Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbibigay sa iba ng bahagi ng ating katawan?
Sagot
Hindi partikular na tinatalakay sa Bibliya ang isyu ng paglilipat ng bahagi ng katawan ng tao mula sa ibang tao (organ transplantation). Siyempre, hindi pa alam ng mga tao ang bagay na ito noong panahon ng Bibliya. Gayunman, may mga talata sa Bibliya na naglalarawan ng malawak na prinsipyo na maaaring ilapat sa isyung ito. Ang isa sa mga kapani-paniwalang argumento para sa pagbibigay ng bahagi ng katawan sa iba ay ang pag-ibig at kahabagan na ipinapakita ng gawaing ito. Binanggit ni Jesus ang utos na "ibigin ang iyong kapwa" (Mateo 5:43-48), gayundin ni Pablo (Roma 13:9), at ni Santiago (Santiago 2:8), ngunit makikita rin ito sa Lumang Tipan sa Levitico 19:18. Mula sa pinakaunang araw sa Lumang Tipan, inutusan ng Diyos ang Kanyang mga anak na ipakita ang pag-ibig sa Diyos at sa kanilang kapwa. Ang pagiging handa na magdonate ng isang bahagi ng ating sariling katawan ay tila isang sukdulang halimbawa ng pagsasakripisyo para sa iba.
May pinakamagandang halimbawa tayo ng pagsasakripisyo para sa iba sa ginawa ng Panginoong Jesu Cristo ng Kanyang ibigay ang Kanyang sariling buhay para sa sangkatauhan. Nilagom ni Juan ang utos na ibigin ang kapwa ng kanyang isulat, "Mga minamahal, kung ganoon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong magmahalan" (1 Juan 4:11). Sa pagtatangka ni Jesus na ipaliwanag sa atin ang mensaheng ito ng walang kundisyong pag-ibig para sa iba, itinuro Niya ang pagaaruga sa mga nagugutom nauuhaw, walang matuluyan, hubad, may sakit at nasa bilangguan (Mateo 25:35-46). Ipinagpatuloy ng Panginoon ang Kanyang pagtuturo: "Sasabihin ng Hari, 'Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa"' (Mateo 25:40). Ginamit din ni Jesus ang talinghaga ng Mabuting Samaritano (Lukas 10:25-37) upang ituro na tayo, bilang mga Kristiyano, ay dapat na maging mabait at dapat magpakita ng pag-ibig sa bawat isa. Kung ang isang pagsasanay o pamamaraan ay hindi sumasalungat sa mga biblikal na prinsipyo, maituturing na ang isang bagay ay maaaring pahintulutan at suportahan ng mga tapat na Kristiyano.
May ilan na itinuturing ang pagbibigay ng isang bahagi ng katawan na isang uri ng pagsira sa katawan ng tao. Kadalasan, ang mga talata gaya ng 1 Corinto 6:19-20 ay ginagamit para idepensa ang ideya na ang mga bahagi ng katawan ng tao ay hindi dapat "anihin" mula sa katawan ng isang tao. Bilang mga katiwala ng nilikha ng Diyos, dapat nating tratuhin ang ating mga katawan ng may paggalang, at umiwas sa anumang bagay na makakasira dito. Gayunman, ng isulat ni Pablo ang kanyang sulat sa mga Kristiyano sa Corinto, kanyang sinabi: "Sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos" (1 Corinto 6:20), na nagpapahiwatig na ito ay isang bagay na dapat gawin habang nabubuhay ang tao. Sa Kanyang ikalawang sulat sa iglesya sa Corinto, ipinaalala niya sa kanila: "Alam naming kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, ang ating katawang-lupa, kami'y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao" (2 Corinto 5:1). Ang isa sa pinamalaking isyu sa mga Kristiyano ay ang konsepto na ang buong katawan ay dapat na iharap sa Diyos at ingatan bilang paghahanda sa muling pagkabuhay. Kaya nga, maraming Kristiyano ang nagaatubili na magbigay ng isang bahagi ng kanilang katawan dahil naniniwala sila na kailangang "kumpleto" ang mga bahagi ng katawan sa muling pagkabuhay. Gayunman, pagkatapos na magkasala sina Adan at Eba sa hardin ng Eden, sinabi ng Diyos kay Adan, "Sa pagod at pawis pagkain mo'y manggagaling maghihirap ka hanggang sa malibing. Dahil sa alabok, doon ka nanggaling, sa lupang alabok ay babalik ka rin" (Genesis 3:19). Kaya nga, sinabi ng Diyos na isang araw ang ating mga katawang lupa ay babalik sa lupa.
Sa Kanyang sulat sa Corinto, ibinigay ni Pablo ang ilang katuruan tungkol sa pagkakaiba ng pisikal na katawan sa oras ng kamatayan (na inililibing sa iba't ibang paraan), at sa espiritwal na katawan sa muling pagkabuhay (1 Corinto 15:35-49). Ginamit niya ang analohiya sa pagkakaiba sa pagitan ng binhi at sa produkto nito para ilawaran ang pagkakaiba ng panlupang katawan sa katawang panlangit. Nagpatuloy si Pablo sa pagkokomento: "Inilibing na katawang pisikal, muling mabubuhay bilang katawang espirituwal. Kung may katawang pisikal, mayroon ding katawang espirituwal" (1 Corinto 15: 44). Kung naniniwala tayo na ang katawan na binuhay sa muling pagkabuhay ng mga patay, ay simpleng kumakatawan lamang sa "muling pagokupa ng ating kaluluwa/espiritu" sa ating dating katawang panlupa, kung gayon ay nagtataglay tayo ng isang maling konsepto ng muling pagkabuhay gaya ng itinuro sa Bibliya. Sinasabihan tayo na ang katawang panlupa, ang "laman at dugo," ay hindi makapapasok sa kalangitan (1 Corinto 15:50). Ayon sa mga katotohanang ito, hindi dapat matakot ang mga Kristiyano na magbigay o tumanggap ng isang bahagi ng katawan sa pagtatangka na panatilihing buo ang pisikal na katawan para sa muling pagkabuhay.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbibigay sa iba ng bahagi ng ating katawan?