating mga buhay: "At ngayong naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon. At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya."

Ang Charismatic movement o karismatikong kilusan sa loob ng Kristiyanismo ay isang anyo din ng Kristiyanong mistisismo dahil sa pagbibigay nito ng diin sa mga panaginip, pangitain, pakiramdam, karanasan at mga bagong rebelasyon o kapahayagan. Dahil kumpleto na ang Salita ng Diyos, hindi tayo dapat maghangad ng mga panaginip at mga pangitain o karagdagang rebelasyon mula sa Diyos. Habang posible para sa Diyos na ipahayag ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng panaginip at pangitain sa panahong ito, dapat tayong magingat sa mga huwad na Kristiyano at mga mangangaral na nagaangkin ng mga huwad na rebelasyon at mas pinaniniwalaan ang kanilang pakiramdam at espiritwal na impresyon sa halip na ang Salita ng Diyos – ang Bibliya.

Napakahalagang tandaan na ang anumang karanasan ng isang Kristiyano ay dapat na sumasang-ayon sa katotohanan ng Bibliya. Hindi sasalungatin ng Diyos ang Kanyang sarili. Hindi Siya ang may akda ng kaguluhan (1 Corinto 14:33). Hindi kayang ganap na maunawaan ng tao ang Diyos at totoong maraming misteryo patungkol sa Kanya. Ngunit nagpakilala na Siya sa atin. Sa halip na maghangad ng mga mistikal na karanasan, dapat nating ituon ang ating pansin sa mga bagay na ipinaalam na sa atin ng Diyos sa halip na sa mga misteryoso (Deuteronomio 29:29). Tinatalakay sa Efeso 1:3–14 ang tungkol sa mga pagpapalang espiritwal kay Kristo. Sa isang bahagi, sinasabi sa mga talatang nabanggit, "Ipinaunawa sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kanyang kalooban ayon sa kanyang layunin na isasakatuparan sa pamamagitan ni Cristo pagdating ng takdang panahon. Layunin niyang tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo" (tal. 9–10). Ipinahayag sa atin ng Diyos ang misteryo at tinatawag tayo na lumakad ng tapat sa Kanyang mga daan habang ginaganap Niya ang Kanyang mga plano sa ating mga buhay (Juan 15:1–17; Filipos 3:20–21; 2 Corinto 5:16–21).

Binuod sa 2 Pedro 1:3–8 ang tungkol sa pagkatawag sa atin ng Diyos: "Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang kaluwalhatian at kadakilaan. Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas kayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos. Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman; sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos: sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig. Kung ang mga katangiang ito ay taglay ninyo at pinagyayaman, ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mawawalan ng kabuluhan at kapakinabangan." May hiwaga, ngunit hindi mahiwaga ang paraan kung paano tayo dapat mamuhay. Pagaralan mo ang Kanyang salita, nasain mo na parangalan ang Diyos sa iyong buhay, at pagtiwalaan mo ang Banal na Espiritu na Siyang gumagawa sa iyo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Kristiyanong mistisismo (Christian mysticism)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries