settings icon
share icon
Tanong

Anong uri ng trabaho ang maaring ikunsidera ng isang Kristiyano?

Sagot


May mga panahon na iniisip natin na dapat na maghangad ang mga Kristiyano ng mga "trabahong Kristiyano" gaya ng pagtatrabaho sa iglesya o sa isang ministeryong parachurch. Nauunawaan natin na maaari ding magtrabaho ang mga Kristiyano sa labas ng pader ng iglesya o ng pangalang "Kristiyano," ngunit may inklinasyon tayo na limitahan ang ating sarili sa mga propesyon na "nakakatulong" sa tao, maaaring sa pagiging doktor, nars, guro, tagapagalaga ng bata, social workers, tagapagpatupad ng batas, o tagapayo. Ngunit pagiging negosyante? Abogado? Technician? Imbentor? Inhenyero? Fashion designer? Tagapagbalita sa TV? TV producer? Musikero? Isang artista? May inklinasyon tayo na hindi isama ang mga trabahong ito sa mga trabahong kanais-nais para sa mga Kristiyano. Walang anumang basehan sa Bibliya para sa paglilimitang ito.

Maaaring ikunsidera ng mga Kristiyano ang halos lahat ng trabaho. Isinulat ni Pablo sa mga taga Corinto, "Mamuhay ang bawat isa ayon sa ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon, at magpatuloy sa dati niyang kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos. Ito ang itinuturo ko sa lahat ng iglesya… Manatili ang bawat isa sa kalagayan niya nang siya'y tawagin ng Diyos. Ikaw ba'y isang alipin nang tawagin ka ng Diyos? Huwag kang mag-alala tungkol doon. Ngunit kung may pagkakataon kang maging isang malaya, samantalahin mo. Mga kapatid, anuman ang kalagayan ninyo sa buhay nang kayo'y tawagin, manatili kayo roong kasama ng Diyos" (1 Corinto 7:17, 20-21, 24). Hindi sinabi ni Pablo sa mga mananampalataya na iwanan ang kanilang kasalukuyang trabaho at maging mga misyonero o mga pastor. Sinabi niya sa kanila na manatili sa kanilang kalagayan at subukang maglingkod doon. Isinulat ni Pablo ang parehong bagay sa mga taga Colosas, "At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama" (Colosas 3:17). Hindi ang ating ginagawa ang mas mahalaga, kundi kung para kanino natin ito ginagawa. Niluluwalhati natin ang Diyos kung nagtatrabaho tayo ng buong sipag at kasiyahan, maging bilang isang pastor, isang negosyante, isang artista, isang nanay sa bahay, isang sales clerk, o sa iba pang trabaho.

Ang pagpili ng magiging trabaho ay maaaring maging mahirap. Malinaw na ito ay isang bagay para ipanalangin. Dapat mong hanapin ang direksyon ng Diyos para sa Kanyang kalooban sa iyong buhay. Makakatulong din ang pagsusuri kung ano ang partikular na kaloob at talento na ibinigay ng Diyos sa iyo. Ginawa Niya tayong magkakaiba (1 Corinto 12; Roma 12:4-8) na may natatanging pagnanais, talento, at mga interes para sa natatanging layunin. Makakatulong din ang pakikipagusap sa mga taong nakakakilala sa iyo ng lubos. Ang mga taong ito ang magsisilbing matalinong tagapayo (Kawikaan 15:22), na laging makakapagbigay ng matalinong pananaw. Maaari ding makatulong ang pakikipanayam sa isang tao sa iyong potensyal na larangan o paglalaan ng isang araw kasama nila sa kanilang trabaho o mag-volunteer sa isang larangan na malapit sa iyong kalooban.

Maaring ikunsidera ng mga Kristiyano ang anumang trabaho kung saan mapaparangalan nila ang Diyos at magagamit ang natatangi nilang katangian na ibinigay Niya sa kanila. Siyempre, may mga trabaho na likas na hindi kalugod lugod sa Diyos—karamihan sa mga ito ay hindi istriktong legal, gaya ng prostitusyon o pornograpiya. Ngunit anumang trabaho na hindi kinakailangang magkasala sa paggawa nito ay kapuri-puring trabahong Kristiyano at maaaring gawin para sa kaluwalhatian ng Diyos (Colossians 3:23).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Anong uri ng trabaho ang maaring ikunsidera ng isang Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries