Tanong
Kung alam ng Diyos na magkakasala sina Eba at Adan, bakit nilikha pa niya ang mga ito?
Sagot
Sinasabi sa Biblia na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay--at ang tao--para sa kanyang sarili. Siya ay naluluwalhati sa kanyang mga nilikha. "Sapagkat ang lahat ng bagay ay mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen" (Roma 11:36).
Mahirap isipin na ang pagkahulog nina Eba at Adan sa kasalanan ay nagkakapagbigay ng luwalhati sa Diyos. Sa katunayan ay may mga nagtataka at nagtatanong kung bakit nilikha pa sila ng Diyos gayong alam na niya noon pa man na magkakasala ang mga ito.
Sinasabi sa Awit 139:1-6 na alam ng Diyos ang lahat ng bagay at nalalaman niya ang hinaharap (Isaias 46:10). Kaya't tiyak na alam niyang sina Adan at Eba ay magkakasala. Subalit, nilikha sila ng Diyos na may malayang pagpapasya at iyon ay maaari nilang gamitin upang magpasyang magkasala.
Tandaan nating mabuti na ang pagkakasala ni Adan at Eba ay hindi gawa ng Diyos. Hindi ang Diyos ang may akda ng kasalanan o kaya'y tinukso niya ang tao upang sila'y magkasala (Santiago 1:13). Gayon pa man, ang pagkakasala ay nagsilbing kasangkapan ng Diyos sa pangkalahatang plano ng kanyang pagliligtas sa sangkatauhan.
Kung isasaalang-alang natin ang tinatawag ng mga teologo na "meta-narrative" (kabuuang kuwento) ng Banal na Kasulatan, ito ay nahahati sa tatlong pangunahing bahagi: 1) Ang paraiso (Genesis 1-2; 2) Ang pagkawala ng paraiso (Genesis 3 -Pahayag 20); at 3) Muling pagbabalik ng paraiso (Pahayag 21---22). Sa kabuuan, ang pinakamalaking bahagi ng kuwento ay iniukol sa pagbabago ng kalagayan mula sa nawalang paraiso hanggang sa paraisong naibalik at ang nasa sentro nito ay ang krus ni Cristo na nakaplano na sa mula't mula pa (Gawa 2:23).
Kung babasahin natin ng mabuti ang Banal na Kasulatan, dadalhin tayo nito sa mga sumusunod na konklusyon:
1. Ang pagkahulog ng tao sa kasalanan ay alam na ng Diyos noon pa man.
2. Ang pagpapako kay Cristo sa krus at ang gagawing pagtubos sa mga hinirang ay itinakda na ng Diyos.
3. Lahat ng tao ay magbibigay luwalhati sa Diyos (Awit 86:9), at ang layunin ng Diyos ay "tipunin ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa at ipailalim kay Cristo" (Efeso 1:10).
Ang layunin ng Diyos ay lumikha ng daigdig kung saan mahahayag ang kanyang buong kaluwalhatian. Kaya't kung ganoon, ang kabuuang plano ng Diyos ay nakatuon sa kanyang kaluwalhatian at sa katunayan ay ito ang layunin niya sa lahat ng bagay na kanyang ginagawa. Nakasaad sa Awit 19:1 na nilikha Niya ang kalawakan upang maghayag ng kanyang kaluwalhatian. Ngunit ang poot ng Diyos ay nahahayag rin sa mga hindi nagbibigay luwalhati sa kanya (Roma 1:18-25). Makikita natin na ang ating daigdig ang pinakamahusay na kapahayagan ng kaluwalhatian ng Diyos--ito ang sanlibutan na pinahintulutan niyang mahulog sa pagkakasala, ang sanlibutan na kanyang tinubos, at ang sanlibutan na kanyang ibabalik sa orihinal na perpektong kalagayan nito.
Gayon din naman, ang poot at habag ng Diyos ay nagpapahayag ng kasaganaan ng kanyang kaluwalhatian. Subalit hindi natin malalaman at mararanasan ang alinman sa dalawang ito (poot at habag) kung walang pagkakasala ang sangkatauhan. Hindi natin makikilala o mauunawaan ang kagandahang loob kung hindi tayo nangangailangan nito. Kaya nga, masasabi natin na ang lahat ng plano ng Diyos--kabilang ang pagkakasala, paghirang, pagtubos, at pagbabayad sa sala ng sangkatauhan---ay nagsilbing kasangkapan niya upang Siya ay maluwalhati. Makikita rin naman ang habag ng Diyos sa kanyang pagtitimpi dahil hindi niya agad pinupuksa ang mga taong nagkasala sa kanya. Agad din niyang ipinakita ang kanyang kagandahang-loob ng Siya ay gumawa ng paraan upang matakpan ang kahihiyan ng tao (Genesis 3:21). At makikitang patuloy na nahahayag ang pagtitimpi ng Diyos habang patuloy na nagkakasala ang tao. Ngunit nahayag ang kanyang poot nang magpadala Siya ng baha, at kalakip nito ay ipinakita rin naman Niya ang kanyang habag at kagandahang loob nang kanyang iligtas ang sambahayan ni Noe. Ngunit, muling ipapakita ng Diyos ang kanyang poot at ganap na katarungan sa hinaharap kapag hinatulan na niya si Satanas (Pahayag 20:7-10).
Gayon pa man, makikita natin na ang kaluwalhatian ng Diyos ay nahahayag din sa pamamagitan ng kanyang pag-ibig (1 Juan 4:16), at nauunawaan natin ang pag-ibig na ito sa pamamagitan ng Persona at pagliligtas na ginawa ni Jesu Cristo sa makasalanang sanlibutan. "Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin ng isugo niya sa mundo ang kanyang kaisa-isang Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya" (1Juan 4:9). Marahil ay hindi natin malalaman kung ano ang pag-ibig kung si Eba at Adan ay nilikha ng Diyos na walang kakayahang magpasyang magkasala at ginawa lamang silang tulad sa robot na walang malayang pagpapasya.
Ang pinakasukdulan ng pagpapakita ng Diyos ng kanyang kaluwalhatian ay doon sa krus kung saan nagtagpo ang kanyang poot, katarungan, at habag. Ang makatarungang paghatol ng Diyos sa kasalanan ay isinakatuparan doon sa krus at ang kanyang kagandahang loob naman ay nahayag sa pananalita ng kanyang Anak, "Ama, patawarin mo sila" (Lucas 23:34). Ang pag-ibig at kagandahang loob ng Diyos ay kanyang ipinakita sa kanyang mga iniligtas (Juan 3:16; Efeso 2:8-10). At sa huli, ang Diyos ay maluluwalhati dahil ang kanyang mga hinirang ay sasamba sa kanya sa walang hanggan kasama ng mga anghel, at maluluwalhati rin Siya sa pamamagitan ng masasama dahil ang kanyang pagiging matuwid ang magdudulot ng walang hanggang parusa sa mga makasalanang hindi nagsisi (Filipos 2:11). Tunay ngang hindi natin malalaman ang katarungan, kagandahang-loob, habag, at pag-ibig ng Diyos kung hindi nagkasala sina Eba at Adan.
Subalit may mga tumututol at nagsasabi na ang pagtatakda ng Diyos sa pagkakasala ay sumira sa kalayaan ng tao. Ibig sabihin, paano raw magkakaroon ng pananagutan ang tao sa kanyang ginawang kasalanan kung alam ng Diyos na bago pa niya likhain ang tao ay mahuhulog sila sa pagkakasala? Ang pinakamagandang sagot sa tanong na ito ay mababasa sa Kapahayagan ng Pananampalataya ng Westminster (Westminster Confession of Faith) sinasabi doon: "Ang Diyos na walang hanggan, ayon sa Kanyang dakilang karunungan at banal na nasa ng kanyang kalooban, ay malaya, at walang pagbabagong nagtakda ng anumang maaaring maganap; Ganoon pa man, hindi nangangahulugang ang Diyos ang may akda ng kasalanan, o nag alok man ng karahasan sa kanyang nilikha, o kaya'y kanyang inalis ang pangalawang sanhi (kalayaan ng sariling pagpapasya) sa halip, ito'y kanyang pinanatili" (WFC, III.1)
Ibig sabihin ay itinakda ng Diyos na maganap ang mga pangyayari sa hinaharap sa paraan na ang kalayaan at pagkilos ng pangalawang sanhi (halimbawa: batas ng kalikasan) ay nananatili. Ang tawag ng mga Teologo dito ay "koordinasyon" na nagpapahiwatig na ang walang hanggang kalooban ng Diyos ay dumadaloy o kumikilos na may koordinasyon sa ating malayang pagpili at nagbubunga sa katuparan ng kalooban ng Diyos (ang pagkakaroon ng "kalayaan" ay nangangahulugan na ang ating pagpili at pagpapasya ay hindi pinilit at hindi tayo pumili dahil sa panlabas na impluwensya). Ito'y kumplikadong interaksyon ng mga pagpapasya at pagpili, ngunit kaya itong pamahalaan ng Diyos gaano man ito kakumplikado.
Kaya't kahit alam na ng Diyos na magkakasala sina Adan at Eba ay nilikha pa rin niya ang mga ito ayon sa kanyang wangis upang magbigay ng luwalhati sa Kanya. Binigyan Niya sila ng kalayaan, at kahit pinasya nilang sumuway, ito ang naging kasangkapan upang ang layunin ng Diyos ay maisakatuparan at sa pamamagitan nito ay mahahayag at masasaksihan ang kanyang buong kaluwalhatian.
English
Kung alam ng Diyos na magkakasala sina Eba at Adan, bakit nilikha pa niya ang mga ito?