Tanong
Ano ang dapat na maging pananaw ng isang Kristiyano sa mga resetang gamot?
Sagot
Maraming Kristiyano ang nahihirapan sa pagdedesisyon kung tatanggapin ang mga makatwirang therapy sa medisina, kasama ang paggamit ng resetang gamot. Hindi gaanong tinalakay sa Bibliya ang paksang ito, ngunit kung susuriin natin ang mga layunin ng resetang gamot, makakapagpakita tayo ng isang ideyal na pananaw sa paggamit sa mga ito ayon sa mga prinsipyo ng Bibliya. Alam natin mula sa Kasulatan na ang mga sakit, karamdaman, at kamatayan ay resulta ng kasalanan sa mundo. Karamihan sa mga ginawa ni Kristo sa lupa ay kinasasangkutan ng paglaban sa sumpang ito habang pinagagaling Niya ang mga tao saan man Siya magpunta (tingnan ang Mateo 15:31). Si Jesus ang eksaktong representasyon ng kalikasan ng Diyos (Hebreo 1:3), at sa pamamagitan ng Kanyang pagpapagaling sa mga tao, ipinakita Niya sa atin ang kahabagan ng Diyos at ang Kanyang katangian bilang Dakilang Manggagamot na magpapanumbalik sa lahat ng Kanyang sangnilikha sa kanilang dating kalagayan (Roma 8:18–25).
Kaya, malinaw mula sa ministeryo ni Jesus na hindi masama o mali ang maghanap ng kagalingan sa medisina: sa katotohanan, napakatama nito! Gayundin, si Lukas na manunulat ng aklat ng mga Gawa at Ebanghelyo ni Lukas ay isang doktor (Colosas 4:14). Maaaring hindi nagbigay ng reseta si doktor Lukas gaya ng ginagawa ng mga doktor ngayon, ngunit ang kanyang trabaho ay manggamot ng mga pisikal na karamdaman ng mga tao gamit ang medisina at paraan ng panggagamot ng panahong iyon.
Noong panahong wala ang mga resetang gamot, naghanap ng kagalingan mula sa karamdaman ang mga tao sa ibang paraan. Binanggit ang alak sa Kawikaan 31:6–7 na ibinibigay sa mga may taning na ang buhay at sa mga may karamdaman. Gayundin sa 1 Timoteo 5:23, Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na uminom ng kaunting alak para paginhawahin ang kanyang sakit sa tiyan. Dahil hindi pa natutuklasan ang ibang mga gamot, ang mga inuming may alcohol ay laging ginagamit na panglunas sa mga sakit at pagdurusa, at ang paggamit nito bilang gamot ay inaprubahan ng salita ng Diyos.
Gayundin, dapat nating tandaan na karamihan sa mga reseta sa panahong ngayon ay base sa mga elemento na natural na nakikita at nangyayari sa mga nilikha ng Diyos. Halimbawa, maaaring magreseta ang isang doktor ng Amoxil, pero saan galling ang gamot na ito? Ito ay nanggaling sa isang sangkap na nagmumula sa isang amag na kulay blue-green na tinatawag na Penicillium notatum. Saan nanggaling ang amag na ito? Ginawa ito ng Diyos. Kaya, masasabi natin na nilikha ng Diyos ang amag ng penicillin at binigyan ito ng kagamit-gamit na katangian para sa pagpatay sa mga nakakahawang bacteria sa loob ng katawan ng tao. Hinayaan ng Diyos na matuklasan ng tao ang katangiang ito, kunin ang sangkap na nakakagamot at dalisayin ito para magamit ng ating katawan. Masama bang gamitin ang sariling nilikha ng Diyos para pagalingin ang sangkatauhan? Hindi. Ang totoo, naluluwalhati Siya sa mga ganitong imbensyon.
Ang lahat ng ito ay makatutulong sa ating pagdedesisyon kung paano natin tatratuhin ang mga resetang gamot. Walang masama sa paghingi ng tulong sa isang doktor kung tayo'y may sakit. Walang masama sa pag-inom ng mga gamot na inireseta ng doktor sa paraang ipinayo niya. May mga panganib ba at masamang epekto ang mga resetang gamot? Oo siyempre, at ipinapaliwanag ng mga doktor at parmasyotiko ang mga panganib na ito. Posible ba na abusuhin ang mga resetang gamot, gamitin sa maling paraan, o maadik sa mga ito? Oo, at hindi dapat hayaan ng mga anak ng Diyos na ipailalim ang kanilang sarili sa kontrol ng mga gamot na ito (tingnan ang 1 Corinto 6:12 para sa prinsipyo na inilahad sa ibang konteksto).
Sa huli, ang paggamit ng isang Kristiyano ng mga resetang gamot ay sa pagitan niya at ng Panginoon. Hindi iniutos ng Bibliya ang paggamit ng medisina, ngunit hindi rin naman ito ipinagbabawal. Dapat na alagaan ng isang anak ng Diyos ang kanyang sariling katawan dahil ito ang templo ng Banal na Espiritu, panatilihin ang tamang diyeta at magehersisyo ng sapat. Nangangahulugan din ito na dapat nating samantalahin ang karunungang ibinigay ng Diyos sa mga nagsanay na mananaliksik at manggagamot. Nauunawaan natin na ang Diyos ang ating Manggagamot, anuman ang paraan na kanyang ginagamit upang pagalingin tayo at sa Kanya natin iniuukol ang ating pagluwalhati.
English
Ano ang dapat na maging pananaw ng isang Kristiyano sa mga resetang gamot?