Tanong
Ang paglilibing ba ang tanging pagpipilian na maaaring ikunsidera ng Kristiyano?
Sagot
Nakararaming mga Kristiyano sa pagdaan ng mga siglo ang nagnais na ipalibing sa lupa ang katawan pagkatapos ng kamatayan kasama ang isang seremonya kung saan inihahayag ang mensahe ng pagkabuhay na mag-uli; ang seremonya na naglalaman ng iba't ibang mga ritwal at mga tradisyon, na nakilala bilang "Kristiyanong paglilibing." May mga pagpipilian na maaaring ikunsidera ng mga Krsitiyano maliban sa paglilibing: ang pagsusunog (cremation), bagama't hindi itinuturing na tradisyonal gaya ng paglilibing ay nagiging popular sa ngayon.
Ang Kristiyanong paglilibing ay hindi isang terminolohiya na makikitang malinaw sa Bibliya. Hindi nagbigay ang Bibliya ng instruksyon kung ano ang dapat gawin sa katawan pagkatapos ng kamatayan. Sa mga kultura sa panahon ng Bibliya, ang paglilibing sa nitso, sa kuweba, o sa lupa ang pangkaraniwang paraang ginagawa sa katawan ng taong namatay (Genesis 23:19; 35:19–20, 29; 2 Cronica 16:14; Mateo 27:60–66). Ang pinaka-pangkaraniwang paraan ng paglilibing sa Bibliya ay ang paglalagak ng katawan sa mataas na lugar, para sa mayayaman. Para sa mahihirap, ibinabaon ang kanilang katawan sa ilalim ng lupa. Sa Bagong Tipan, ang mga libingan sa matataas na lugar ay nakareserba para sa mga mayayaman. Ito ang dahilan kung bakit si Jesus, na hindi naman mayaman ay inilibing sa isang hiniram na libingan (Mateo 27:57–60).
Sa kasalukuyan, ang pagsunod sa mga batas sa lupa patungkol sa paglilibing ng katawan ay isang mahalagang kunsiderasyon. Iba-iba ang mga batas sa iba't ibang bansa at sa mga rehiyon sa mga bansang iyon. Dahil nararapat na sumunod ang mga Kristiyano sa mga may katungkulan sa pamahalaan, dapat na sundin ang mga batas sa paglalagak ng katawan ng namatay. Nand'yan din ang katanungan ng mga Kristiyano sa paglilibing laban sa pagsusunog ng bangkay. Hindi iniutos ang isa man sa mga ito ngunit hindi rin naman ipinagbawal. Ang katotohanan na nagsanay ng paglilibing sa bangkay ang mga Hudyo at ang mga unang Kritsiyano ay sapat upang makumbinse ang ilan na ang paglilibing sa katawan sa lupa ang tanging tamang paraan sa paglilibing. Gayundin, ang katotohanan na ang tanging mga pagkakataon na binanggit sa Bibliya na sinunog ang katawan ng mga namatay ay sa konteksto ng mga masasama na pinarurusahan dahil sa kanilang mga kasalanan (Levitico 20:14; Josue 7:25) ay nagtutulak din sa ilan upang tanggihan ang pagsusunog ng bangkay. Ngunit muli, walang malinaw na utos sa Bibliya para sa mga Kristiyano ngayon laban sa pagsusunog ng bangkay. Sa huli, ang pinakamaganda ay ipaubaya ang desisyon sa pamilya ng namatay.
Ang paraang ginagamit para sa paglalagak ng bangkay ay hindi kasinghalaga ng katotohanan sa likod ng konsepto ng Kristiyanong paglilibing: wala na sa katawan ng namatay ang katauhan ng namatay. Inilarawan ni Pablo ang ating katawan na gaya ng "tolda," na isang panandaliang tahanan. "Alam naming kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, ang ating katawang-lupa, kami'y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao" (2 Corinto 5:1). Sa pagbabalik ni Jesu Cristo, mabubuhay na mag-uli ang katawan ng mga Kristiyano, babaguhin at gagawing maluwalhati at walang hanggan. "Ganyan din sa muling pagkabuhay ng mga patay. Ang inilibing ay mabubulok, ngunit hindi mabubulok kailanman ang muling binuhay; walang karangalan at mahina nang ilibing, marangal at malakas sa muling pagkabuhay" (1 Corinto 15:42–43).
English
Ang paglilibing ba ang tanging pagpipilian na maaaring ikunsidera ng Kristiyano?