Tanong
Paano ako magtitiwala sa Diyos kung nahaharap ako sa pagkatanggal sa trabaho, pagbawi sa hinuhulugang bahay o pagkalugi sa negosyo?
Sagot
Ang pagkatanggal sa trabaho o pagkawala ng pinagkakakitaan ay isa sa pinakamahirap na pangyayari sa buhay ng isang tao, lalo na sa mga may sinusuportahang pamilya. Ang pagbawi sa hinuhulugang bahay o pagkalugi ng negosyo o pagkatanggal sa trabaho ay nagdadagdag sa takot, kawalang katiyakan at emosyonal na kabigatan ng mananampalataya. Para sa isang Kristiyanong babae at lalaki na nahaharap sa ganitong sitwasyon, maaaring pagdudahan nila ang kabutihan ng Diyos at ang Kanyang mga pangako na ipagkakaloob ang kanilang mga pangangailangan. Ano ang dapat na maging saloobin ng isang Kristiyano sa pagharap sa mga mahihirap na kalagayang ito? Ano ang mga prinsipyo sa Bibliya na ating mailalapat sa pagkawala ng isang bahay o pagkatanggal sa trabaho at sa mga benepisyo nito (life/health insurance at mga benepisyo ng pagreretiro)?
Una, mahalagang maunawaan na itinalaga ng Diyos ang pagtatrabaho para sa sangkatauhan. Inilarawan sa Bibliya ang trabaho bilang kasangkapan ng Diyos sa pagkakaloob ng ating mga pangangailangan (Kawikaan 14:23; Mangangaral 2:24; 3:13, 5:18-19) at nagbibigay sa atin ng kakayahan na makatulong sa pangangailangan ng iba (Efeso 4:28). Ipinaalala ni Pablo sa mga mananampalataya sa Tesalonica na sinumang ayaw magtrabaho ay hindi dapat pakainin (2 Tesalonica 3:10) at siya mismo ay naghahanapbuhay sa pamamagitan ng paggawa ng tolda upang hindi maging pabigat sa kaninuman (Gawa 18:3; 2 Corinto 11:9). Kaya nga, ang pagkawala ng trabaho ay hindi dapat na maging dahilan upang maging tamad, at dapat na maging matiyaga sa paghahanap ng panibagong trabaho ang isang mananampalataya (Kawikaan 6:9-11).
Sa mga ganitong pagkakataon, maaaring hindi posible na makahanap ng isang posisyon na nagaalok ng parehong sweldo na gaya sa dating trabaho. Ngunit hindi dapat na umiral ang pagmamataas sa mga Kristiyano sa pagtanggap ng bagong trabaho na nagaalok ng mas mababang sweldo. Dapat din tayong maging bukas sa pagtangap ng tulong mula sa mga kapwa mananampalataya at ibang Iglesya, maaaring sa pamamagitan ng trabaho na kanilang maibibigay kagaya ng paggawa ng mga gawaing bahay o paglilinis ng gusali ng Iglesya. Ang pagaalok ng trabaho sa iba at pagtanggap naman sa iniaalok na trabaho ay parehong pagpapala sa nagbibigay at tumatanggap at nakikita sa mga ganitong pagkakataon ang pagsunod ng mga Kristiyano sa utos ni Kristo na mangagibigan at magtulungan sa pagdadala ng pasanin ng isa’t isa (Galacia 6:2; Juan 13:34).
Gayundin naman, ang pagkawala ng bahay na tinitirhan dahil sa pagkaembargo o pagkalugi sa negosyo ay maaaring maging pagpapala para sa pamilya. Maaaring maging panahon ito kung kailan mas magkakalapit ang loob ng bawat miyembeo ng pamilya at maipapakita ang kanilang pag-big at suporta sa isa’t isa at mas mapapahalagahan ang mga bagay na hindi nabibili ng salapi gaya ng pananampalataya, pamilya at komunidad at mas maitutuon nila ng higit ang kanilang atensyon sa mga bagay na pang walang hanggan kaysa sa mga materyal na bagay na walang eternal na kahalagahan at maaaring maglaho sa isang kisap mata. Maaaring gamitin ng Diyos ang mga ganitong pangyayari upang ipaalala sa atin ang katotohanan ng mga sinabi ng Panginoong Hesus sa Mateo 6:19-20 upang muli nating mapagtuunan ng higit na pansin ang ating mga kayamanan sa langit.
Higit sa lahat, ang pagpapanibagong sigla ng ating pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos ay napakahalaga sa mga panahon ng kahirapang pinansyal. Ang muling pagbisita sa mga talata kung saan itinuturo ang katapatan ng Diyos sa Kanyang mga anak ay muling magpapalakas at magbibigay sa atin ng pag-asa sa mga panahon na tila madilim ang ating hinaharap. Ipinapaalala sa atin sa 1 Corinto 10:13 na ang Diyos ay tapat at hindi Niya tayo susubukin ng higit sa ating makakaya at Siya rin ang magbibigay ng daan upang makalampas tayo sa Kanyang mga pagsubok. Ang paglampas na ito sa pagsubok ay maaaring nangangahulugan ng isang bago at mas magandang trabaho o iba pang oportunidad na mas makakapagpaunlad sa ating pamilya at pagkatao. Maaari din itong mangahulugan ng mahabang panahon ng kawalan ng trabaho kung kailan makikita at mararanasan natin ang katapatan ng Diyos sa pagkakaloob ng lahat na ating kinakailangan. Maaaring mangahulugan din ito ng isang bagong bahay o kaya nama’y pakikitira sa mga kamag-anak sa loob ng ilang panahon. Anuman ang mangyari, matututunan natin ang tapat na pagkakaloob sa atin ng Diyos ng lahat na ating mga pangangailangan. Pagkatapos ng panahon ng pagsubok, madadagdagan ang ating pananampalataya sa Diyos at magagamit Niya tayo upang magpalakas din naman sa iba na nakakaranas ng parehong suliranin dahil naranasan natin ang katapatan ng Diyos na siya nating magagamit sa pagpapalakas sa kanila.
English
Paano ako magtitiwala sa Diyos kung nahaharap ako sa pagkatanggal sa trabaho, pagbawi sa hinuhulugang bahay o pagkalugi sa negosyo?