settings icon
share icon
Tanong

Dapat bang magpaparty ang mga Kristiyano? Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpaparty?

Sagot


Ang maiksing sagot sa tanong na ito ay "depende sa uri ng party." Ang mga party ay popular dahil ito ay masasayang oportunidad para makasama ang mga kaibigan, magkaroon ng mga bagong kakilala, makapagpahinga at masiyahan kasama ang ibang tao. Bilang mga tao, nilikha tayo para sa pakikipagrelasyon sa ating kapwa tao. Namumuhay tayo kasama ang isang grupo, nagtatrabaho kasama ang isang grupo at nakikisalamuha sa isang grupo. Kaya kung gusto nating magpaparty, tumutugon tayo sa pangangailangan ng pakikisalamuha sa kapwa tao, pagsasaya at pamamahinga. Ito ay normal at likas sa atin.

Para sa mga Kristiyano, ang pagnanais para sa pakikisalamuha sa kapwa tao ay may dagdag na dimensyon ng pagnanais at pangangailangan ng pakikisama. Ang salitang griyego na isinalin sa salitang "pakikisama" sa Bagong Tipan ay koinonia, na nangangahulugan ng "pakikipag-isa, pakikilahok, pakikipagkapwa at komunikasyon." Ang importanteng konsepto para sa pagsasamahang Kristiyano ay "pakikipag-isa." Sinasabi sa atin ng Bibliya na tinawag tayo sa pakikipag-isa kay Cristo (1 Corinto 1:9), sa Ama (1 Juan 1:3), at sa Banal na Espiritu (Filipos 2:1). Sinasabi sa atin ni Juan na bilang mga mananampalataya, may pakikipag-isa tayo sa isa't isa sa bisa ng dugo ni Jesus na nabuhos doon sa krus (1 Juan 1:7). Idinagdag ni Pablo ang ideya na ang pakikipag-isa kay Kristo ay pakikibahagi sa Kanyang paghihirap (Filipos 3:10). Binalaan din tayo na hindi tayo dapat makiisa sa kasamaan (1 Corinto 10:20). Gaya ng hindi maaaring magsama ang liwanag at dilim, gayundin walang pagsasama sa pagitan ng mga Kristiyano at ng kasalanan.

Ang problema sa tanong na "dapat bang pumunta sa mga party ang Kristiyano?" ay ang mga uri ng party na itinatanong ay halos laging hindi para sa pakikisama sa iba. Walang dahilan para magtanong patungkol sa mga party o kasayahan na nakatuon sa pakikisamang Kristiyano. Ang tanong na ito ay kadalasang may kinalaman sa mga party o kasayahan na kinasasangkutan ng sobrang pag-inom ng alak, paginom ng alak ng wala sa hustong gulang, paggamit ng ipinagbabawal na gamot at/o seks. Maaaring may mga hindi Kristiyano na nakikilahok sa mga kasayahang ito ng hindi alam ang nangyayari, ngunit ang isang party o kasayahan na kinasasangkutan ng mga imoral at illegal na gawain ay dapat iwasan. Bilang mga mananampalataya, dapat nating bantayan ang ating mga sarili laban sa mga tukso at alalahanin na "Ang masasamang kasama ay nakakasira ng mabuting pagkatao" (1 Corinto 15:33). Higit pa rito, ang pagdalo sa mga kasayahan kung saan nagaganap ang mga makasalanang gawain—kahit hindi tayo nakikilahok sa mga iyon—ay nagpapahina sa ating patotoo at nagdadala ng kahihiyan sa pangalan ni Cristo (Roma 2:24). "Ang bawat nagsasabing siya'y sa Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan" (2 Timoteo 2:19).

May mga taong itinuturing na ang pagdalo sa mga parties ay isang oportunidad sa pagbabahagi kay Cristo sa mga hindi mananampalataya. Ngunit kahit handa tayong "sumagot sa sinumang humihingi ng paliwanag tungkol sa pag-asang nasa atin" (1 Pedro 3:15), iyon ay pagpapalagay na ang mga hindi mananampalataya sa isang party ay interesado sa Ebanghelyo. Bihira ang ganitong pagkakaton kung saan nagaganap ang paglalasing, paggamit ng bawal na gamot, at gawaing sekswal. Kaya nga, habang sinasamantala ng mga Kristiyano ang bawat pagkakataon sa pakikisama sa iba, dapat na maging mapagsuri tayo tungkol sa pagbubukas ng ating sarili sa mga tukso o anumang bagay na magiging sanhi upang ating ikompromiso ang ating buhay kay Kristo at sa ating patotoo sa nagmamasid na mundo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat bang magpaparty ang mga Kristiyano? Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpaparty?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries