settings icon
share icon
Tanong

Kung alam ng Diyos na magrerebelde laban sa Kanya si Adan at Eba bakit pa Niya sila nilikha?

Sagot


Ito ay isang katanungan na may dawalang bahagi. Ang unang bahagi ay, “Kung alam ng Diyos na magrerebelde laban sa Kanya si Adan at Eba bakit pa Niya sila nilikha?” Ang sagot ay matatagpuan sa katuruan ng Bibliya tungkol sa walang hanggang kaalaman ng Diyos. Itinuturo ng Kasulatan na ang Diyos ay omnisyente o literal na nangangahulugan na “nakakaalam ng lahat ng mga bagay.” Walang pagdududang sinasabi sa Job 37:16; Awit 139:2-4, 147:5; Kawikaan 5:21; Isaias 46:9-10; at 1 Juan 3:19-20 na walang hanggan ang kaalaman ng Diyos at alam Niya ang lahat ng mga bagay sa nakaraan sa kasalukuyan at sa darating.

Mapapansin ang mga “pinaka” sa mga talatang ito: “perpekto ang kaalaman,” “ang Kanyang pang-unawa ay walang hanggan,”“alam Niya ang lahat ng mga bagay,” maliwanag na ang kaalaman ng Diyos ay hindi lamang nakahihigit sa atin, sa halip ito ay kakaiba at napakataas kumpara sa atin. Alam Niya ang kabuuan ng lahat ng mga bagay. Idineklara sa Isaias 46:10 na hindi lamang Niya nalalaman ang lahat ng mga bagay kundi Siya rin ang may hawak at may ganap na kontrol sa lahat ng mga bagay. Paano Niya ipaaalam sa atin ang mangyayari sa hinaharap kung hindi rin Siya ang may kontrol sa lahat ng magaganap? Kaya, alam ba ng Diyos na magkakasala si Adan at Eba? Alam ba Niya na magrerebelde si Lucifer laban sa Kanya at magigi siyang si Satanas? Oo. Kung hindi perpekto ang kaalaman ng Diyos, may kakulangan ang Kanyang kalikasan. Ang anumang kakulangan sa kalikasan ng Diyos ay nangangahulugan na hindi Siya maaaring maging Diyos, dahil ang mismong kalikasan ng Diyos ay nangangailangan ng pagiging perpekto sa lahat Niyang katangian. Kaya nga ang sagot sa unang tanong ay “Oo.” Alam ng Diyos na magrerebelde laban sa Kanya si Adan at Eba.

Ang ikalawang bahagi ng katanungan ay ito: “Bakit nilikha ng Diyos si Satanas at si Adan at Eba gayong alam Niya na sila ay magrerebelde sa Kanya?” Ang tanong na ito ay nakakalito dahil itinatanong natin ang “dahilan” ng Diyos na kadalasan ay hindi binibigyan ng komprehensibong sagot ng Bibliya. Sa kabila nito, maaari tayong magkaroon ng isang limitadong pangunawa sa sagot sa katanungang ito kung susuriin natin ang ilang mga talata sa Bibliya. Una, nakita natin na ang Diyos ay may walang hanggang kaalaman at walang anumang magaganap na hindi Niya alam at itinakdang maganap. Kaya kung alam ng Diyos na magrerebelde sa Kanya si Satanas at magkakasala si Adan at Eba, ngunit nilikha pa rin Niya sila sa kabila ng lahat, ito'y nangangahulugan na ang pagbagsak sa kasalanan ng sangkatauhan ay bahagi ng walang hanggang plano ng Diyos mula sa umpisa. Ito lamang ang sagot na makakapagbigay ng hustisya sa nasabing katanungan.

Ngayon, huwag nating akalain na ang pagbagsak ni Adan at Eba sa kasalanan ay nangangahulugan na ang Diyos ang may akda o pinanggalingan ng kasalanan, o akalain man na Siya ang nanukso kay Adan at Eba para sila magkasala (Santiago 1:13). Ang pagbagsak ng tao sa kasalanan ay kasama sa pangkalahatang plano ng Diyos sa kanyang paglikha sa tao at sa buong sangnilikha. Muli, ito ang dahilan dahilan kung hindi, hindi magaganap ang pagbagsak ng sangkatauhan sa kasalanan.

Kung isasaalang alang natin ang tinatawag ng mga teologo na “meta-narrative” o pangkalahatang kuwento ng Kasulatan, makikita natin na ang kasaysayan ng Bibliya ay maaaring hatiin sa tatlong pangunahing bahagi: 1) ang paraiso (Genesis 1:2); 2) ang nawalang paraiso (Genesis 3 - Pahayag 20); at 3) ang nabawing paraiso (Pahayag 21:22). Ang kalakhang bahagi ng kuwento ay inilaan mula sa nawalang paraiso at nabawing paraiso. Ang sentro sa kuwentong ito ay ang krus. Ang krus ay nakaplano na mula pa sa simula (Gawa 2:23). Kinilala at itinalaga ng Diyos na si Hesus ay tutungo sa Krus at ibibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami (Mateo 20:28) - sa lahat ng mga hinirang na itinalaga ng Diyos upang Kanyang maging mga anak (Efeso 1:4-5).

Kung babasahin ng maingat ang Kasulatan at uunawaing mabuti ang aming mga binanggit sa itaas, darating tayo sa mga sumusunod na konklusyon:

1. Ang rebelyon ni Satanas at ang pagbagsak ng tao sa kasalanan ay alam at itinalaga ng Diyos.

2. Ang mga magiging anak ng Diyos, ang mga hinirang ay kilala na at itinalaga na ng Diyos upang maligtas.

3. Ang pagpako kay Kristo sa Krus, para sa katubusan ng mga hinirang ay alam na at itinalaga na ng Diyos.

Kaya, ito ang mga natitirang katanungan: bakit lilikhain ng Diyos ang sangkatauhan gayong alam na Niya ang tungkol sa pagbagsak ng tao sa kasalanan? Bakit lilikhain niya ang tao kung alam Niya na “ilan” lamang ang maliligtas? Bakit Niya kailangang ipadala si Hesus upang mamatay para sa mga tao na alam Niyang babagsak sa kasalanan? Napakahirap nga itong maunawaan ng karaniwang tao na hindi pinananahanan ng Espiritu. Ang salaysay ng Bibliya ay naguumpisa mula sa paraiso, hanggang sa nawalang paraiso at nagtapos sa nabawing paraiso, ang tanong, bakit hindi na lang ginawa ng Diyos na hadlangan ang pagkakasala ni Satanas o ni Adan at Eba ng hindi na nawala at kailangang bawiin pa ang paraiso?

Ang tanging konklusyon na ating makikita sa mga obserbasyon sa itaas ay ito: layunin ng Diyos na lumikha ng isang mundo kung saan nais Niyang mahayag ng buo ang Kanyang kaluwalhatian. Ang kaluwalhatian ng Diyos ang pinakapangunahing layunin ng paglikha ng Diyos. Sa katotohanan, ito ang pinakapangunahing layunin ng Diyos sa lahat ng kanyang ginagawa. Ang kalangitan ay ginawa Niya upang ihayag sa tao ang Kanyang kaluwalhatian (Awit 19:1), at ang poot ng Diyos ay nahayag laban sa mga hindi kumikilala sa kaluwalhatian ng Diyos (Roman 1:23). Ang ating kasalanan ang dahilan upang hindi tayo maging karapatdapat sa harapan ng Diyos (Roma 3:23), at sa Bagong Langit at Bagong Lupa, ang kaluwalhatian ng Diyos ang magbibigay sa atin ng liwanag (Pahayag 21:23). Ang kaluwalhatian ng Diyos ay perpektong nahahayag sa kanyang mga katangian at ang kasaysayan ng katubusan ay bahagi ng kanyang plano na ipamalas ang Kanyang kaluwalhatian sa lahat ng nilalang.

Ang mga talata na malinaw na nagpapakita ng katotohanang ito ay ang Roma 9:19-24. Ipinakikita ng poot at kahabagan ng Diyos ang kayamanan ng Kanyang kaluwalhatian at hindi ito mauunawaan kung hindi Niya pinahintulutan ang pagbagsak ng tao sa kasalanan. Kaya nga, ang layunin ng lahat ng mga kaganapang ito; ang pagkakasala ng tao, ang pagpili sa mga hinirang, ang katubusan, at kapatawaran ay ang kaluwalhatian ng Diyos. Nang magkasala ang tao, agad na nahayag ang habag ng Diyos ng hindi sila agad pinatay ng Diyos. Ang pagtitimpi at katiyagaan ng Diyos ay nahayag din naman sa tao sa malalim na pagkakasala bago ang pandaigdigang baha noong panahon ni Noe. Nahayag naman ang hustisya at poot ng Diyos ng hatulan Niya ang tao sa pamamgitan ng baha ngunit nahayag din ang kanyang awa at habag ng Kanyang iligtas si Noe at ang kanyang pamilya. Ang poot at katarungan ng Diyos ay muling ganap na mahahayag sa hinaharap sa Kanyang paggapi ng lubusan at minsanan kay Satanas (Pahayag 20:7-10).

Ang pinakamagandang pagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ay doon sa Krus kung saan nagtagpo ang kanyang poot, katarungan at kahabagan. Ang makatarungang hatol ng Diyos sa sa kasalanan ay Kanyang isinakatuparan doon sa krus, at ang biyaya ng ng Diyos ay nahayag sa pagbubuhos ng Kanyang poot sa Kanyang Anak na si Hesus sa halip na sa atin. Ang pag-ibig at biyaya ng Diyos ay nahayag sa Kanyang mga iniligtas (Juan 3:16; Efeso 2:8-9). Sa huli, ang Diyos ay luluwalhatiin ng Kanyang mga hinirang sa pamamagitan ng pagpupuri sa Kanya sa walang hanggan kasama ang mga angheI. Ang kaluwalhatian naman ng Diyos ay mahahayag sa mga masasama habang nararanasan nila ang hustisya at katuwiran ng Diyos sa walang hanggang kaparusahan sa impiyerno para sa mga hindi nagsising makasalanan (Filipos 2:11). Hindi magaganap ang lahat ng ito kung hindi pinahintulutan ng Diyos ang pagrerebelde ni Satanas at ang pagbagsak ni Adan at Eba sa kasalanan.

Ang isang klasikong pagtutol sa posisyong ito ay winawasak diumano ng kaalaman at pagtatalaga ng Diyos sa lahat ng magaganap ang kalayaan ng tao. Sa ibang salita, kung nilikha ng Diyos ang tao na may buong kaalaman sa napipintong pagkahulog ng tao sa kasalanan, paano magiging responsable ang tao sa kanyang kasalanan? Ang pinakamagandang sagot sa tanong na ito ay matatagpuan sa ikatlong kabanata ng Westminster Confession of Faith:

“Ang Diyos, mula sa walang hanggan, ay ginawa, sa pamamagitan ng kanyang pinakamaalam at banal na kalooban at itinakda ng malaya at hindi mababago ang lahat ng magaganap; ngunit, hindi ang Diyos ang may akda o pinagmulan ng kasalanan, o inialok man Niya ang kasamaan sa kalooban ng nilalang; o inalis ang kalayaan ng tao at ang mga pangalawang sanhi, kundi sa halip Kanya itong itinatag” (WFC, III.1).

Ang Diyos ang nagtakda ng lahat ng magaganap sa hinaharap sa isang kaparaanan na ang ating kalayaan (free will) at ang mga pangalawang sanhi (gaya ng batas ng kalikasan) ay Kanyang pinananatili. Tinatawag ito ng mga teologo na “concurrence” o pagiging kasang-ayon. Ang walang hanggang kalooban ng Diyos ay dumadaloy na kasang-ayon ng ating malayang pagpili (free choice) sa isang paraan na ang ating malayang pagpili ay laging resulta ng pagsasakatuparan Niya ng kanyang walang hanggang kalooban (ang ibig sabihin namin sa malayang pagpili ay hindi tayo ginawang robot ng Diyos o sapilitan tayong pinagawa ng Diyos ng isang bagay sa pamamagitan ng panlabas na impluwensiya kundi ang pagpili at paggawa natin ay ayon talaga sa ating malayang kalooban at pagpapasya o free will).

Sa pagbubuod, alam ng Diyos na magrerebelde sa Kanya si Satanas at magkakasala si Adan at Eba sa Hardin ng Eden. Sa kabila ng kaalamang ito ng Diyos, nilikha pa rin Niya si Lucifer at si Adan at Eba dahil ang paglikha sa kanila at pagtatakda ng pagbagsak nila sa kasalanan ay bahagi ng Kanyang walang hanggang plano upang ihayag ang Kanyang buong kaluwalhatian sa sangnilikha. Kahit na alam na at itinakda ng Diyos ang napipintong pagkakasala ni Adan at Eba ang ating kalayaang pumili ay hindi inalis o sinagkaan man dahil mismong ang ating malayang pagpili ang kasangkapan ng Diyos upang ganapin ang Kanyang walang hanggang kalooban.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kung alam ng Diyos na magrerebelde laban sa Kanya si Adan at Eba bakit pa Niya sila nilikha?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries