settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Kristiyanong antropolohiya (katuruan tungkol sa tao)?

Sagot


Ang antropolohiya ay ang pagaaral tungkol sa sangkatauhan. Ang Kristyanong antropolohiya ay ang pagaaral tungkol sa sangkatauhan mula sa perspektibo ng Bibliya. Ito ay pangunahing nakatuon sa kalikasan ng sangkatauhan - kung paanong ang materyal at hindi materyal na aspeto ng tao ay magkaugnay sa isa’t isa. Narito ang ilang mga pangkaraniwang katanungan sa Kristiyanong antropolohiya.

Ano ang ibig sabihin na ang tao ay nilikha ayon sa wangis at larawan ng Diyos (Genesis 1:26-27)? Ang wangis ng Diyos ay tumutukoy sa imateryal o hindi pisikal na bahagi ng tao. Ito ang ipinagkaiba ng tao sa mga hayop, at ang dahilan kung bakit may kakayahan siya na mamahala sa mga nilikha gaya ng intensyon sa kanya ng Diyos (Genesis 1:28), at nagbibigay sa kanya ng kakayahan na makipagugnayan sa kanyang Manlilikha. Ito ay wangis sa aspetong mental, moral at sosyal, hindi sa pisikal dahil walang pisikal na anyo ang Diyos.

Mayroon ba tayong tatlo o dalawang bahagi? Tayo ba ay katawan, kaluluwa, at espiritu - o - katawan, kaluluwa-espiritu? Ang mga tao ay nilikha upang magkaroon ng relasyon sa Diyos, at dahil dito, nilikha tayo ng Diyos na may materyal at hindi materyal na bahagi. Ang materyal na bahagi ng tao ang nahihipo, nakikita at umiiral lamang habang nabubuhay sa pisikal ang tao. Ang imateryal na bahagi ng tao ay ang mga sangkap na hindi nakikita o nahihipo: ang kaluluwa, espiritu, karunungan, kalooban, konsensya at iba pa. Ang mga katangiang ito ay umiiral kahit na mamatay ang tao sa pisikal.

Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng kaluluwa at espiritu? Mahalagang maunawaan na ang dalawang ito ay parehong tumutukoy sa imateryal na bahagi ng tao, ngunit tanging ang “espiritu” ang tumutukoy sa paglakad ng tao kasama ng Diyos Ang “kaluluwa” ay tumutukoy sa paglakad ng tao sa mundo sa materyal at imateryal.

Ano ang pinanggalingan ng iba’t ibang lahi? Hindi ibinigay ng napakalinaw sa Bibliya kung ano ang pinagmulan ng iba’t ibang “lahi” o kulay ng balat ng iba’t ibang lahi. Ngunit sa aktwal, may iisa lamang lahi - ang lahi ng tao. Sa lahing ito ng tao ay may iba’t ibang kulay ng balat at iba pang pisikal na katangian.

Ang Kristiyanong antropolohiya ay tumatalakay sa kung sino tayo bilang tao at kung paano tayo makikipagugnayan sa Diyos. Ang pangunawa kung ang tao ay likas na mabuti o likas na masama ay napakahalaga sa pagalam kung paano maibabalik ang ating nasirang relasyon sa Diyos. Ang pagpapatuloy o hindi ng kaluluwa ng tao pagkatapos ng kamatayan ang magbibigay sa atin ng tamang pananaw sa ating layunin dito sa mundo. Tinutulungan tayo ng Kristiyanong antropolohiya na maunawaan ang ating kalikasan ayon sa pananaw ng Diyos. Kung pagaaralan natin ang paksang ito, magkakaroon tayo ng mas malinaw na pangunawa sa ating makasalanang kalikasan at magtutulak ito sa atin sa ibayong pagkamangha sa pag-ibig ng Tagapagligtas na nakita ang ating walang pag-asang kalagayan at nagtungo sa krus upang tubusin tayo. Kung mananampalataya tayo sa Kanyang ginawang paghahandog at tatanggapin iyon sa ating sarili, babaguhin tayo ng Diyos at gagawin tayong mga bagong nilalang (2 Corinto 5:17). Ang bagong pagkataong ito ang may kakayahang makipagugnayan sa Diyos gaya ng nararapat nating gawin bilang Kanyang mga ginigiliw na anak.

Ang isang susing talata sa Kristiyanong antropolohiya ay ang Awit 139:14, “Ako'y magpapasalamat sa iyo; sapagka't nilalang ako na kakilakilabot at kagilagilalas: kagilagilalas ang iyong mga gawa; at nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.” English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Kristiyanong antropolohiya (katuruan tungkol sa tao)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries