settings icon
share icon
Tanong

May mga kundisyon ba para sagutin ng Diyos ang aking mga panalangin?

Sagot


May mga tao na ayaw sa panalanging may kundisyon. Ngunit ang katotohanan, ayon sa Bibliya, may mga kundisyon sa panalangin. Totoong sinabi ni Hesus na, “Anumang hingin ninyo sa panalangin ay tatanggapin ninyo kung nananalig kayo” (Mateo 21:22). Ngunit, kahit sa pananalitang ito, may isang kundsiyon tayong makikita sa panalangin: ang pananampalataya. Kung susuriin natin ang Bibliya, makikita natin na may iba pang mga kundisyon sa panalangin.

Narito ang sampung katuruan ng Bibliya patungkol sa panalangin na nagpapahiwatig ng mga kundisyon:

1) Manalangin tayo sa Ama sa langit (tingnan ang Mateo 6:9). Hindi na kailangan pang ipaliwanag ang kundisyon sa panalangin na isinasaad ng talatang ito, ngunit ito’y napakahalaga. Hindi tayo dapat manalangin sa mga diyus-diyusan, sa ating sarili o sa ating kapwa tao, sa mga anghel, kay Buddha o kay Birheng Maria. Nananalangin tayo sa Diyos ng Bibliya na ipinakilala ang Kanyang sarili sa pamamagitan ni Hesu Kristo na Siyang nagbigay sa atin ng Kanyang Espiritu. Ipinapahiwatig ng paglapit sa ating “Ama” na tayo ay Kanyang mga anak — sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo (tingnan ang Juan 1:12).

2) Manalangin tayo para sa mabubuting bagay (tingnan ang Mateo 7:11). Hindi natin laging mauunawaan o malalaman sa lahat ng oras kung ano ang mabuti, ngunit alam ito ng Diyos, at nais Niyang ibigay ang pinakamabuting mga bagay sa Kanyang mga anak. Tatlong beses na idinalangin ni Pablo na pagalingin siya ng Diyos sa isang karamdaman, ngunit sa bawat panalangin, hindi ang sagot sa kanya ng Diyos. Bakit hindi pinagaling si Pablo ng mabuting Diyos? Dahil may mas magandang bagay ang Diyos para kay Pablo, at ito ay ang buhay na ipinamumuhay ayon sa biyaya ng Diyos. Tumigil si Pablo sa pananalangin para sa kagalingan at nagsimula siyang magalak sa kanyang kahinaan (2 Corinto 12:7–10).

3) Manalangin tayo para sa ating mga pangangailangan (tingnan ang Filipos 4:19). Ang pagbibigay ng prayoridad sa kaharian ng Diyos ang isa sa mga kundisyon sa panalangin (Mateo 6:33). Ang pangako ay ang pagkakaloob ng Diyos sa ating mga pangangailangan hindi para sa ating kapritso. May pagkakaiba sa pangangailangan at kagustuhan lamang.

4) Manalangin tayo ng may malinis na puso (tingnan ang Santiago 5:16). Itinuturo ng Bibliya na ang pagkakaroon ng isang malinis na konsensya ay isang kundisyon sa isang sinasagot na panalangin (Hebreo 10:22). Mahalaga na lagi nating ipinapahayag sa Diyos ang ating mga kasalanan. “Kung sa kasalanan ako'y magpatuloy, di sana ako dininig ng ating Panginoon” (Awit 66:18).

5) Manalangin tayo mula sa isang pusong puno ng pasasalamat (tingnan ang Filipos 4:6). Sangkap ng panalangin ang pasasalamat sa lahat ng ginagawa ng Diyos sa ating mga buhay.

6) Manalangin tayo ayon sa kalooban ng Diyos (tingnan ang 1 Juan 5:14). Ang isang mahalagang kundisyon sa panalangin ay ang pananalangin ayon sa kalooban ng Diyos. Sa ganitong paraaan nanalangin si Hesus sa tuwina, kahit na sa hardin ng Getsemane bago Siya ipako sa krus: “Hindi ang Aking kalooban kundi ang kalooban Mo ang masunod” (Lukas 22:42). Maaari nating idalangin ang lahat ng ating gustong idalangin, ng may buong katapatan at pananampalataya para sa XYZ, ngunit kung ang kalooban ng Diyos para sa atin ay ABC, ang huli ang dapat nating ipanalangin.

7) Manalangin tayo sa awtoridad ni Hesu Kristo (tingnan ang Juan 16:24). Si Hesus ang dahilan kung bakit tayo nakakalapit sa trono ng biyaya ng Diyos Ama (Hebreo 10:19–22), at Siya ang ating tagapamagitan sa Kanya (1 Timoteo 2:5). Isang kundisyon sa panalangin ang manalangin tayo sa Kanyang pangalan.

8) Manalangin tayo ng buong tiyaga (tingnan ang Lukas 18:1). Sa katotohanan, dapat manalangin ng walang humpay (1 Tesalonica 5:17). Ang isa sa mga kundisyon ng epektibong panalangin ay hindi pagsuko sa panalangin.

9) Manalangin tayo hindi lamang para sa ating sariling kapakinabangan (tingnan ang Santiago 4:3). Mahalaga ang ating mga motibo sa ating pananalangin.

10) Manalangin tayo ng may pananampalataya (tingnan ang Santiago 1:6). Kung walang pananampalataya, imposible na bigyang kaluguran ang Diyos (Hebreo 11:6), na Siyang tanging nakagagawa ng mga imposible (Lukas 1:37). Bakit pa tayo mananalangin kung wala rin lang pananampalataya?

Ang panalangin ni Josue na tumigil ang araw, kahit gaano pa napakamapangahas, ay nakapasa sa mga kundisyon ng panalangin (Josue 10:12–14). Gayundin ang panalangin ni Elias na huwag umulan - at pagkatapos ay ang kanyang panalangin na pumatak na ang ulan (Santiago 5:17–18). Ang panalangin ni Hesus habang nakatayo sa labas ng libingan ni Lazaro ay nakapasa rin sa mga kundisyon sa panalangin (Juan 11:41). Nanalangin silang lahat sa Diyos, ayon sa Kanyang kalooban, para sa mabuti at mga bagay na kailangan, ng may pananampalataya.

Ang mga halimbawa ni Josue, Elias, at Hesus ay nagtuturo sa atin na kung ang ating mga panalangin ay naaayon sa walang hanggang kapamahalaan ng Diyos, magaganap ang mga kahanga-hangang bagay. Hindi kayang mahadlangan ng bundok ang panalangin dahil maaari silang matinag (Markos 11:23). Ang kahirapan sa panalangin ay ang pag-alam sa kalooban ng Diyos para sa atin at pag-ayon sa ating mga panalangin ayon sa Kanyang kalooban. Ang ating layunin ay ipagkasundo ang ating mga dalangin sa kalooban ng Diyos. Dapat nating naisin kung ano ang Kanyang nais ng walang labis, walang kulang. At hindi natin dapat nasain ang hindi Niya nais.

May mga kundisyon ang panalangin at inaanyayahan tayo ng Diyos na manalangin. Kailan tayo maaaring manalangin para sa malalaking bagay? Kung naniniwala tayo na nais ng Diyos para sa atin ang malaking bagay na iyon. Kailan tayo maaaring manalangin ng mapangahas? Kung naniniwala tayo na nais ng Diyos sa atin na manalangin para sa mga bagay na mapangahas. Kailan tayo dapat manalangin? Sa lahat ng oras.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

May mga kundisyon ba para sagutin ng Diyos ang aking mga panalangin?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries