settings icon
share icon
Tanong

Dapat bang tumakbo ang isang Kristiyano sa pulitika?

Sagot


Kung dapat o hindi dapat tumakbo ang isang Kristiyano sa isang pwesto sa pulitika ay isang isyu na nagiimbita ng matapang na sagot. Walang direktang pagtukoy sa Bibliya para sa mga Kristiyanong kumakandidato sa anumang pwesto sa pulitika. Ngunit may mga prinsipyong Kristiyano na ating makukuha dito na makakatulong sa pagdedesisyon kung makikilahok o hindi sa pulitika. Dapat na ikunsidera ng sinumang nagpaplanong tumakbo sa anumang posisyon ang mga prinsipyong ito at manalangin sa Diyos para sa Kanyang kalooban sa kanyang buhay.

Walang duda na ang mga bansa kung saan ang mga opisyal ng gobyerno ay inihahalal ng mga mamamayan ay nagsusulong ng kalayaan. Maraming Kristiyano sa maraming bansa sa mundong ito ang ginigipit at inuusig at nagdurusa sa ilalim ng pamamahala ng gobyerno at wala silang kakayahan para baguhin ang mga pinuno na namumuhi sa kanilang pananampalataya at pinatatahimik ang kanilang boses. Inilalagay sa panganib ng mga Kristiyanong ito ang kanilang sariling buhay dahil sa kanilang pangangaral ng Ebanghelyo ni Jesu Cristo. Sa ibang mga bansa, binibigyan ang mga Kristiyano ng karapatang magsalita at pumili ng kanilang lider ng hindi natatakot para sa kanilang sariling buhay at sa buhay ng kanilang pamilya.

Ang mga pinuno na ating inihahalal ay may malaking impluwensya sa ating kalayaan. Kaya nilang piliin na protektahan ang karapatan ng mga mamamayan na sumamba at ipakalat ang Ebanghelyo o sikilin ang kalayaang ito. Maaari nilang pangunahan ang kanilang bansa para sa katuwiran o sa imoralidad. Malinaw na kung mas maraming tapat na Kristiyano sa pamahalaan—sa mataas o mababa mang posisyon—mas mababantayan ang ating kalayaang pangrelihiyon. Maaaring maapektuhan ng mga Kristiyanong nasa pulitika ang mga kinakailangang pagbabago sa kultura na lubha nating kinakailangan. Ang isang magandang halimbawa ay si William Wilberforce, isang pulitikong Ingles noong ika-19 siglo na ilang dekadang nangampanya para wakasan ang karumal-dumal na pangangalakal ng mga alipin na talamak ng panahong iyon. Naging matagumpay sa wakas ang kanyang kampanya, at pinapupurihan siya ngayon dahil sa kanyang tapang at pagtatalaga sa mga prinsipyong Kristiyano.

Gayundin naman, may isang matandang kasabihan: "Ang pulitika ay isang maruming larangan." Ang mga pulitiko, kahit na ang may pinakamagandang motibo, ay nasa panganib ng kasamaan ng isang sistemang may kinalaman sa kapangyarihan. Ang mga nasa posisyon lalo na ang mga nasa matataas na katungkulan ay nililigawan ng mga taong umaasa na makakakuha ng pabor para isulong ang kanilang pansariling interes. Kung saan naroon ang pera at kapangyarihan, laging naroon ang kasakiman at katakawan. May malaking panganib para sa mga Kristiyano na sangkot sa makamundong sistema ng pulitika at malaking pagiingat ang kinakailangan para manatili sa mundong ito ngunit manatiling malinis ang gawain at budhi. Maaaring walang kasing totoo sa anumang aspeto ng ating buhay ang kasabihang ito: "Huwag kayong padaya: Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali" (1 Corinto 15:33) kaysa sa mga posisyon ng kapangyarihan sa pulitika.

Sinabi ni Jesus na ang Kanyang kaharian ay hindi sa kasalukuyang mundong ito (Juan 18:36). Ang kaharian ni Kristo ay hindi konektado sa sistema ng pulitika sa mundo o sa gobyerno. Ang mg Kristiyano sa mundo ay dapat na mag-ukol ng panahon sa mga espiritwal na katotohanan, sa walang hanggan hindi sa panandalian. Walang masama kung makilahok ang mga Kristiyano sa pulitika hangga't alam nila na dapat silang maging kinatawan ni Kristo sa mundo. Ito ang ating pangunahing gawain at ang ating layunin ay umapela sa iba na makipagkasundo din sila sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo (2 Corinto 5:20).

Kaya dapat bang tumakbo ang isang Kristiyano sa isang posisyon sa pulitika? Para sa ibang Kristiyano ang sagot ay siguradong hindi; para naman sa iba, ang sagot ay siguradong oo. Ito ay personal na desisyon na nangangailangan ng panalangin at katalinuhan na tanging ang Diyos ang makakapagbigay at Kanyang ipinangako sa mga humihingi nito (Santiago 1:5). Dapat tandaan ng mga Kristiyanong pulitiko na ang kanilang tungkulin sa Panginoon ang dapat nilang unahin kaysa sa kanilang tungkulin sa tao. Sinabi ni Pablo, "Kaya kung kayo'y nagsisikain man, o nagsisiinom man o anoman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Dios (1 Corinto 10:31; Colosas 3:17). Kung maghahangad ang isang Kristiyano ng isang posisyon sa lipunan, tama iyon kung magagampanan niya ng tapat ang kanyang tungkulin na kaakibat ng posisyon para sa kaluwalhatian ng Panginoon ng hindi ikinokompromiso ang mga prinsipyong Kristiyano.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat bang tumakbo ang isang Kristiyano sa pulitika?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries