settings icon
share icon
Tanong

Paano ko mapaglalabanan ang pagiging kritikal o ang pagkakaroon ng mapanuring espiritu?

Sagot


Madaling malaman ang isang taong may kritikal na espiritu. Laging nakikita ang ebidensya ng bunga nito. Ang isang taong may kritikal na espiritu ay laging nagrereklamo, may negatibong pananaw sa buhay, nagmamaktol kapag hindi nangyari ang inaasahan, laging iniisip ang kabiguan (ng iba higit sa sarili), at mapanghusga. Hindi magandang kasama ang isang taong may kritikal na espiritu; at hindi rin maganda sa pakiramdam ng isang tao ang pagkakaroon nito.

Gaya ng nakakaraming kasalanan, ang pagkakaroon ng isang kritikal na espiritu ay pagpilipit sa isang bagay na ginawang maganda ng Diyos—sa kasong ito, ang paghahangad para sa Diyos at sa Kanyang pagiging ganap. Sinasabi sa Mangangaral 3:11, “Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa tamang kapanahunan. Ang tao'y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas.” Nabubuhay tayo sa isang makasalanang kapaligiran, at lagi tayong nawawalan ng tiyaga sa paghihintay na pumasok sa isang perpektong mundo na para doon tayo orihinal na ginawa. Sa isang banda, maganda na nakikita natin kung ano ang kulang sa mundong ito; dahil ang totoo ay hindi dapat naman ganito ang mundo, o maging tayo man. Ang pagkilala sa kakulangan ng mundo ay nakatutulong sa atin para kilalanin ang pangangailangan natin ng isang Tagapagligtas. Pero ang pagkakaroon ng isang kritikal na espiritu ay maaaring bumulag sa atin para hindi makita ang biyaya at kagandahan ng Diyos na Kanyang patuloy na ipinapakita sa atin sa araw-araw. Ang isang kritikal na espiritu ay pagpilipit din sa pagkilala sa mabuti at masama. Karaniwang ang mga inaakusahan ng pagkakaroon ng kritikal na espiritu ay may balidong dahilan. Ginagamit lang nila ang kanilang mga dahilan sa isang hindi kanais-nais na paraan.

Ang kritikal na espiritu ay mapanira, na parehong ginigiba ang tagatanggap at nagbibigay ng kritisismo (Galatia 5:14-15). May babala ang Bibliya laban sa mapanghusgang espiritu. Sinasabi ni Jesus sa Mateo 7:1-2, “Huwag humatol upang hindi kayo mahatulan. Sapagkat sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo; at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.” Hindi sinasabi ni Jesus na hindi tayo dapat magsuri o dapat nating ipagwalang bahala ang makasalanang kalikasan ng mundo. Hindi din niya sinasabi na sa lahat ng pagkakataon ay hindi natin dapat husgahan o punahin ang ibang tao. Sa katotohanan, sinasabi sa atin ng Bibliya na dapat tayong humusga sa tamang paraan (Juan 7:24). Gayunman, hindi tayo dapat pumuna ng may masamang hangarin o dahil sa pagmamataas, pagpapaimbabaw, o makasariling katuwiran. Hindi natin maipagpapalagay na wala tayong kinikilingan o parehas tayo sa ating pamantayan sa iba. Natural na mapandaya ang puso ng tao (Jeremias 17:9) na siyang dahilan ng maling paghusga at hindi nararapat na paghahambing. Tanging ang Diyos lamang ang makakahatol ng perpekto (Hebreo 4:12; Santiago 4:11-12; 1 Samuel 16:7; 1 Cronica 28:9; Isaias 11:4; Pahayag 19:11). At ang ating paghatol ay balido lamang kung ito ay ayon sa ating binagong kalikasan kay Cristo (2 Corinto 2:14-16; Juan 16:13). Kung magpapasakop tayo kay Cristo, saka lamang tayo magiging tapat sa ating sarili at saka lamang makakapagpalakas sa iba ang ating paghatol sa halip na makasira.

Kaya paano natin mapaglalabanan ang isang kritikal na espiritu? Mahalaga ang kundisyon ng ating mga puso. Sinasabi sa Lukas 6:45, “Ang mabuting tao mula sa mabuting kayamanan ng kanyang puso ay nagbubunga ng kabutihan. At ang masamang tao mula sa masamang kayamanan ay nagbubunga ng kasamaan. Sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kanyang bibig.” Ang mga kritikal na salita ay nagmumula sa isang kritikal na puso. At ang isang kritikal na puso ay pangkaraniwang nagmumula sa isang maling pangunawa sa biyaya ng Diyos—kundi dahil sa pagmamamataas ay dahil sa simpleng kakulangan ng impormasyon tungkol sa karakter ng Diyos at sa kahulugan ng kaligtasan. Tanging kung nauunawaan lamang natin ang ating pagiging makasalalan ng hiwalay sa Diyos at sa lalim ng Kanyang biyaya, saka lamang nating makakayanan na iparanas ang biyaya sa iba (Roma 3:23; 6:23; Colosas 2:13-15; Efeso 2:1-10). Alam ng mga taong nakikibaka sa isang kritikal na espiritu na hindi nila kayang abutin ang kanilang sariling pamantayan. Lagi nilang hinahatulan ang iba at ang kanilang mga sarili at lagi silang nagkukulang. Ngunit pinupunan ni Jesus ang kakulangang ito! Siya ay perpekto at matuwid, at libre Niyang ipagkakaloob ang katuwirang ito sa sinumang sasampalataya sa Kanya (2 Corinto 5:21). Mas nauunawan natin ang biyaya ng Diyos, mas magiging mabiyaya tayo sa iba (1 Pedro 2:1-3), at mas magiging mapagpasalamat tayo. Ang pagiging mapagpasalamat ay mabisang panlaban sa isang kritikal na espiritu.

Ang isa pang mahalagang aspeto ng ating mga buhay ay ang ating pagiisip (Roma 12:1-2; 2 Corinto 10:5). Sa halip na ituon natin ang ating pansin sa nawawala, dapat nating isipin kung ano ang totoo, kagalang-galang, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kapuri-puri (Filipos 4:8). Hindi ito nangangahulugan na hindi natin papansinin ang kasinungalingan, kawalang katarungan, kapangitan, o kakulangan. Gayunman, hindi tayo dapat magbigay ng maraming pansin sa mga negatibo. Tinuruan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Efeso patungkol dito, “lumago tayong lahat sa kanya, na siyang ulo, samakatuwid ay si Cristo….ayon sa paggawa sa sukat ng bawat bahagi ay nagpapalaki sa katawan tungo sa ikatitibay ng sarili sa pag-ibig... Kaya't pagkatapos itakuwil ang kasinungalingan, ang bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo'y mga bahagi ng isa't isa… Lahat ng pait, galit, poot, pag-aaway, at paninirang-puri ay inyong alisin, pati lahat ng kasamaan, at maging mabait kayo sa isa't isa, mga mahabagin, nagpapatawad sa isa't isa, gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Cristo” (Efeso 4:15-16, 29, 31-32). Tiyak na magiging maganda ang bawat bagay kaysa dati, ngunit ang pag-ibig ang nagkukubli ng maraming kasamaan (Kawikaan 10:12). Pangunahin ang pagpapatawad. Bilang katawan ni Cristo, nagsasalita tayo mula sa isang pusong umiibig para mapatatag ang bawat isa. Laging nangwawasak ang isang kritikal na espiritu (Efeso 4:1-3; Galatia 6:1-5).

Makakatulong din na paalalahanan natin ang ating mga sarili na hindi natin alam ang iniisip at intensyon ng iba. May mga pagkakataon na nasasalamin sa aksyon ang motibo, pero hindi sa lahat ng pagkakataon. Bago tayo bumanggit ng isang kritikal na komento (naririnig man ng iba o sa ating sarili lamang), dapat tayong huminto at isaalang-alang ang mga posibilidad. Ang tao bang ito ay talagang hindi nagmamalasakit, o maaaring dumadaan lamang siya sa isang mahirap na sitwasyon sa buhay at nangangailangan ng biyaya? Malaki ang maitutulong ng Gintong Utos.

Winawasak ng kritikal na espiritu ang mga tao sa ating paligid at ninanakawan natin ang ating mga sarili ng kasiyahan sa buhay. Kung sobra tayong nagiging kritikal, hindi natin nakikita ang kagandahan na inilagay ng Diyos sa mundong ito. Hindi natin mapapansin ang maliliit na mga pagpapala, at tumitigil tayo sa pagpapasalamat. Ang paglaban sa isang kritikal na espiritu ay nangangailangan ng pagpapasalamat, kahandaang magpatawad, at ng tamang pangunawa sa biyaya ng Diyos (ito ay libre!), isang sinasadyang muling pagtutuon ng ating isip at pagtatalaga sa sarili na ibahagi ang katotohanan sa pag-ibig. Ang pagwawagi laban sa isang kritikal na espiritu ay isang bagay ng pagpapaging banal, at nananahan sa atin ang Banal na Espiritu na tumutulong sa atin para pagtagumpayan ito (2 Tesalonica 2:13). Habang nagpapasakop tayo sa Diyos, nagbabasa ng Kanyang Salita, at nananalangin para sa Kanyang biyaya, makikita natin na isusuko ng ating kritikal na espiritu ang kontrol sa Banal na Espiritu ni Cristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko mapaglalabanan ang pagiging kritikal o ang pagkakaroon ng mapanuring espiritu?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries