settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Kristiyanong teolohiya?

Sagot


Ang salitang teolohiya ay nagmula sa dalawang salitang Griyego na nangangahulugang “Diyos” at “salita.” Kapag pinagsama, ang salitang teolohiya ay nangangahulugang “pagaaral sa Diyos.” Ang Kristiyanong teolohiya ay ang pagaaral kung ano ang itinuturo ng Bibliya at kung ano ang pinaniniwalaan ng mga Kristiyano tungkol sa Diyos. Itinuturing ang teolohiya ng maraming Kristiyano na isang bagay na nagiging dahilan ng pagkakabaha-bahagi at isang bagay na dapat iwasan. Ngunit sa aktwal, dapat na nagiging sanhi ang teolohiya ng pagkakaisa! Itinuturo ng Salita ng Diyos ang katotohanan at dapat tayong magkaisa sa katotohanan. Oo nga’t may kalayaan ang bawat isa na hindi sumang-ayon sa mga hindi gaanong mahalagang katuruan ng Kristiyanong teolohiya, ngunit gayundin naman, maraming aspeto ng teolohiya and dapat na maging daan sa pagkakaisa ng mga Kristiyano. Ang isang Kristiyanong teolohiya na naaayon sa Bibliya ang tutulong sa atin upang mas lalo pang maunawaan ang Diyos, ang ating kaligtasan, at ang ating misyon sa mundong ito.

Para sa ilan, ang salitang teologo o “theologian” sa salitang ingles, ay naglalarawan sa imahe ng isang matanda na nasa loob ng isang madilim na silid at pinagaaralan ang mga inaagiw na lumang aklat, at nagtuturo ng mga bagay na malayo sa katotohanan ng tunay na buhay . Ngunit hindi ito totoo. Sinasabi sa atin sa 2 Timoteo 3:16-17 na ang Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, literal na hiningahan ng Diyos, at kagamit gamit para sa atin, dahil ito ang kumukumpleto sa atin upang maging walang anumang pagkukulang. Upang maging isang teologo ang isang tao, dapat na nasain muna niya na magkaroon ng relasyon sa Diyos upang makatagpo niya ang Manlilikha ng sansinukob at ang Kanyang Anak na si Hesu Kristo at kilalanin Siya bilang Panginoon ng kanyang buhay, upang Siya ang maging sentro ng kanyang mga naisin, pag-ibig, at kaalaman. Ang ganitong relasyon sa Diyos ay nakakaapekto sa lahat ng aspeto ng ating buhay - nagbibigay sa atin ng galak sa paghihintay sa dala nitong biyaya, pinalalakas tayo sa ating mga kahinaan, at iniingatan tayo hanggang sa katapusan ng ating buhay hanggang sa makita natin Siya ng mukhaan. Ang Kasulatan ang kuwento ng Diyos, at mas pinagaaralan natin ang Kanyang Salita, mas lalo natin Siyang nakikilala.

Narito ang iba’t ibang kategorya ng Kristiyanong teolohiya. Ang pangunawa sa sinasabi ng Bibliya sa iba’t ibang kategoryang ito ng Kristiyanong teolohiya ang susi sa paglagong espiritwal at sa pagiging mabisa sa pamumuhay Kristiyano.

Paterology/Paterolohiya — ang pagaaral tungkol sa persona at gawain ng Diyos Ama.
Christology/Kristolohiya — ang pagaaral tungkol sa persona at gawain ng Panginoong Hesu Kristo.
Pneumatology/Pneumatolohiya — ang pagaaral tungkol sa persona at gawain ng Banal na Espiritu.
Bibliology/Bibliolohiya — Ang pagaaral tungkol sa Salita ng Diyos.
Soteriology/Soteriolohiya — ang pagaaral tungkol sa kaligtasan sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo.
Christian Anthropology/Kristiyanong Antropolohiya — ang pagaaral tungkol sa kalikasan ng tao.
Hamartiology/Hamartiolohiya — ang pagaaral tungkol sa kalikasan at epekto ng kasalanan.
Angelology/Anghelolohiya — Ang pagaral tungkol sa mga anghel.
Christian Demonology/Kristiyanong demonolohiya — ang pagaaral tungkol sa mga demonyo.
Ecclesiology/Ekklesiolohiya — ang pagaaral tungkol sa kalikasan at misyon ng Iglesya.
Eschatology/Eskatolohiya — ang pagaaral tungkol sa mga kaganapan sa huling panahon/mga huling araw. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Kristiyanong teolohiya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries