Tanong
Ano sa akin kung mayroong Diyos?
Sagot
Napakaraming iba’t ibang pananaw hindi lamang sa kalikasan ng Diyos kundi maging sa pagkakaroon ng Diyos. Limitado ang pananaw ng tao sa maselang kalikasan ng mismong pag-iral natin sa ating mundong ginagalawan at ng sangnilikha sa pangkalahatan. Sa kabaliktaran, ang kalikasan ng Diyos ay hindi kaguluhan kundi kapayapaan. Sinasabi sa 1 Corinto 14:33, “Sapagka't ang Dios ay hindi Dios ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” Ang susi sa pagtatagumpay laban sa kalituhan ay hindi ang pag-iwas sa mga tanong, kundi sa pagtuon ng atensyon sa mismong Diyos na pinipiling tanggihan ng marami (Filipos 4:6–7).
Dapat nating bigyang pansin ang mga totoo at konkretong suliranin na kinakaharap ng sangkatuhan, gaya ng kahirapan, kamangmangan, at sakit, at totoo na ang debate tungkol sa kalikasan at pagkakaroon ng Diyos ay maaaring umagaw sa ating atensyon sa pagtutok sa mga hamong ito sa sangkatauhan. Kaya, ano para sa bawat isa sa atin kung wala o mayroong Diyos? Para sa mananampalataya, ito ay isang katanungang panteolohiya higit sa lahat. Para sa mga hindi pa kumbinsido, ito’y nananatiling isang isyung pisolopikal. Para sa mga nagdududa sa Diyos, isa lamang itong imbensyon ng tao at ang usapin tungkol sa pagkakaroon ng Diyos ay walang patutunguhan.
Ang presentasyon ng Bibliya tungkol sa Diyos ay nagpapakita na ang pagkakaroon ng Diyos ay isang napakahalagang bagay. Ipinapakita ng Bibliya na ang banal na kalikasan ng Diyos ay salungat sa makasalanang kalikasan ng tao at ibinibigay dito ang pamantayan sa mabuti at masama. Kung walang pamantayan, wala tayong awtoridad na pagbabasehan ng ating pagpapahalaga sa mga bagay bagay sa ating buhay (Awit 19:7–11). Sino ang makakapagsabi kung ang isang bagay ay tama at ang isang bagay ay mali? Bakit normal para sa atin na tumulong sa nangangailangan? Ano ang ating awtoridad sa pagtanggi sa kamangmangan? Kung walang Diyos at kung ang buhay sa mundo ay simpleng “tagumpay ng malalakas laban sa mahihina,” bakit kailangang magtrabaho ang sinuman para pakainin ang mga nagugutom? Sa kaninong pamantayan natin itatatag ang pundasyon ng moralidad?
Ipinahayag sa atin ng Diyos ang Kanyang esensya: “Ako si AKO NGA” (tingnan ang Exodo 3:3-15). Ang pangungusap na ito ay naghahayag sa pag-iral ng Diyos sa Kanyang sarili, na hindi nakadepende sa anumang paraan sa pananaw sa Kanya ng sangkatauhan. Ang Diyos ay sumasalahat ng bagay, at ang Kanyang sarili ang pamantayan kung ano ang mabuti. Ipininta sa Awit 19:1-5 ang napakagandang larawan ng walang hanggang kalikasan ng Diyos at ang kapahayagan ng Kanyang sarili sa Kanyang sangnilikha.
Mahalaga ang isyu tungkol sa pagkakaroon ng Diyos dahil sa praktikal na antas. Kung totoong may Diyos, may magandang tsansa na nais Niyang makipagugnayan sa atin at mayroon Siyang pamantayan upang iyon ay maganap. Kaya, ang pagkakaroon ng Diyos ay siyang sentro sa lahat ng bagay. Maaaring nilikha tayo sa wangis ng Diyos o maaaring hindi. Maaaring ang pag-ibig at kahabagan ay bahagi ng kalikasan ng Diyos (kaya ang mga ito ay nasasalamin sa atin) o produkto lamang sila ng isang aksidente sa biolohiya (at dahil dito ay hindi mahalaga). Ang ating pag-iral sa mundong ito ay mahalaga (o walang halaga) at nakadepende sa pag-iral (o hindi pag-iral) ng Diyos. Ang paglutas sa panandalian at materyal na problema ng sangkatauhan ay mahalaga, ngunit ang paglutas sa walang hanggan at espiritwal na problema ng sangkatauhan ay higit na mahalaga.
Sinasabi ng Bibliya na sinira ng kasalanan ang sangkatauhan. Sa katotohanan, ang mga problemang kinakaharap ng mundo ay resulta ng kasalanan. Ang isyu tungkol sa pagkakaroon ng Diyos ay mas lalong nagiging mahalaga dahil ang kamangmangan sa pagkakaroon ng Diyos ay pagtanggi sa realidad ng kasalanan na siyang ugat ng lahat ng problema ng sangkatauhan.
Sa kagandahang loob ng Diyos, ipinagkaloob Niya ang paraan para sa kapatawaran ng ating kasalanan at sa pagpapanaguli ng ating pakikisama sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu Kristo (Juan 3:16, Roma 3:21–26). Ang tao ay patay sa kasalanan at laging tumatanggi sa anumang kaisipan tungkol sa isang tunay na Diyos. Sinasabi sa Juan 3:19, “At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka't masasama ang kanilang mga gawa.” Ang Diyos ang nagdadala sa atin sa pananampalataya sa Kanyang Anak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu (Juan 6:41–51). Ang kaligtasan ay regalo ng Diyos na Kanyang iniaalok sa sangkatauhan (Juan 3:16). Ang ating papel ay simpleng pananampalataya sa sinasabi ng Diyos at pagpapasakop sa Espiritu. Ang katotohanan ng mensaheng ito ay natural na nakasalalay sa katotohanan na mayroong Diyos.
Bakit maraming tao ang sinusubukang kumbinsihin ang iba sa kanilang pananaw tungkol sa Diyos? Bakit hindi kaya ng mga Krisitiyano na itago ang kanilang pananampalataya sa kanilang tahanan at mga Iglesya gaya ng laging sinasabi sa kanila? Ang motibasyon para sa maraming Kristiyano ay ang kanilang pagnanais na ang bawat isa ay magkaroon ng relasyon sa Diyos. Gayundin, likas na nagbabahagi ng Ebanghelyo ang Kristiyanismo. Ang isa sa mga utos ni Hesus ay ipangaral ang Ebanghelyo at gumawa ng mga alagad. Ang pangangaral na ito ay udyok ng pag-ibig at isang natural na prinsipyo ng pananampalatayang Kristiyano.
Habang walang sinuman ang nakakita sa Diyos, ipinakikilala naman Niya ang Kanyang sarili sa ilang paraan. Una, ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang mga nilikha (Roma 1:20). Ang isang taong mapagmasid ay maaaring tumingin sa kanyang paligid, tingnan ang mga gawa ng Diyos, at gugulin ang kanyang buong buhay sa paghanga sa kagandahan at sa pagiging depende sa isa’t isa ng lahat ng mga bagay. Sinasabi sa Kasulatan na isang kahangalan ang pagtanggi sa Diyos (Awit 14:1). Ang sangnilikha ay malinaw na may disenyo at tayo ay nilikha na may kakayahang maunawaan ang mga ito sa ilang antas. Malinaw ang sinasabi ng Kasulatan na binigyan tayo ng lahat ng mga bagay na ating kinakailangan upang maunawaan ang pagkakaroon ng Diyos (Job 38).
Ipinakilala din ng Diyos ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang Salita (Awit 19:7–11). Itinuturo sa atin ng Bibliya ang kalikasan ng Diyos at tinuturuan din tayo tungkol sa kung ano ang tama at mali (1 Timoteo 3:16). Ang pinakamataas na kapahayagan ng Diyos sa Kanyang sarili ay sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo (Colosas 1:15).
Mayroong Diyos - ito ang payak na katotohanan. Iniibig Niya tayo at nais Niya tayong dalhin mula sa espiritwal na kamatayan patungo sa buhay, sa Kanyang Anak na si Hesu Kristo.
English
Ano sa akin kung mayroong Diyos?