Tanong
Tama lang ba na magpa-tattoo kung ang ita-tattoo ay mga simbolo at salitang Kristiyano?
Sagot
Para sa mas malawak na pangunawa sa paksang ito, pakibasa ang aming artikulo na may pamagat na, “Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapatattoo at pagtutusok sa katawan?” Bukod sa pangkalahatang isyu tungkol sa tattoo, ay ang isyu tungkol sa pagpapa-tattoo ng mga salitang Kristiyano at simbolo. Ang parehong prinsipyo ba tungkol sa tattoo ay maaaring ilapat sa mga Kristiyanong simbolo, gaya ng krus at salita, o mga talata sa Bibliya? Maraming Kristiyano ang ipinapalagay na ang pagpapa-tattoo ay nagbibigay sa kanila ng mas malaking kredibilidad at maaari itong maging tulay sa pageebanghelyo sa ilang grupo ng tao. Kaya’t paano ang pagpapatattoo ng mga Kristiyanong salita at simbolo?
Masasabing ang krus na tattoo ay mas maganda kaysa sa isang hubad na babae, nagbabagang bungo o isang demonyo. Ang pagkakaroon ng tattoo ng mga salitang “Si Hesus ang Tagapagligtas” ay maaari ngang maging simula ng pakikipagusap sa ibang tao na hindi maaabot ng isang mangangaral na nakasuot ng tradisyonal na kasuutan. May ilang ginagamit ang Pahayag 19:16 bilang halimbawa ng pagkakaroon ni Hesus ng tattoo sa kanyang hita ng mga salitang “Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon.” Ang tanong ay hindi tungkol sa kung kasalanan ba ang pagpapa-tattoo kundi, “Kinakailangan ba ang pagpapa tattoo?” Idineklara sa 1 Corinto 10:23, “Mayroon namang magsasabi, “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi lahat ng ito ay nakakabuti. “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi rin lahat ng ito'y nakakatulong.” Malaya naman ang Kristiyano na magpa-tattoo ngunit ito ba’y kapakipakinabang at totoong makakatulong?
Sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 9:22-23, “Sa piling ng mahihina sa pananampalataya, ako'y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang.” Ang pakikibagay upang makahikayat ng ilan sa pananampalataya ang maaaring tanging magandang dahilan sa pagkakaroon ng Kristiyanong tattoo. Kung ang pagkakaroon ng tattoo ay tunay na makakapagbukas ng mga oportunidad sa pagbabahagi ng Ebanghelyo sa mga taong hindi makikinig kung walang tattoo ang isang Kristiyano, maaaring makapasa ito sa kwalipikasyon ni Pablo na “ako’y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang.” Gayundin naman, sa diretsahang pananalita, napakahirap na makita na ang pagkakaroon ng tattoo ay magbibigay ng magandang pagkakataon sa pageebanghenglyo at tila mas mahirap para sa isang Kristiyanong may tattoo ang pakinggan ng mga tao sa panahon ngayon.
Ang isang Biblikal na konklusyon na maaaring mabuo sa mga argumentong ito ay maaaring pahintulutan ang isang Kristiyano na magkaroon ng mga tattoo ng mga simbolo at salitang Kristiyano, ngunit kuwestyonable kung makakatulong ba talaga ito at magiging kagamit gamit para sa Ebanghelyo. Ang isang Kristiyanong nagiisip na magpa-tattoo ay dapat manalangin para sa karunungan (Santiago 1:5) at hingin sa Panginoon na pagkalooban siya ng tamang motibo at pagpapasya.
English
Tama lang ba na magpa-tattoo kung ang ita-tattoo ay mga simbolo at salitang Kristiyano?