Maaari nyo ba akong bigyan ng Kristiyanong pagpapayo tungkol sa pakikipagrelasyon?



 

Tanong: "Maaari nyo ba akong bigyan ng Kristiyanong pagpapayo tungkol sa pakikipagrelasyon?"

Sagot:
Lagi kaming nakakatanggap ng mga tanong na kagaya ng: “Interesado ako sa dalawang lalaki… sino sa kanila ang aking pipiliin upang maging boyfriend?” o kaya naman ay, “Ako ay may karelasyon ngunit sinabi ng aking girlfriend/ boyfriend na “___________ ,” dapat ba akong makipagkalas sa kanya? Ang ganitong uri ng mga tanong ay napakahirap sagutin. Ang Gotquestions.org ay hindi isang ministeryo na nagbibigay ng payo tungkol sa pakikipagrelasyon. Lagi kaming nagsisikap na ipakita sa inyo ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa isang partikular na sitwasyon. Gayunman, patungkol sa mga isyu ng pakikipagrelasyon, bihira lamang na sinasagot sa Bibliya ang mga sitwasyon na inihihingi ng payo sa amin patungkol sa paksang ito. Higit na nagmamalasakit ang Bibliya sa ating pakikipagrelasyon sa Diyos kaysa sa ating pakikipagrelasyon sa tao.

Lagi kaming nagaatubili na magbigay ng payo tungkol sa isyu ng pakikipagrelasyon. Napakahirap na magbigay ng payo sa isang personal na isyu sa pamamagitan ng isang artikulo. Lalong mahirap na magbigay ng Kristiyanong pagpapayo kung hindi namin personal na kilala ang mga taong sangkot, o hindi namin alam ang lahat ng detalye ng mga pangyayari kundi isang bahagi lamang ng kuwento. Hindi kami nagpapanggap na nagsasalita para sa Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng payo tungkol sa pakikipagrelasyon ng mga Kristyano.

Sa pagsasabi ng lahat ng ito, ano ang aming maipapayo? Ipinapayo namin na isangguni ninyo sa Diyos ang mga isyu tungkol sa iyong relasyon. Malanangin kayo sa Panginoon na malinaw Niyang ihayag ang nais Niyang ipagawa sa inyo (Filipos 4:6-7). Manalangin kayo sa Diyos para sa karunungan at pangunawa sa Kanyang salita (Santiago 1:5). Ipinangako ng Diyos na ipagkakaloob Niya ang kahilingan sa panalangin na ayon sa Kanyang kalooban (1 Juan 5:14-15). Ang maging matalino at nakakaunawa sa Kanyang kalooban ay kalooban ng Diyos. Nais ng Diyos na gumawa ka ng magagandang desisyon patungkol sa iyong pakikipagrelasyon. Kung hihingi ka sa Diyos ng may bukas at mapagpakumbabang puso, ipagkakaloob Niya mula sa Kanyang mga Salita ang payo na iyong kinakailangan patungkol sa iyong pakikipagrelasyon.

Sa huli, humingi ka ng payo mula sa mga Kristiyanong may asawa na sa loob ng maraming taon na puno ng karunungan at laging lumalakad na kasama ng Diyos sa tuwina. Humingi ka ng payo sa iyong pastor, sa mga matatanda sa iyong Iglesya o ibang malalagong tagapanguna sa iyong Iglesya. Ang kanilang mga karanasan sa loob ng maraming taon ang nagbibigay sa kanila ng kakayahan na magbigay ng payo at kaalamang nanggagaling sa Diyos.


Bumalik sa Tagalog Home Page

Maaari nyo ba akong bigyan ng Kristiyanong pagpapayo tungkol sa pakikipagrelasyon?