Tanong
Dapat bang magmay-ari ang isang Kristiyano ng sandata?
Sagot
Dahil sa lumalalang antas ng karahasan sa ating mundo at sa pagpapahalaga sa kapayapaan ng Kasulatan, pinagdedebatehan ng mga Kristiyano kung nararapat ba para sa isang Kristiyano na magmay-ari ng baril o sandatang nakamamatay. Gayunman, ang isang malalim na pagaaral sa Bibliya ay magbibigay sa atin ng pananaw patungkol sa mga sinaunang pagsasanay patungkol sa bagay na ito na magbibigay liwanag sa isyung ito sa kasalukuyan.
May halimbawa tayo ng mga alagad na nagmay-ari ng mga sandata. Noong gabing bago ipagkanulo si Jesus, sinabihan Niya ang Kanyang mga tagasunod na magdala ng tabak. May dalawa silang tabak na sinabi ni Jesus na sapat na (Lukas 22:37-39). Habang inaaresto si Jesus, tinaga ni Pedro ang tainga ng isa sa mga alipin ng punong saserdote (Juan 18:10). Agad na pinagaling ni Jesus ang lalaki (Lukas 22:51) at inutusan si Pedro na isalong ang kanyang tabak (Juan 18:11). Hindi kinondena ni Jesus ang pagmamay-ari ni Pedro ng tabak, o ang kanyang paggamit dito.
Sa isang pang pagkakataon, dumating ang mga sundalo para magpabawtismo kay Juan Bautista. Nang tanungin nila si Juan Bautista kung paano sila mamumuhay para sa Diyos, sinabi niya sa kanila, "Huwag kayong kukuha ng pera kaninuman nang sapilitan o sa pamamagitan ng hindi makatuwirang paratang, at masiyahan kayo sa inyong sweldo" (Lukas 3:14). Hindi sinabi ni Juan na huwag nilang gamitin ang kanilang mga sandata.
Nandiyan din si Haring David na nagpuri sa Panginoon, "Purihin si Yahweh na aking kanlungan, sa pakikibaka, ako ay sinanay; inihanda ako, upang makilaban" (Awit 144:1). Naglalaman ang Lumang Tipan ng marami pang ibang halimbawa ng makadiyos na lalaki na nagmay-ari at gumamit ng sandata, karaniwang sa konteksto ng digmaan.
Hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang pagmamay-ari ng sandata ng isang Kristiyano, ngunit may mga itinalaga itong prinsipyo na dapat isaalang-alang. Una, tinawag ang mga Kristiyano para magsulong ng kapayapaan at pakikipagkasundo (Mateo 5:9). Ang isang Kristiyano na nagpaplanong bumili ng sandata ay dapat na manalangin at alamin kung ang kanyang desisyon ay tutulong sa pagsusulong ng kapayapaan.
Ikalawa, dapat na magmay-ari ang isang Kristiyano ng sandata para lamang sa layunin na magbibigay lugod sa Diyos (1 Corinto 10:23). Ang paggamit ng sandata para sa pangangaso, pagpapatupad ng batas o pagtatanggol sa sarili ay maaaring magbigay lugod sa Diyos. Muli, dapat na siyasatin ng isang tao ang kanyang motibo sa pagmamay-ari ng isang partikular na sandata.
Ikatlo, dapat na sumunod ang isang Kristiyano sa mga lokal na batas, kabilang ang mga batas patungkol sa pagmamay-ari ng baril. Malinaw na sinasabi sa Roma 13 na ang mga pinuno ay nagmula sa Diyos at dapat na sundin. Sa karagdagan, dapat tayong manalangin para sa ating mga pinuno na namamahala sa ating komunidad at bansa (1 Timoteo 2:1-2).
Sa huli, walang masama tungkol sa pagmamay-ari ng baril o iba pang sandata. Kagamit-gamit ang isang sandata at kinakailangan sa ilang sitwasyon; sa parehong panahon, dapat na maingat na siyasatin ng isang Kristiyano ang kanyang motibo at layunin sa pagmamay-ari ng sandata, at sumunod sa mga lokal na ordinansa.
English
Dapat bang magmay-ari ang isang Kristiyano ng sandata?