Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kumpetisyon ng magkapatid?
Sagot
Ang kumpetisyon sa pagitan ng magkapatid ay nagumpisa sa paguumpisa pa lamang ng panahon, sa unang dalawang magkapatid na binanggit sa Kasulatan, sina Cain at Abel. Makikita din natin ang kumpetisyon sa pagitan ng magkapatid sa buhay nina Ismael at Isaac, Jacob at Esau, Leah at Raquel, maging sa buhay ni Jose at ng kanyang mga kapatid, at ni Abimelec at ng kanyang mga kapatid. Sa bawat pangyayari, ang kumpetisyon ay nagwakas sa makasalanang aksyon ng isa o marami sa magkakapatid.
Nais ng Diyos na mamuhay ang magkakapatid sa pagkakaisa at pag-ibig sa bawat isa (Awit 133:1). Ginamit ang pag-ibig sa kapatid bilang halimbawa kung paanong dapat na ituring ng mga mananampalataya ang isa't isa (Hebreo 13:1; 1 Pedro 3:8). Gayunman, alam natin na hindi tayo namumuhay sa paraang nararapat kaya't nagkakaroon ng kumpetisyon. Nagtatalo at nagaaway ang magkakapatid, at nagsisinungaling sa isa't isa at may panahon na lubhang pangit ang pagtrato sa isa't isa.
Ang isa sa mga gawain ng mga magulang ay palakihin ang kanilang mga anak na kagaya ni Kristo, at dapat nating suriin kung bakit sinabi ni Kristo na mahalaga ang pagtrato natin sa isa't isa at ang pagtrato natin sa iba.
Sinabi ni Jesus na ang dalawa sa pinakamahalagang utos ay ang ibigin ang Diyos ng higit sa lahat at ibigin ang kapwa na gaya ng sarili (Mateo 22:36–40). Alam natin na ang tinutukoy ni Jesus na ating kapwa ay ang mga taong malapit sa atin at wala ng lalapit pa sa atin kaysa sa atin mismong mga kapatid. Dapat na maging isang lugar ang ating tahanan kung saan natututo tayong ibigin ang isa't isa. "Ang pag-ibig ay pumapawi sa lahat ng kasalanan" (Kawikaan 10:12), maging ang mga makasalanang dahilan ng kumpetisyon ng magkakapatid.
Maaaring ang dahilan ng kumpetisyon sa magkakapatid ay selos o inggit, pagkamakasarili, at paboritismo ng magulang (nalalaman man nila o hindi). Ang pagseselos ni Cain kay Abel dahil sa pagtanggap ng Diyos sa handog ni Abel ang naging sanhi ng kumpetisyon sa pagitan nila (Genesis 4:3–5). Ang kagustuhan ni Abimelec na mamuno bilang hari ang naging dahilan ng madugong kumpetisyon ng magkakapatid sa pamilya ni Gideon (Hukom 9:1–6). Ang kumpetisyon naman ng mga anak ni Jacob ay bunga ng pagtatangi ni Jacob sa kanyang anak na si Jose (Genesis 37:3–4).
Maaaring malabanan ang mga dahilan ng kumpetisyon ng magkakapatid sa pamamagitan ng kabutihan, paggalang, at siyempre, ng pag-ibig (1 Corinto 13:4–7). Dapat na turuan ng mga magulang ang mga anak na tratuhin ang bawat isa ng may kabutihan, paggalang at pag-ibig – at dapat na ipamuhay din ito nila mismo.
Itinuturo ng Kasulatan kung paano tayo makikipagugnayan sa bawat isa. Tinalakay sa Efeso 4:31–32 ang ilang negatibong paguugali na dapat na iwasan at ang mga positibong paguugali na dapat na linangin: "Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo." Gayundin, makatutulong ang sinasabi sa Filipos 2:3–4: "Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili."
Kinapapalooban ang kuwento tungkol kay Jose at ng kanyang mga kapatid ng kumpetisyon dahil sa pagseselos, poot at mga kalunos-lunos na pangyayari sa buhay ni Jose. Ngunit maganda ang naging pagtatapos ng kwento. Sa katunayan, ang kuwento ni Jose ay naging kwento ng pag-ibig sa kapatid, pagpapatawad, at walang hanggang kapamahalaan at kabutihan ng Diyos (tingnan ang Genesis 37–50). Ang pagtrato ni Jose sa kanyang mga kapatid sa huling kabanata ng aklat ng Genesis ay isang magandang halimbawa ng kabutihan, kapakumbababaan at pag-ibig sa mga kapatid.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kumpetisyon ng magkapatid?