settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pananaw ng Kristiyano sa yoga?

Sagot


Para sa maraming Kristiyano sa Kanluran na hindi nauunawaan ang kasaysayan sa likod ng yoga, ang yoga ay isa lamang simpleng pamamaraan sa pisikal na paggeehersisyo at pagpapalakas at flexibility ng mga masel. Gayunman, ang pilosopiya sa likod ng yoga ay higit pa sa pagpapaunlad sa pisikal na aspeto ng tao. Ito ay sinaunang pagsasanay na nanggaling sa India, at pinaniniwalaang mga pamamaraan sa paglago sa espiritwal at sa karunungan.

Ang kahulugan ng salitang yoga ay "pagkakaisa," at ginagawa upang makipagisa ang pansamantalang sarili sa walang hanggang si Brahma, ang konsepto ng mga Hindu sa "diyos." Ang diyos na ito ay hindi isang literal na persona, kundi isang elemento na kaisa ng kalikasan at ng kosmos. Ang pananaw na ito ay tinatawag na panteismo, ang paniniwala na ang lahat ng bagay ay Diyos at tanging ang sangkalawakan at kalikasan ang katotohanan. Dahil diyos ang lahat ng bagay, para sa pilosopiya ng yoga, walang pagkakaiba sa pagitan ng tao at ng Diyos.

Ang Hatha yoga ay isang uri ng yoga na nakatuon sa pisikal na katawan sa pamamagitan ng mga espesyal na postura, ehersisyo sa paghinga at meditasyon. Ang mga ito ang kasangkapan upang ihanda ang katawan para sa epsiritwal na ehersisyo ng may kakaunting sagabal upang maabot ang kaliwanagan (enlightenment). Ang pagsasanay ng yoga ay nakabase sa paniniwala na iisa ang Diyos at tao. Sa katotohanan, ito ay pagsamba sa sarili na nagkukubli sa mataas na antas ng espiritwalidad.

Ang katanungan ay posible ba para sa isang Kristiyano na ituring ang pisikal na aspeto ng yoga na isang simpleng pamamaraan lamang ng pageehersisyo ng walang kalakip na espiritwalidad o pilosopiya sa likod nito? Nagugat ang yoga sa isang pilosopiya na sukdulang lumalaban sa Kristiyanismo at hindi pa rin nagbabago ang pilosopiya sa likod nito sa pagdaan ng panahon. Itinuturo nito na dapat na ituon ng isang tao ang kanyang pansin sa sarili sa halip na sa isang tunay na Diyos. Hinihimok nito ang mga nakikilahok na hanapin ang mga kasagutan sa mahihirap na katanungan sa buhay sa kanilang sariling kamalayan sa halip na sa Salita ng Diyos. Binubuksan din nito ang tao sa pandaraya ni Satanas na humahanap ng masisila upang ilayo ang tao sa Diyos (1 Pedro 5:8).

Anuman ang ating ginagawa, dapat na gawin natin iyon para sa kaluwalhatian ng Diyos (1 Corinto 10:31), at dapat tayong maging matalino at makinig sa mga pananalitang ito ni Apostol Pablo: "Anomang bagay na katotohanan, anomang bagay na kagalanggalang, anomang bagay na matuwid, anomang bagay na malinis, anomang bagay na kaibigibig, anomang bagay na mabuting ulat; kung may anomang kagalingan, at kung may anomang kapurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito" (Filipos 4:8). Dapat na magingat ang isang Kristiyano at manalangin para sa espiritwal na karunungan patungkol sa kanyang pakikilahok sa yoga.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pananaw ng Kristiyano sa yoga?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries