Tanong
Sino ba ang mga Kristiyanong santo / banal ayon sa Bibliya?
Sagot
Ang salitang santo o banal ay nanggaling sa salitang griegong "hagios" na nangangahulugang "nilinis para sa Diyos, banal, sagrado, at makadiyos." Ito ay laging ginagamit sa Bibliya sa pangmaramihan, "mga santo" o "mga banal." Sumagot si Ananias, "Panginoon, marami na po ang nagbalita sa akin tungkol sa taong ito, tungkol sa mga kasamaang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem" (Gawa 9:13). "Sa pagdalaw ni Pedro sa lahat ng dako sa mga mananampalataya, pumunta rin siya sa mga banal na naninirahan sa Lidda" (Gawa 9:32). "At ginawa ko ito sa Jerusalem; at hindi ko lamang kinulong sa mga bilangguan ang marami sa mga banal" (Gawa 26:10). Isang beses lamang ginamit sa pang-isahan ang salitang ito sa Filipos 4:21, "Batiin ninyo ang bawat banal kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko." Sa Bibliya, may 67 beses na ginamit ang salitang ito sa maramihan (mga banal) kumpara sa isang gamit na pang-isahan (bawat banal)." Kahit isang beses lamang na ginamit ito sa pang-isahan, ang konteksto ay pang maramihan, "bawat banal" (Filipos 4:21).
Ang ideya sa likod ng salitang banal ay isang gupo ng tao na ibinukod para sa Panginoon at sa Kanyang kaharian. May tatlong reperensya na tumutukoy sa paguugali ng isang santo o banal; "upang tanggapin ninyo siya sa Panginoon, ayon sa nararapat sa mga banal " (Roma 16:2). "upang ihanda ang mga banal sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo" (Efeso 4:12). "Ngunit ang pakikiapid, ang lahat ng karumihan, o kasakiman, ay huwag sanang mabanggit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal" (Efeso 5:3).
Kaya kung ang paguusapan ay ang pakahulugan ng Bibliya, ang mga santo o mga banal ay ang katawan ni Kristo, ang iglesya, na binubuo ng bawat mananampalataya. Ang lahat ng Kristiyano ay itinuturing na banal o santo at tinatawag upang maging mga banal. Napakalinaw na sinasabi sa 1 Corinto 1:2, "Sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga ginawang banal kay Cristo Jesus, mga tinawag na banal, kasama ng lahat na sa bawat lugar ay tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na kanila at ating Panginoon." Ang salitang "mga ginawang banal" ay nagmula sa parehong salitang ugat sa wikang Griego na karaniwang isinasalin na "mga banal." Ang mga Kristiyano ay mga banal dahilan sa kanilang kaugnayan kay Hesu Kristo. Sila'y tinatawag din upang magpakabanal araw araw ng kanilang buhay upang iangkop ang kanilang kalagayan kay Kristo sa kanilang pang araw araw na buhay. Ito ang pagkatawag sa mga Kristiyano at Biblikal na kahulugan ng salitang "santo" o "banal."
Ang pang-unawa ng mga Romano Katoliko sa mga "santo" o "banal" ay hindi sang-ayon sa paliwanag ng Bibliya. Sa teolohiya ng mga Romano Katoliko, ang mga santo ay ang mga taong namatay na nasa langit na. Sa Bibliya, ang mga santo o banal ay hindi lamang yaong mga namatay na kundi yaong mga nabubuhay pa sa lupa. Sa Romano Katoliko, hindi maaaring maging santo o banal ang isang tao malibang siya ay mamatay, maging "beato" o kandidato para maging santo at sa huli ay maging kanonikado o ideklarang santo ng Papa sa Roma. Samantalang sa Bibliya, ang bawat isang tumanggap kay Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya ay tinatawag na santo o banal. Sa kaugalian ng mga Romano Katoliko, ang mga santo ay lubhang iginagalang, at pinananalanginan, at isa ibang pagkakataon ay sinasamba. Sa Bibliya, ang mga santo o banalay tinawag hindi upang sambahin at panalanginan kundi sumamba at manalangin tanging sa Diyos lamang.
English
Sino ba ang mga Kristiyanong santo / banal ayon sa Bibliya?