settings icon
share icon
Tanong

Ako ay isang Kristiyano na gumon sa paninigarilyo. Paano ako titigil?

Sagot


Maraming mga Kristiyano na dating “nagsisindi sa upos” ang nakakaunawa at naiintindihan ang hirap na pinagdadaanan ng sinuman na nagnanais tumigil sa paninigarilyo. Hindi ito madali ngunit maaaring isakatuparan. Maraming nakakaubos ng dalawang pakete ng sigarilyo sa isang araw na hindi na ngayon naninigarilyo ang makakapagpatunay na maaari itong maisakatuparan kung ipapaubaya natin ang bisyong ito sa Diyos at aasa sa Kanyang ibinibigay na kapangyarihan at kalakasan.

Napakaraming dahilan kung bakit isang magandang ideya ang pagtigil sa paninigarilyo para sa sinuman lalo na para sa mga Kristiyano. Kung hindi tiyak ng isang Kristiyano kung bakit dapat siyang tumigil sa paninigarilyo at kung ito ba ay isang kasalanan, makakatulong ang aming artikulo na may titulong, “Ano ang pananaw ng Kristiyano sa paninigarilyo? Ang paninigarilyo ba ay isang kasalanan?” Inisa-isa sa nabanggit na artikulo ang mga dahilan sa pagtigil sa paninigarilyo at makakapagbigay ng sapat na motibasyon sa isang maninigarilyo na hindi pa tiyak kung titigil o hindi sa paninigarilyo. Kung determinado na ang isang tao sa pagtigil sa paninigariliyo, dapat na maunawaan na ang pagtigil sa bisyo ng paninigarilyo ay isa sa pinakamahirap na gawin. Ipinakita sa mga pagaaral na mas lubhang nakakaadik ang nikotina kaysa sa heroin.

Hindi dapat panghinaan ng loob ang isang nagnanais na tumigil sa paninigarilyo. Sinabi ni Apostol Pablo, “Magagawa ko ang lahat ng bagay dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo” (Filipos 4:13). Bagamat mahirap at maaaring magtagal ang ganap na pagtigil sa paninigarilyo, bilang mga Kristiyano, dapat tayong umasa sa Diyos na Siyang pinanggagalingan ng ating kalakasan. Dapat nating ituon ang ating mga puso sa mga bagay na panlangit at manalangin na bigyan Niya tayo ng lakas upang magtagumpay. Maraming tao ang hindi umaasa sa Diyos sa kanilang pagtatangka na paglabanan ang masasamang bisyo at ito ay isang malaking pagkakamali. Kailangan ang maningas na pananalangin sa mga ganitong uri ng sitwasyon kung saan direktang dinadala natin ang ating mga kabigatan sa trono ng Diyos na Siyang tanging makalulutas sa ating mga suliranin.

Ang pagtitiwala sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay hindi nangangahulugan na hindi tayo hihingi ng tulong medikal at iinom ng reseta ng doktor. Malaki ang maitutulong ng mga kendi, chewing gums, pills at iba pang gamot sa pagtigil sa paninigarilyo. Pagkatapos ng pananalangin at pagpapakonsulta sa isang doktor, kung binibigyan ka ng kapayapaan ng Diyos na gumamit ng medikal na preskripsyon, walang Biblikal na dahilan upang hindi mo iyon gawin.

Idineklara ng Diyos na sapat ang Kanyang biyaya (2 Corinto 12:9), at kung kailan tayo mahina, saka Siya malakas sa atin. Ang ating pagnanais para sa sigarilyo ay mababawasan habang lumalago tayo sa kaalaman sa Salita ng Diyos at lumalakas ang ating pananampalataya sa Kanya. Ang kapangyarihan ng Diyos ang gagawa sa atin upang labanan ang pagnanais na manigarilyo para sa Kanyang kapurihan. Bibigyan Niya tayo ng lakas na unahin si Kristo bago ang ating sarili. Sa pagsusuko sa Diyos sa bisyong ito, matutuklasan natin na higit ang ating magiging pakinabang kaysa sa kalugihan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ako ay isang Kristiyano na gumon sa paninigarilyo. Paano ako titigil?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries