settings icon
share icon
Tanong

Dapat bang mamuhunan ang isang Kristiyano sa stock market?

Sagot


May mga sumasalungat sa pamumuhunan sa stock market at sinasabi na ang pagbili ng mga stocks ay katumbas ng pagsusugal. Ang argumento ay, dahil ang stocks ay binibili sa pag-asa (hindi garantisado) na lalaki ang kanilang halaga, ito ay isang uri ng sugal. Gayunman, may mga pagkakaiba sa pagitan ng pagsusugal sa isang casino o pagbili ng tiket ng lotto at pagbili ng stock. Isinasapanganib ng mga manunugal ang kanilang pera, na alam nilang maaari silang matalo sa pag-asa na mabilis na dadami ang kanilang pera sa loob ng maiksing panahon. Bumibili naman ang isang matalinong mamumuhunan ng isang bahagi ng pagaari ng isang kumpanya sa pag-asa na kikita ng pera sa paglipas ng panahon, na maaaring isang maayos na paraan ng pagpaplano sa hinaharap.

Ang pagkakaiba ay nasa intensyon. Ang ilang uri ng pamumuhunan, gaya ng day-trading, ay halos katulad ng pagsusugal. Anumang bagay na may elemento ng "swerte" ng higit kaysa matalinong pagpapasya at pagpaplano sa loob ng mahabang panahon ay dapat na iwasan. Karamihan ng long term na pamumuhunan ay nagbibigay ng tubo sa pagdaan ng panahon at mas kagaya ito ng pagbili ng bonds o certificate of deposit sa halip na magpagulong ng dice sa isang casino. Marami ang namumuhunan para siguruhin na magiging maayos ang kanilang buhay pagkatapos magretiro, mapag-aral ang mga anak at may maipamana sa kanilang maiiwan.

Ibinibigay sa Bibliya ang ilang mga halimbawa sa pagpapalago ng kayamanan sa pamamagitan ng tamang pamamaraan. Ang iba ay katulad ng pamumuhunan—paggastos ng pera ngayon para kumita kalaunan. Ang kalooban ng Diyos kung paano natin pamamahalaan ang ating kayamaman ay makikita sa maraming talata ng Kasulatan. Ang mga sumusunod ang ilang halimbawa:

Sinasabi sa Kawikaan 28:20, "Ang taong tapat ay mananagana sa pagpapala, ngunit paparusahan ang yumaman sa pandaraya." Ang talatang ito ay laban sa mentalidad na "get-rich-quick."Ang pananaw sa pamumuhunan gaya ng isang pangmatagalang plano para sa hinaharap ay isang magandang pagpaplano, ngunit ang pagtatangka na yumaman sa madaling paraan ay hindi isang magandang pananaw.

Sinasabi sa 2 Corinto 9:6, "Ito ang ibig kong sabihin: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim ng marami ay aani ng marami." Ang konteksto ng talatang ito ay tungkol sa pamumuhunan sa ating relasyon sa Panginoon, ngunit ipinapakita din nito kung paano tayo dapat na magsakripisyo ngayon para umani sa hinaharap. Sinasabi din sa Kawikaan 3:9-10, "Parangalan mo si Yahweh sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan, at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, siya ay iyo ring handugan. Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw, sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan."

Karamihan ng pagtuturo sa Bibliya tungkol sa kayamanan ay babala laban sa pagtitiwala dito sa halip na sa Panginoon (halimbawa: 1 Timoteo 6:17-18) o sa kapinsalaan ng mga taong umaasa sa atin (halimbawa: Mangangaral 5:13-14). Hangga't pinararangalan natin ang ating pagtatalaga at pangako sa Diyos at sa ating mga pamilya sa ating pera, at pinapanatili ang pagiging bukas palad at pusong mapagpasalamat, ang pamumuhunan ay isang pagpipilian na maaaring ikunsidera ng mga Kristiyano.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat bang mamuhunan ang isang Kristiyano sa stock market?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries