settings icon
share icon
Tanong

Dapat bang gumamit ang Kristiyano ng isang internet website na nagaalok ng serbisyo sa paghahanap ng mapapangasawa?

Sagot


Hindi tinatalakay sa Bibliya ang tungkol sa mga mga websites na nagaalok ng serbisyo para sa paghahanap ng mapapangasawa. Sa katunayan, ni hindi nito tinalakay ang "panliligaw" o "pakikipagtagpo," o kahit anong termino na ating ginagamit upang kilalanin ang isang potensyal na mapapangasawa. Sa panahon ng Bibliya, tinutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makakilala ng potensyal na makakasama at sa tuwina ay pinagpapares ang kanilang mga anak upang maging magasawa sa hinaharap. Sa kasalukuyan, habang may impluwensya pa rin ang pamilya sa maraming kultura, sa mas maraming kultura, pinababayaan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maghanap ng kanilang mapapangasawa. May mga binata at dalaga ang hindi na naghahanap ng mapapangasawa sa paniniwala na dadalhin sa kanila ng Diyos ang kanilang magiging asawa, habang ang iba naman ay walang sawang naghahanap ng mapapangasawa sa takot na baka hindi sila makapagasawa. Dapat na may balanse sa dalawang ito dahil alam natin na perpekto ang pag-ibig ng Diyos (Efeso 3:18; 1 Juan 3:16-18) at walang hanggan ang Kanyang kapamahalaan sa lahat nating sitwasyon, pagnanais at pangangailangan (Awit 109:21; Roma 8:38-39). Ginagamit ng Diyos ang ating pagpapasya, ang ibang tao, at minsan maging ang makabagong teknolohiya upang bigyan tayo ng mapapangasawa.

Bago ikunsidera ng isang binata o dalagang Kristiyano ang mga makabagong pamamaraan gaya ng internet sa paghahanap ng mapapangasawa, dapat na alalahanin na maaaring nalalagay sila sa isang alanganing sitwasyon na maaaring maging sanhi ng kapahamakan. Posible na masyado tayong mapili at naghahanap ng isang mala-pantasyang prinsipe o prinsesa, at dahil dito, nililimitahan natin ang ating isipan kaya't hindi natin napapansin ang pinakamagandang lalaki o babae na inihanda sa atin ng Diyos. Hindi ba tayo masyadong nagiging mapili o maaaring nalilimutan natin na inuutusan tayo ng Diyos na makipagrelasyon sa mga kapwa natin mananampalataya (2 Corinto 6:14)? o ikinukunsidera natin ang isang tao na namumuhay sa kasalanan na maaaring maglagay sa ating relasyon sa panganib? Dapat na hayaan ng isang Kristiyanong babae na ang Kristiyanong lalaki ang manguna sa kanilang relasyon at tiyakin nila na ang kanilang relasyon ay lumuluwalhati kay Kristo sa lahat ng bagay. At panghuli, bilang mga mananampalataya, dapat tayong matutong tumayo sa ating sariling mga paa na nagtitiwala sa Panginoon na kukumpletuhin tayo sa halip na makadama ng pakiramdam ng pangangailangan ng pagaasawa upang makaranas ng kasapatan. Kung atin ng maisaayos ang mga bagay na ito, maaari na tayong magumpisa na maghanap ng isang babae o tumanggap ng manlilligaw na maaaring mapangasawa.

Gaya ng lahat ng desisyon, dapat nating hilingin sa Diyos na malinaw Niya tayong pangunahan. Maaaring mahirap na maghanap ng lalaki o babae na walang asawa lalo na kung may asawa na ang karamihan sa ating mga kaibigan. Maaari tayong makahanap ng potensyal na mapapangasawa sa pakikilahok sa mga grupo ng mga walang asawa sa iglesya. Maaari tayong makilahok ng boluntaryo sa isang proyekto na ating nagugustuhan o makilahok sa ibang grupo ngunit dapat tiyakin na nasisiyahan tayo sa ating ginagawa hindi dahil nais nating makahanap ng potensyal na mapapangasawa. May ilan na mas pinipili ang mga ipinapakilala ng kanilang mga kaibigan, at kapamilya. Mayroon naman na nagkakilala dahil sa isang hindi sinasadyang pagtatagpo sa isang pampublikong lugar. Ngunit may ibang naniniwala na nalilimitahan ng kanilang propesyon ang bilang ng kanilang mga kakilala dahil sa liit ng kanilang lugar na ginagalawan o dahil sa kalikasan ng kanilang mga trabaho. Para sa mga taong ito, isang matalinong pagpapasya na ikunsidera ang ibang pamamaraan. Ang ilan sa mga makabagong pamamaraan sa paghahanap ng mapapangasawa ay ang internet. May positibo at negatibo sa mga pamamaraang ito at walang isang pamamaraan ang nababagay para sa lahat. Bago simulan ang alinman sa mga pamamaraang ito, dapat na magsimula sa panalangin at hingin sa Diyos kung anong hakbang ang nararapat.

Sa ngayon, ang pakikipagtagpo gamit ang internet ang isa sa pinakasikat na alternatibo upang makakilala ng potensyal na mapapangasawa. May ilang internet dating sites na pinatatakbo ng mga Kristiyano at mayroon ding mga hindi Kristiyanong sites na nililimitahan ang paghahanap ng makakapareha sa kaparehong Kristiyano [Ipinapaalam po namin na hindi nageendorso ang Got Questions Ministries ng anumang dating site].

Ang isang malaking kahinaan ng pakikipagtagpo gamit ang internet ay hindi ka makatitiyak kung ang isang tao ay tapat o nagpapanggap lamang. Maaaring nakakatawa ang resulta ng pandaraya ngunit maaari din itong makamatay. Isang magandang ideya na huwag munang sumagot sa pakikipagkomunikasyon sa isang tao na nakatira sa ibang bansa hangga't hindi pa nalalaman ang maraming bagay tungkol sa kanyang pagkatao. Ang ilan sa mga taong ito ay nagtatangka lamang na lokohin ang kanilang mga nakikilala sa internet. Maging maingat sa pagbabahagi ng anumang personal na impormasyon sa internet. Maganda rin na makipagkita sa isang tao ng mukhaan bago maging emosyonal sa pakikipagpalitan ng email. Kung makikipagkita sa isang tao sa unang pagkakataon, sikapin na gawin ito sa isang pampublikong lugar–huwag hayaan na dalhin ka sa isang lugar na maaari kayong mapagisa. Isang matalinong pagpapasya ang magplano ng double date upang makahingi sa isang malapit na kaibigan ng opinyon tungkol sa isang estranghero. Talasan ang iyong pakiramdam at agad na lumayo kung makakaramdam ng anumang panganib. Sa kabila ng mga babalang ito, maraming masayang pagsasama ang nagmula sa internet dating.

Ang mga propesyonal na serbisyo na nagaalok ng pagpapares sa dalawang naghahanap ng mapapangasawa ay karaniwang mas ligtas kaysa sa internet, ngunit hindi masyadong popular at karaniwang limitado lamang ang taong pamimilian. Karaniwan din itong mas mahal at kinapapalooban ng maraming papeles at pagsasaliksik sa pagkatao. Ngunit kung gagawin ng maingat at matalino, ang ganitong paraan sa paghahanap ng mapapangasawa ay maaaring magbunga sa isang matagumpay na pagsasamang Kristiyano.

Ang mabilisang paghahanap ng kasintahan o speed dating ay kung saan sistematikong umiikot sa isang kwarto o mesa ang mga singles upang kilalanin ang potensyal na boyfriend o girlfriend sa loob lamang ng ilang minuto kada ikot. Pagkatapos ng isang gabi, ibibigay nila ang isang card kung saan nakalagay ang pangalan ng nais nilang makatambal. Ang magkapareha na magkapareho ang mga interes ay makakatanggap ng impormasyon kung paano makokontak ang isa't isa. Muli, kung gagawin ng ligtas at matalino, maaari din itong magbunga sa isang matagumpay na pagsasamang Kristiyano.

Gayunpaman, sa lahat ng ating ginagawang desisyon sa buhay, mahalagang tandaan na ang Diyos – hindi tayo — ang nagbibigay sa atin ng ating mapapangasawa. Simpleng pakinggan, ngunit hindi tayo dapat magtrabaho para humanap ng mapapangasawa; dapat lamang tayong mamuhay na ang pagnanais na makahanap ng mapapangasawa ay pangalawa lamang sa ating pagnanais na makilala ang Diyos ng ating buong puso.

Hanapin mo ang kalooban ng Diyos at ipagkakaloob Niya (o babaguhin) ang iyong mga kagustuhan (Awit 103:5; Roma 12:2) sa Kanyang perpektong paraan at panahon (Roma 5:6; Roma 8:26-27). Nanaisin ba natin ang ibang pamamaraan? Balikan natin ang kuwento ni Isaac at Rebekkah at kung paanong pinagtagpo at pinagsama sila ng Diyos (Genesis 24). Ang kanilang pagsasama ay ayon sa plano at kontrol ng Diyos. Hawak ng Diyos ang bawat sandali sa ating mga buhay (Awit 31:15), at hindi Niya hahayaan na tayo'y mahulog mula sa Kanyang mga kamay. Idinuduyan Niya ang ating mga buhay at puso sa Kanyang mga kamay, at hindi Niya kinalillimutan ang Kanyang mga anak. Kung nais ng Diyos ng magkaroon ka ng makakasama sa buhay, gaganapin Niya ito tapat na gagabayan ka sa iyong papel sa inyong pagsasama. Sa ngayon, hanapin mo ang kalooban ng Diyos sa iyong kasalukuyang kalagayan. May plano Siya sa bawat isa sa atin, may asawa man o wala at isang kahihiyan ang hindi mamuhay ayon sa Kanyang layunin sa anumang yugto ng ating buhay dahil sa labis na pagaalala sa kaiisip sa Kanyang gustong gawin para sa atin sa hinaharap.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat bang gumamit ang Kristiyano ng isang internet website na nagaalok ng serbisyo sa paghahanap ng mapapangasawa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries