Tanong
Dapat bang magimbak ang mga Kristiyano ng pagkain at mga bagay na kailangan para mabuhay bilang paghahanda sa posibleng kapahamakan sa hinaharap?
Sagot
Tiyak na may mga pangyayari kung kailan praktikal ang paghahanda para sa hinaharap. Gayunman, ang ating saloobin sa hinaharap ang higit na mahalaga. Malinaw na sinabi ng Panginoon sa Kanyang sermon sa Bundok na hindi tayo dapat magalala para sa araw ng bukas, dahil alam ng ating Ama sa langit ang ating mga pangangailangan (Mateo 6:25-34). Ang paglalagak ng ating pananampalataya sa Diyos para sa ating mga pangangailangan sa hinaharap ay dapat na magbigay sa atin ng pagtitiwala sa Kanyang pagkakaloob sa ating mga pangangailangan gayundin ng isang bukas na palad para sa ibang nangangailangan.
Alalahanin natin ang napakagandang halimbawa ng babaing balo na nagpakain kay Elias (1 Hari 17:9-16) at kung paanong ginantimpalaan Siya ng Diyos dahil sa kanyang katapatan. Gayundin naman, may mga halimbawa sa Bibliya kung kalian malinaw na pinapayuhan ng Diyos ang mga tao na maghanda para sa hinaharap. Sa Lumang Tipan, makikita natin sa panaginip ng Faraon na nais ng Diyos na babalaan siya ni Jose para maghanda sa paparating na taggutom para hindi mamatay ang mga tao (Genesis 41:15-41). Sa pagtanggap sa payo na ibinigay ng Diyos kay Jose, hindi lamang nailigtas ng Faraon ang kanyag sariling bayan mula sa pagkagutom, iniligtas din niya ang pamilya ni Jose, na siyang naging ninuno ng paparating na Tagapagligtas na si Jesus.
Sa Bagong Tipan, ng isugo ni Jesus ang Kanyang mga lagad para mauna sa kanya sa Jerusalem, sinabi Niya sa kanila na huwag magdadala ng anumang pangangailangan habang daan (Lukas 9:3; 10:1-4). Sa kanilang pagbabalik, ipinaalala Niya sa kanila kung paanong pinagkalooban sila ng Diyos ng kanilang mga pangangailangan (Lukas 22:35). Ngunit sa mga sumunod na talata, binaligtad ni Jesus ang Kanyang payo at sinabihan Niya sila na magdala ng isang pitaka, isang bag at isang tabak (Lukas 22:36). Alam Niya na haharap sila sa mga oposisyon na hindi nila dating naranasan. May karunungan at paunang kaalaman Siya na wala ang kanyang mga alagad, at ito ang dahilan ng pagbibigay niya ng ibang direksyon para sa naiibang pangyayari.
Siyempre, sa praktikal, tama at matalino na maghanda para sa hinaharap. Ngunit dapat tayong magingat na hindi maglagak ng hindi pangkaraniwang pagtitiwala sa mga paghahandang iyon. Ang talinghaga ni Jesus tungkol sa isang taong matagumpay sa negosyo na nagnais na magpagawa ng mas malalaking kamalig para sa kanyang mga ani ay isang halimbawa ng mahinang pagpaplano. Pinagtiwalaan ng lalaking mayaman ang kanyang kayamanan para sa kanyang probisyon (Lukas 12:16-21). Sa prinsipyo, walaang masama sa pagtatayo ng mas malalaking kamalig. Ang mali sa kanyang saloobin ay ang paglalagak niya ng tiwala sa kanyang sarili ng hindi sinasangguni ang Diyos sa kanyang mga plano. Ito ay dahil ang Diyos naman talaga ang dapat niyang pasalamatan para sa kanyang masaganang ani at ang karunungang galing sa Diyos ang kanyang kailangan para sa paggugol sa kanyang kayamanan. Ngunit hindi niya sinangguni ang Diyos, at bago niya magastos o magamit ang kanyang mga inimbak, binawi ng Diyos ang kanyang buhay.
Sa madaling salita, dapat nating hanapin ang karunungan sa Panginoon patungkol sa paghahanda sa hinaharap. Ipinangako ng Diyos na ibibigay Niya ang karunungan sa sinumang humihingi nito (Santiago 1:5), at hindi Siya kailanman sumira sa Kanyang mga pangako. Dapat na maging mabubuting katiwala ang mga Kristiyano ng mga bagay na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos, at maglaan ng sapat para sa kanilang pangunahing pangangailangan, at mamuhunan ng salapi, panahon at talento para sa walang hanggan na hindi kailanman lilipas (Mateo 6:19-20). Sa paghahanda para sa araw ng bukas, lagi nating isaisip ang "walang hanggan."
English
Dapat bang magimbak ang mga Kristiyano ng pagkain at mga bagay na kailangan para mabuhay bilang paghahanda sa posibleng kapahamakan sa hinaharap?