settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kuwento ng Bagong Tipan?

Sagot


Apat na raang taon (400) pagkatapos na magsalita ang Diyos kay Propeta Malakias, muling nagsalita ang Diyos. Sinabi ng Diyos kay Malakias sa Malakias 3:1 na malapit ng matupad ang Kanyang sinabi, isang propeta ang maghahanda ng daraanan ng Panginoon. Malapit ng dumating ang Mesiyas.

Ang propetang iyon ay si Juan Bautista. Ang Mesiyas ay pinangalanang Hesus, ipinanganak ng isang birhen na nagngangalang Maria. Lumaki si Hesus na isang Hudyo na sumusunod sa Kautusan. Sa edad na mga tatlumpu (30), inumpisahan ni Hesus ang Kanyang ministeryo sa publiko sa bansang Israel. Nangangaral na noon si Juan Bautista tungkol sa parating na kaharian ng Mesiyas at binabawtismuhan ang mga naniniwala sa kanyang mensahe at nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Nang dumating si Hesus upang magpabawtismo, nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng isang tinig mula sa langit at bumaba sa Kanya ang Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati at ipinakilala Siya ni Juan Bautista bilang ang ipinangakong Tagapagligtas. Mula noon, natapos na ang ministeryo ni Juan Bautista dahil naganap na niya ang kanyang layunin na ipakilala si Kristo sa mundo (Mateo 3).

Tumawag si Hesus ng labindalawang (12) alagad mula sa iba’t ibang kalagayan sa buhay, at binigyan Niya sila ng kakayahan para sa ministeryo at inumpisaha silang sanayin. Habang naglalakbay at nangangaral, pinagaling ni Hesus ang mga may sakit at gumawa ng mga himala upang patunayang nagmula sa Diyos ang Kanyang mensahe. Lumagong mainam ang mga unang yugto ng ministeryo ni Hesus. Maraming tao na namangha sa Kanyang mga himala at katuruan ang sumunod sa Kanya saanman Siya magtungo (Lukas 9:1; Mateo 19:2).

Gayunman, hindi lahat ay humanga at naniwala kay Hesus. Ang mga Punong Saserdote at mga Pariseo na may kapangyarihan sa pulitika at relihiyon sa komunidad ng mga Hudyo ay nasaktan sa mga turo ni Hesus na hindi ang kanilang mga batas at alituntunin ang daan sa kaligtasan. Maraming beses na kinompronta nila si Hesus at tinawag naman sila ni Hesus sa publiko na mga mapagpaimbabaw. Nakita ng mga Pariseo ang mga himalang ginawa ni Hesus ngunit sinabing ang mga iyon ay gawa ng Diyablo sa halip na purihin ang Diyos (Mateo 12:24; 15:3; Mateo 23).

Unti-unting lumiit ang bilang nga mga tagasunod ni Hesus dahil natanto nila na walang Siyang plano na gawin ang Kanyang sarili na kanilang hari at labanan ang mga Romano. Inaresto naman si Juan Bautista at pinatay sa bilangguan. Itinuon ni Hesus ang Kanyang pansin sa Kanyang mga alagad at mas marami sa kanila ang kinilala na Siya nga ang Anak ng Diyos. Isa lamang ang hindi naniwala; si Hudas na nagsimulang maghanap ng pagkakataon upang ipagkanulo si Hesus sa mga awtoridad (Juan 6:66; Mateo 16:16; 26:16).

Sa Kanyang huling pagdalaw sa Jerusalem, ipinagdiwang ni Hesus ang Paskuwa kasama ang mga alagad. Nang gabing iyon, sa oras ng kanyang pananalangin, pinangunahan ni Hudas ang isang armadong grupo sa pagdakip kay Hesus. Hinuli si Hesus at ipinailalim sa serye ng mga huwad na paglilitis. Pinatawan Siya ng parusang kamatayan ni Pilato, isang Gobernador Romano na umamin na wala Siyang ginawang anumang pagkakasala. Ipinako si Hesus sa krus. Sa oras ng Kanyang kamatayan, nagkaroon ng isang malakas na lindol. Ibinaba ang Kanyang katawan sa krus at madaliang inilibing sa isang libingang malapit sa lugar na pinagpakuan sa Kanya (Lukas 22:14-23, 39-53; Markos 15:15, 25; Mateo 27:51; Juan 19:42).

Ng ikatlong araw pagkatapos Niyang mamatay sa krus, natuklasang walang laman ang libingan ni Hesus at ipinahayag ng mga anghel na Siya’y nabuhay na mag-uli. Pagkatapos, nagpakita si Hesus sa Kanyang mga alagad at ginugol ang panahong kasama nila sa loob ng apatnapung (40) araw. Sa ika-apatnapung araw, pinahayo ni Hesus ang Kanyang mga alagad at umakyat sa langit habang pinagmamasdan ng karamihan (Lukas 24:6, 24; Juan 21:1, 14; Gawa 1:3-9).

Sampung araw pagkatapos Niyang umakyat sa langit, may isandaan at dalawampung (120) alagad ang nagkatipon-tipon sa Jerusalem na nananalangin at naghihintay sa pagdating ng Banal na Espiritu na ipinangako ni Hesus na Kanyang ipapadala sa kanila. Sa araw ng Pentecostes, napuspos ng Banal na Espiritu ang mga alagad at binigyan sila ng kakayahang makapagsalita sa ibang mga wikang hindi nila pinagaralan. Nangaral si Pedro at ang mga alagad sa lansangan ng Jerusalem, at tatlong libo (3,000) ang naniwala sa kanyang mensahe na si Hesus ay namatay at nabuhay na mag-uli. Ang mga naniwala sa kanyang sinabi ay nagpabawtismo sa pangalan ni Hesus at natatag ang unang Iglesya (Gawa 2).

Patuloy na lumago ang Iglesya sa Jerusalem habang gumagawa ng mga himala ang mga apostol at nagturo ng may dakilang kapangyarihan. Gayunman, humarap ang mga unang mananampalataya sa mga paguusig sa pangunguna ng isang batang Pariseo na nagngangalang Saulo. Maraming mananampalataya ang kinailangang tumakas mula sa Jerusalem, at ipinangaral nila ang Mabuting Balita tungkol kay Hesus sa mga siyudad at saanman sila makarating. Nagsimulang magsama-sama ang mga mananampalataya sa maraming komunidad (Gawa 2:43; 8:1, 4).

Ang Samaria ang isa sa mga lugar na tumanggap sa Ebanghelyo. Ipinadala ng Iglesya sa Jerusalem sina Pedro at Juan upang alamin kung totoo ang mga balita tungkol sa Iglesya sa Samaria. Nang dumating doon sina Pedro at Juan, nasaksihan nila ang pagtanggap sa Banal na Espriitu ng mga Samaritano kung paanong tinanggap din ng mga alagad ang Banal na Espiritu. Walang duda na naligtas din ang mga taga Samaria. Pagkatapos nito, nasaksihan din ni Pedro ang pagtanggap ng isang senturyong Romano at ng sambahayan nito ng Banal na Espiritu; kaya pinatunayan ng mga pangyayaring ito na kumalat ang Iglesya sa mga Hentil hindi lamang sa mga Hudyo (Gawa 8:14-17; 10:27-48).

Pinatay si Santiago, isa sa labindalawang alagad sa Jerusalem. Nagplano si Saulo ng isang malawakang paguusig sa mga Kristiyano sa Damasco. Ngunit habang daan, nagpakita sa Kanya si Hesus sa isang pangitain. Ang dating taga-usig ng Iglesya ay naging isang masugid na mangangaral ni Kristo. Ilang taon pa ang lumipas, naging isang guro ng Ebanghelyo si Pablo sa Antioquia. Habang naroroon, pinili si Pablo at Barnabas ng Banal na Espiritu upang maging mga unang “misyonero sa ibang bansa,” at umalis sila sa Antioquia at nagtungo sa Cyprus at Asya Menor. Nakaranas sina Pablo at Barnabas ng matinding paguusig at kahirapan sa kanilang paglalakbay, ngunit maraming tao ang nakaranas ng kaligtasan dahil sa kanilang pangangaral – kasama ang isang batang mangangaral na nagngangalang Timoteo – at maraming Iglesya ang naitatag (Gawa 9:1-22; 12:1-2; 13–14).

Sa Jerusalem naman, nagtalo-talo ang mga Hudyo kung dapat bang tanggapin ang mga Hentil sa Iglesya. Dapat bang bigyan ang mga Kristiyanong Hentil (mga dating pagano) ng pantay na katayuan sa mga Hudyong Kristiyano na sumusunod sa Kautusan sa kanilang buong buhay? Sa partikular, kailangan bang tuliin ang mga mananampalatayang Hentil upang maligtas? Isang konseho ang naganap sa Jerusalem upang bigyang linaw ang mga katanungang ito. Nagpatotoo sina Pedro at Pablo kung paanong ipinagkaloob ng Diyos sa mga Hentil ang Banal na Espiritu ng hindi dumaan sa pagtutuli. Natanto ng konseho na ang kaligtasan ay sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi kailangan ang pagpapatuli para sa kaligtasan (Gawa 15:1-31).

Tumulak si Pablo sa isa pang paglalakbay bilang misyonero, sa pagkakataong ito kasama si Silas. Habang daan, sumama sa kanila si Timoteo, gayon din ang isang doktor na nagngangalang Lukas. Sa patnubay ng Banal na Espiritu, umalis sina Pablo at ang kanyang grupo sa Asya Menor at naglakbay patungong Gresya, kung saan mas marami pang Iglesya ang naitatag sa Filipos, Tesalonica, Corinto, Efeso at sa iba pang mga siyudad doon. Di naglaon, tumulak si Pablo sa Kanyang ikatlong pagmimisyon. Halos pareho ang paraan ng kanyang pangangaral sa mga siyudad na kanyang dinaanan – una muna siyang nangaral sa mga sinagoga ng mga Hudyo, at ipinahayag ang Ebanghelyo sa mga Hudyo sa bawat komunidad. Kadalasan, tinatanggihan siya sa mga sinagoga ng mga Hudyo kaya sa halip na mangaral sa kanila, dinadala niya ang mensahe ng Ebanghelyo sa mga Hentil (Gawa 15:40–21:17).

Sa kabila ng mga babala sa kanya ng kanyang mga kaibigan, naglakbay si Pablo patungong Jerusalem. Doon, inatake siya ng isang malaking grupo ng tao na nagtangkang siya’y patayin. Iniligtas siya ng hukumang Romano at ipinailalim sa pangangalaga ng isang grupo ng mga sundalo. Ipinagtanggol ni Pablo ang kanyang sarili laban sa mga akusasyon ng Sanedrin sa Jerusalem, ngunit nagkagulo ang paglilitis kaya’t dinala si Pablo sa Cesarea upang humarap sa isang hukumang Romano. Pagkaraan ng ilang taon, umapela si Pablo sa Cesar at ginamit ang kanyang karapatan bilang isang mamamayang Romano (Gawa 21:12, 27-36; Gawa 23:1–25:12).

Dinala si Pablo sa Roma bilang isang bilanggo lulan ng isang barko kasama si Lukas. Habang naglalakbay, isang malakas na bagyo ang kanilang nasagupa sa dagat ngunit ang lahat ng lulan ng barko ay nakaligtas at napadpad sa isla ng Malta. Habang naroroon, gumawa si Pablo ng mga himala at napansin siya ng gobernandor ng isla at muli, kumalat ang Ebanghelyo (Gawa 27:1–28:10).

Nang dumating si Pablo sa Roma, inaresto siya at pinatira sa isang bahay habang binabantayan ng mga sundalong Romano. Maaari siyang bisitahin ng kanyang mga kaibigan at may kalayaang magturo sa kanila. Ilan sa kanyang mga bantay ang nakakilala sa Panginoon maging ang ilan sa mga kasambahay ng hari (Gawa 28:16, 30-31; Filipos 4:22).

Habang nakakulong si Pablo sa Roma, nagpatuloy ang gawain ng Panginoon sa buong Mediteraneo. Naglingkod si Timoteo bilang pastor sa Efeso; si Tito naman ang namahala sa Iglesya sa Creta; at naglingkod si Apolos sa Corinto; at posible ring nagtungo si Pedro sa Roma (1 Timoteo 1:3; Tito 1:5; Gawa 19:1; 1 Pedro 5:13).

Pinatay ang karamihan sa mga apostol dahil sa kanilang pananampalataya kay Kristo. Si Apostol Juan, ang pinakahuling namatay sa mga apostol ay ikinulong sa isla ng Patmos. Habang naroroon, tinanggap niya ang mensahe ng Panginoong Hesus para sa mga Iglesya at ang mga pangitain tungkol sa mga kaganapan sa huling panahon gaya ng kanyang mga isinulat sa Aklat ng Pahayag (Pahayag 1:9, 4, 19). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kuwento ng Bagong Tipan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries