settings icon
share icon
Tanong

Ano ang aking dapat hanapin sa isang Kristiyanong kasintahan (boyfriend)?

Sagot


Hindi binabanggit sa Bibliya ang uri ng pakikipagrelasyon na makikita natin sa ating panahon sa kasalukuyan. Sa halip, pagdating sa romantikong relasyon, nakatuon ang Bibliya sa mga prinsipyo sa pagaasawa. Ang pakikipagtagpo sa isang babae o lalaki sa panahon ngayon ay isang paraan upang timbangin kung ang isang babae o lalaki ay maaaring maging mabuting asawa. Kaya nga, natural na ang isang Kristiyanong boyfriend, una sa lahat, ay isang lalaking Kristiyano. Dapat na hinahanap ng isang Kristiyanong dalaga sa isang binata ang pagiging seryoso sa kanyang relasyon sa Diyos at sa kanyang relasyon sa kanya. Maaring sabihin ninuman na iniibig niya si Jesus at isa siyang Kristiyano. Ngunit paano mo matitiyak na umiibig ka sa isang tunay na Kristiyano?

Puno ang Bibliya ng mga talata na naglalarawan sa pagkatao ng isang Kristiyano, mga talata na makakatulong at mapagkakatiwalaan ng isang Kristiyanong dalaga sa pagkilala sa isang potensyal na mapapangasawa sa hinaharap. Ang mga sumusunod ang ilan sa mga katangian na makikita sa isang Kristiyano:

Mapagpakumbaba at nagpapaturo: Sinasabi sa Bibliya na ang isang matalinong lalaki ay tumatanggap ng pagtutuwid kahit na masakit iyon para sa kanya (Awit 141:5; Kawikaan 9:9, 12:15). Ang isang lalaking matuwid ay nagpapakita ng kahandaang magpatuwid sa kanyang mga pagkakamali at umiibig at nakikinig sa mga nagtuturo sa kanya mula sa Kasulatan.

Tapat: Ginagawa ba niya ang kanyang sinasbi? Sinasabi ng Bibliya na ang isang lalaking matuwid ay kinakikitaan ng katapatan sa kanyang personal at propesyonal na buhay (Efeso 4:28). Bilang karagdagan, kung mangangako siya, tutuparin niya iyon kahit na magdulot ito sa kanya ng kabiguan (Awit 15:2-5). Sa madaling salita, siya ay isang lalaking may integridad.

Hindi makasarili: Iniuutos sa Bibliya na ibigin ng mga asawang lalaki ang kanilang asawa gaya ng kanilang sariling katawan, kung paanong inibig ni Jesus ang Kanyang iglesya at ibinigay ang Kanyang sarili para dito (Efeso 5:25-28). Ang isang Kristiyanong boyfriend ay dapat na makitaan ng ganitong uri ng pagmamahal at pag-ibig sa kanyang kasintahan bago pa sila magpakasal. Madali ang umibig sa umpisa, ngunit ang isang Kristiyanong boyfriend ay dapat na maging isang lalaki na ang paguugali at gawi maging ang intensyon ay ibigin ang kasintahan sa lahat ng pagkakataon (1 Juan 3:18).

May kagustuhan at kakayahan na buhayin ang pamilya: Sinasabi sa Bibliya na ang isang lalaki na hindi nagtatrabaho upang buhayin ang pamilya ay masahol pa sa isang hindi mananampalataya (1 Timoteo 5:8). Ang pagbuhay sa pamilya ay hindi nangangahulugan ng pagkakaroon ng maraming pera. Ang isyu ay kung handa ba siyang akuin ang responsibilidad para sa ikabubuti ng kanyang asawa at mga anak. Mahalagang maintindihan ng mga babae ang kahalagahan ng talatang ito. Napakahirap para sa isang babae na igalang ang isang lalaking iresponsable at kung mangyayari ito, magkakaroon ng problema sa kanilang pagsasama. May kaugnayan ang paggalang ng babae sa kanyang asawa at ang pag-ibig ng lalaki sa kanyang asawa para sa tagumpay ng kanilang pagsasama (Efeso 5:25-32).

Handang ipagtanggol ang pamilya: Likas na mahina sa emosyonal at pisikal at mas madaling masaktan ang mga babae kaysa sa mga lalaki. Kailangan nila na maunawaan, ingatan at mahalin sa lahat ng sandali. Ang isang mabuting boyfriend ay isang Kristiyano na nagbabantay, at nagmamahal sa kanyang kasintahan at dadalhin ang responsibilidad na ito hanggang sa kanilang relasyon bilang magasawa (1 Pedro 3:7).

Gayundin naman, narito ang ilang mga negatibong bagay na dapat bantayan sa isang lalaki: materyalismo (1 Juan 2:15-16; 1 Timoteo 6:10), pagsisinungaling (Kawikaan 12:22;19:22), kawalang katapatan sa sekswal (Ecclesiastes 7:26; Kawikaan 7) at pangit na pagtrato sa mga miyembro ng pamilya lalo na sa kanyang ina (Kawikaan 15:20; 19:26; 20:20; 23:22). Kadalasan, ang pagtrato ng isang lalaki sa kanyang ina ay isang magandang indikasyon kung paano niya tatratuhin ang kanyang asawa. Gayundin, dapat ding bantayan kung ang isang lalaki ay nawawala sa katwiran at masyadong seloso, dahil ang mga ito ay karaniwang humahantong sa karahasan (Kawikaan 6:34; 27:4).

Panghuli, ang isang Kristiyanong boyfriend ay isang lalaki na angkop para sa babae. Una, sa aspetong espiritwal–ang relasyon sa Diyos ang dapat na sentro ng anumang relasyon at dapat na magkasundo sila sa aspetong ito. Inuutusan ang mga mananampalataya na magasawa ng kapwa mananampalataya (2 Corinto 6:14), kaya't walang dahilan para makipagtagpo sa isang hindi mananampalataya. Ngunit dapat din na tugma sila sa mga praktikal na aspeto, paguugali, interes at layunin sa buhay. Ang mga bagay na ito ang makakapagambag ng malaki sa kasiyahan sa kanilang relasyon.

Dagdag sa lahat ng ito, kung may masayahing disposisyon ang isang lalaki at may matibay na paninindigan, ito ay makakapagpalakas ng loob ng kanyang asawa. Walang sinuman ang laging maganda ang kundisyon, ngunit ang isang lalaking nagtataglay ng kapayapaan at kagalakan ng Espiritu ay isang pagpapala. Mahirap ang buhay at maging ang pagpapanatili sa relasyong magasawa. Tiyak na magkakaroon ng mga panahon ng kalungkutan at ng mga hindi pagkakaunawaan. Dahil dito, ang isang lalaking masayahin at may positibong pananaw sa buhay ay isang tunay na pagpapala sa isang babae (Kawikaan 16:24; 17:22; 15:30).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang aking dapat hanapin sa isang Kristiyanong kasintahan (boyfriend)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries