Tanong
Bakit hinahayaan ng Diyos na kutyain Siya ng mga tao?
Sagot
Araw araw, sa bawat dako ng mundo, may mga taong lumalait o lumilibak sa Diyos. Marami ang gumagawa ng kanilang sariling paraan upang lapastanganin, kutyain, at iumang ang kanilang kamao sa paglaban sa kanilang Manlilikha. Ang antas ng pangungutya ay nakapanlulumo at ang kanilang kapangahasan ay sadyang makapigil hininga. Gayunman, ang lahat ng ito ay nakikita ng Diyos at tiyak na mayroon Siyang gagawin ukol dito. Ngunit bakit kaya pinahihintulutan Niya na magpatuloy ito?
Ang tao ay nilikha ng Diyos na mayroong malayang pagpapasya. Mababasa natin sa Pahayag 4:11 ang ganito: "Aming Panginoon at Diyos! Karapat-dapat kang tumanggap ng papuri, karangalan, at kapangyarihan; sapagkat ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay, at ayon sa iyong kagustuhan, sila'y nilalang mo at pinapanatili." Nilikha tayo ng makapangyarihang Diyos ayon sa Kanyang kaluwalhatian at kagustuhan at may higit na kasiya-siya pa ba kaysa malaman mong may kusang loob na nagmamahal sa iyo ng may kasiyahan at hindi ka naman pinipilit na magbalik ng pagmamahal sa Kanya? Ang Diyos ay hindi lumikha ng mga drone na walang utak o isip na magiging sunud-sunuran lang sa Kanyang mga utos. Ang nais Niya ay mga anak, kagaya ng mga magulang na nagnanais ng mga anak, hindi mga tagapagsilbi kundi mga indibidwal na mayroong pagiisip at kumpletong magkakaibang personalidad. Nais ng Diyos na makisama at makipagugnayan sa atin. Dahil ang tunay at wagas na pag-ibig ay kusang loob.
At dahil tayo ay nilikha ng Diyos na ganito--hindi dahil kailangan, kundi dahil ninais Niya--mayroon tayong kalayaang magpasya kung susuwayin natin Siya, lalapastanganin natin Siya, at oo, kahit laitin o kutyain natin Siya. Ngunit binalaan Niya tayo sa Galacia 6:7 na ang Diyos ay hindi maaaring biruin o kutyain. Kaya nga ang mga paglapastangan at kasamaang ito ay pansamantala lamang sapagkat may nakatakdang araw ng pagsusulit sa kanila at sa huli, ay aanihin ng tao kung ano ang kanyang itinanim.
Tayo ay may kakayahang piliin ang mabuti o masama at ang tama o mali. Ngunit binigyan din tayo ng Diyos ng solusyon at ito ay ang daan upang makaalis tayo sa kasalanan patungo sa buhay na walang hanggan. Si Jesus ang gumawa ng paraan upang mapanumbalik ang mapagmahal na relasyon ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan doon sa krus.
English
Bakit hinahayaan ng Diyos na kutyain Siya ng mga tao?