settings icon
share icon
Tanong

Dapat bang unawain sa literal ba paraan ang kuwento tungkol kay Adan at Eba?

Sagot


Ipagpalagay natin sa sandaling ito na hindi dapat unawain sa literal na paraan ang kuwento tungkol kina Adan at Eba. Ano ang magiging resulta? Wala bang pagbabagong magaganap sa Kristiyanismo kung uunawain ang kuwento tungkol kay Adan at Eba sa isang hindi literal na paraan? May napakalaking pagbabago. Sa katunayan, magdudulot ito ng seryosong implikasyon sa halos lahat ng paniniwala at doktrina ng pananampalatayang Kristiyano. Kung hindi tunay na tao si Adan, lalabas na hindi pumasok ang kasalanan sa mundo sa pamamagitan ng isang tao gaya ng sinasabi sa Roma 5:12. Paano ngayon papasok ang kasalanan sa mundo? Gayundin, kung mali ang Bagong Tipan tungkol sa pagpasok ng kasalanan sa mundo, ano pa ang ibang mga pagkakamali? Kung mali ang Roma 5:12, paano natin malalaman na hindi mali ang buong Roma 5:8-15? Kung hindi uunawain sa literal na paraan ang kuwento tungkol kay Adan at Eba – kung tunay na hindi sila umiral – walang nagrebelde sa Diyos, at walang pagbagsak sa kasalanan. Walang ibang mas nais si Satanas, ang dakilang mandaraya, kundi ang papaniwalain ang mga tao na hindi dapat unawain ang Bibliya sa lietral na paraan at ituring na isa lamang alamat ang kuwento ng pagbagsak ng tao sa kasalanan. Bakit? Dahil kung maguumpisa tayong tanggihan ang mga bahaging ito ng Bibliya, mawawalan tayo ng tiwala sa Bibliya. Bakit natin dapat paniwalaan ang anumang itinuturo ng Bibliya kung hindi natin maaaring pagtiwalaan ang lahat ng sinasabi nito?

Tinukoy ni Jesus ang mga tala sa Genesis bilang mga literal na pangyayari, at binanggit ito bilang pinakapundasyon ng institusyon ng pagaasawa. Binanggit din Niya si Abel, ang isa sa mga anak ni Adan at Eba sa Lukas 11:51. Mali ba si Jesus sa kanyang mga paniniwala? O alam ba ni Jesus na walang literal na Adan at Eba at simpleng inihahalo lamang Niya ang Kanyang katuruan sa mga paniniwala ng mga tao (halimbawa, ang pagsisinungaling)? Kung mali si Jesus sa Kanyang mga paniniwala, hindi Siya Diyos. Kung intensyonal na dinadaya ni Jesus ang mga tao, nagkakasala Siya at hindi Siya maaaring maging Tagapagligtas kung gayon (1 Pedro 1:19).

Ito ang dahilan kung bakit napakaseryoso ng isyung ito. Ang pagtanggi sa literal na Adan at Eba ay pagsalungat kay Jesus at sa Salita ng Diyos. Kung hindi tunay na tao sina Adan at Eba, lalabas na mali ang Bibliya, hindi ito kinasihan ng Diyos, may pagkakamali at hindi mapagkakatiwalaan.

Malinaw na ipinapakita ng Bibliya sina Adan at Eba bilang mga literal na tao na tumira sa hardin ng Eden. Literal silang nagrebelde sa Diyos, literal na naniwala sa kasinungalingan ni Satanas at literal silang pinalayas ng Diyos sa hardin ng Eden (Genesis 3:24). Literal silang nagkaroon ng mga anak, na literal na nagmana sa kanila ng makasalanang kalikasan at ang kalikasang ito ay ipinasa nila sa lahat ng henerasyon hanggang sa panahong ito. Sa kabutihan ng Diyos, ipinangako Niya ang isang literal na tagapagligtas upang tubusin tayo mula sa ating makasalanang kalikasan (Genesis 3:15). Ang Tagapagligtas na ito ay ang Panginoong Jesu Cristo na namatay sa literal na krus, ang tinatawag na "huling Adan" (1 Corinto 15:45), na namatay sa literal na krus at literal na nabuhay na mag-uli. Ang mga sumasampalataya kay Kristo ay magkakaroon ng literal na kaligtasan at gugugulin ang walang hanggan sa literal na langit.

Ang mga Kristiyanong tinatanggihan ang kuwento nina Adan at Eba sa esensya ay tinatanggihan ang kanilang sariling pananampalataya. Ang pagtanggi sa literal na interpretasyon sa mga makasaysayang mga kuwento sa Bibliya ay isang mapanganib na paniniwala. Kung hindi tunay na nabuhay sina Adan at Eba, totoo ba sina Cain at Abel? Totoo ba si Seth at totoo bang naging ama siya ng mga makadiyos na lahi hanggang kay Abraham at kay Jesus mismo? Ang talaan ba ng angkan ni Jesus sa aklat ni Lukas ay mga hindi literal na tao kundi bunga lamang ng kathang isip? Ang paniniwala na hindi literal na tao sina Adan at Eba ay pagtanggi sa katotohanan ng Ebanghelyo ni Lukas, lilikha ng pagdududa sa tala ni Moises, at wawasak sa pundasyon ng lahat ng mga katuruan ng Bibliya.

Inaangkin ng Salita ng Diyos ang katotohanan nito (Awit 119:160). Idineklara ni Jesu Cristo na ang Salita ng Diyos ay katotohanan (Juan 17:17). Ang lahat ng Kasulatan ay hiningahan ng Diyos (2 Timoteo 3:16-17). Kasama sa mga ito ang tala ng Bibliya tungkol kay Adan at Eba.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat bang unawain sa literal ba paraan ang kuwento tungkol kay Adan at Eba?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries