Tanong
Paano tutugon ang mga Kristiyano sa mga pulubi?
Sagot
Maraming opinyon kung paano tutugon ang mga Kristiyano sa mga pulubi at mga palaboy sa lansangan. Komportable para sa iba na magbigay ng pera at ipinauubaya sa mga pulubi kung ano paano iyon gagamitin, kung bibili sila ng pagkain, alak o droga. Ang iba ay nagbibigay ng pagkain o tubig sa halip na pera dahil iniisip nila na maaaring gamitin ng pulubi ang pera sa ibang bagay na hindi kagustuhan ng nagbigay. Ano ang tamang dapat gawin? Naaayon sa Bibliya na tumulong tayo sa mga nangangailangan. Ngunit ang atin bang pagtulong ay natatapos sa pagbibigay? O dapat tayong magbigay na tinitiyak na ang ating ibinigay ay gagamitin sa tamang paraan?
Sa halip na magbigay ng pagkain at/o tubig, may iba na dinadala ang nangangailangan sa isang institusyon na makatutulong sa kanilang pangangailangan. Mayroon naman na direktang nagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga institusyon para sa pangangailangan ng mga pulubi at palaboy sa lansangan. Sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga institusyon o organisasyon na tumutulong sa mga nangangailangan, tinutulungan natin ang mga mahihirap upang hindi sila mamalimos at tumira sa kalsada. Kung may programa ang isang Iglesya para sa pagpapakain sa mga pulubi, ang pagbibigay sa pondo nito at pagtuturo sa mga pulubi na doon humingi ng tulong ay maaaring pinakamagandang pamamaraan upang tulungan ang mga nangangailangan ng hindi sila magkakasala. Ang pondo ng Iglesya para sa pagkain ay nagbibigay din ng napakagandang oportunidad sa pagbabahagi ng Ebanghelyo para sa mga walang tahanan at mga pulubi.
Ang iba pang paraan sa pagtulong sa mga pulubi ay ang pagbibigay ng kard para sa pagkain sa mga lokal na restawran na nagpapamigay ng pagkain at pagbili ng pantawid gutom sa mga pulubi sa kalsada o kung hinihingi ng pagkakataon, ay pagsasama sa nangangailangan sa isang restawran, karinderya o groserya para ibili ng makakain. Nais ng Diyos na tulungan natin ang mahihirap at pagpalain sila sa abot ng ating makakaya. Sinasabi sa atin sa Awit ni David, “Mapalad siya na nagpapakundangan sa mga dukha, ililigtas siya ng Panginoon sa panahon ng kaligaligan. Pananatilihin siya at iingatan siyang buhay ng Panginoon, at siya’y pagpapalain sa ibabaw ng lupa; at huwag mong ibigay siya sa kalooban ng kanyang mga kaaway” (Awit 41:1-2). Tunay na isang marangal na gawain ang tumulong sa mga nangangailangan, kabilang ang mga namamalimos sa mga lansangan. Ang bawat isa sa atin ay dapat tumulong ayon sa paggabay ng Panginoon at dapat na manalangin para sa mga nangangailangan.
English
Paano tutugon ang mga Kristiyano sa mga pulubi?