Tanong
Bilang isang binatang Kristiyano, ano ang dapat kong hanapin sa isang kasintahang Kristiyano?
Sagot
Ang uri ng ligawan at pakikipagrelasyon ng mga kabataan ngayon ay hindi binabanggit sa Bibliya. Sa halip, ang binabanggit sa Bibliya ay ang mga prinsipyo para sa pagaasawa. Ang pakikipagtagpo/panliligaw/pagpapaligaw sa ating kultura ngayon ay isang paraaan para sa mga babae at lalaki na kilalanin at timbangin kung ang isang tao ay maaaring maging asawa. Nangangahulugan ito na dapat na ang isang babae, una at pinakamahalaga sa lahat, ay isang potensyal na panghabambuhay na kapareha ng isang Kristyanong lalaki. Ang isang Kristiyanong binata ay dapat na naghahanap ng isang babae hindi upang may paglaruan kundi upang makasama sa buong buhay. Kung hindi pa handa ang isang lalaki sa pagaasawa, hindi pa siya dapat maghanap ng isang Kristiyanong kasintahan.
Habang naghahanap ang isang Kristiyanong lalaki ng kasintahan, ang pinakamahalagang katangian na dapat niyang hanapin (bilang isang potensyal na mapapangasawa sa hinaharap at isang taong magkakaroon ng malaking impluwensya sa kanyang buhay) ay nagtataglay ng kaligtasan kay Cristo Jesus at namumuhay sa pagsunod sa Kanya. Sinabi ni Pablo sa 2 Corinto 6:14 na hindi tayo dapat na makipamatok sa mga hindi mananampalataya. Kung ang isang babae ay hindi nagtataglay ng pananampalataya kay Kristo, isang kamangmangan para sa isang Kristiyanong lalaki na ikunsidera siya bilang isang kasintahan o potensyal na asawa sa hinaharap.
Ngunit hindi naman nangangahulugan na dahil Kristiyano ang isang babae, siya na ang perpektong kasintahan para sa isang Kristiyanong lalaki. Ang pagiging Kristiyano ng isang babae ay isa lamang sa mahalagang aspeto sa hindi pakikipamatok. Kailangan ding alamin kung magkapareho kayo sa inyong layunin sa espiritwal, sa mga doktrinang pinaniniwalaan, at pananaw sa buhay. Ang mga ito ay napakahalagang kunsiderasyon. Bilang karagdagan, mahalaga ring ikunsidera ang maraming praktikal na bagay gaya ng antas ng pinagaralan, interes at inaasahan tungkol sa pamilya at uri ng pamumuhay. Maraming lalaki at babae ang nagbabase lamang sa emosyon at pisikal na atraksyon ngunit maaari itong magresulta sa malaking kapahamakan.
Ibinibigay sa Bibliya ang ilang pamantayan tungkol sa mga katangian na dapat na hanapin ng isang lalaki sa isang Kristiyanong kasintahan. Dapat na nakikita sa buhay ng isang Kristiyanong babae ang pagpapasakop sa Panginoon. Sinabihan ni apostol Pablo ang mga Kristiyanong asawa na magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki na tulad ng pagpapasakop nila sa Panginoon (Efeso 5:22-24). Kung hindi niya kayang magpasakop sa Panginoon, malamang na hindi niya makikita ang kahalagahan ng pagpapasakop sa kanyang asawang lalaki pagdating ng panahon. Mahalagang tandaan na ang pagpapasakop sa Panginoon ay hindi isang ordinaryong katangian. Ito ay isang espiritwal na katangian, hindi isang aspeto ng personalidad. Ang isang magandang personalidad ay hindi nangangahulugan agad ng isang mapagpasakop na espiritu, o kaya naman, hindi nangangahulugan na ang isang taong puno ng enerhiya o isang taong malakas ang loob ay isang taong mapagmataas. Ang isang babae ay nararapat na magpasakop sa kanyang asawa kung paanong nagpapasakop siya sa pangunguna ng Banal na Espiritu at naiimpluwensyahan nito sa antas ng Kanyang pag-ibig sa Diyos at sa paggugol ng panahon sa Kanyang salita.
Ang isang Kristiyanong babae ay pakinabang at pagpapala sa kanyang asawa. Dapat na siya ay maging katulong ayon sa papel na orihinal na ibinigay para sa mga babae noong panahon nina Adan at Eba. Dapat na siya ay angkop na katuwang sa buhay para magampanan ng lalaki ang pagkatawag sa kanya ng Diyos. Halimbawa, kung tinawag ang lalaki na maging isang pastor o misyonero, dapat siyang maghanap ng isang Kristiyanong kasintahan na may parehong saloobin. Kung may pagnanais siya ng makabuo ng isang malaking pamilya, dapat siyang maghanap ng isang Kristiyanong babae ma may parehong kagustuhan. Ngunit higit sa lahat, ayon sa pagkatawag ng Diyos para sa lahat na mananampalataya bilang mga kinatawan ni Kristo (2 Corinto 5:20), ang isang lalaki ay dapat na pumili ng isang Kristiyanong babae na hindi hahadlang sa halip ay tutulong sa kanya sa gawaing ito. Dapat na siya ay nagpapakita ng pagtatalaga ng sarili sa kanyang asawa (1 Tesalonica 5:16), nagpapalakas ng kanyang loob (1 Tesalonica 5:11), naglilingkod sa iba (Hebreo 6:10) at may karunungan na nanggagaling sa pangunawa sa Salita ng Diyos (Colosas 3:16). Ito ang uri ng babae na tunay na magiging katuwang sa buhay ng isang Kristiyanong lalaki.
English
Bilang isang binatang Kristiyano, ano ang dapat kong hanapin sa isang kasintahang Kristiyano?