Tanong
Ano ang kuwento ng Lumang Tipan? Ano ang maiksing pagbubuod ng Lumang Tipan?
Sagot
Sa pasimula, naroon na ang Diyos. Para sa Kanyang sariling kasiyahan, nilikha Niya ang panahon at ang buong kalawakan sa pamamagitan ng Kanyang salita at ginawa ang lahat mula sa wala. Sa ikaanim na araw ng paglikha, gumawa ng Diyos ng natatangi sa lahat ng Kanyang nilikha: ang sangkatauhan – isang lalaki at isang babae – na nilikha ayon sa Kanyang wangis. Sa paglikha ng Diyos sa dalawang unang tao sa mundo, itinatag Niya ang Tipan ng pagaasawa (Genesis 1–2).
Inilagay ng Diyos ang lalaki at ang kanyang asawa sa hardin ng Eden, sa isang perpektong kapaligiran at binigyan sila ng tungkulin na pangalagaan iyon. Pinayagan ng Diyos na kanilang kainin ang lahat ng prutas sa halamanan, maliban sa isa: ang bunga ng puno na nagbibigay ng kaalaman sa mabuti at masama. Kailangan nilang mamili kung susunod sila o susuway, ngunit binalaan sila ng Diyos na mamamay sila sa sandaling kumain sila ng bunga ng punong iyon (Genesis 2:15-17).
Samantala, isang makapangyarihan anghel na nagngangalang Lucifer ang nagrebelde laban sa Diyos sa langit. Ibinagsak siya ng Diyos mula sa langit kasama ang ikatlong bahagi ng bilang ng mga anghel. Dumating si Lucifer sa hardin ng Eden kung saan naroon si Adan at Eba. Doon, nag-anyo siyang isang ahas at tinukso si Eba, ang unang babae na sumuway sa Diyos sa pamamagitan ng pagkain sa bunga ng puno na nagbibigay ng kaalaman sa mabuti at masama. Sinabi ni Lucifer kay Eba na hindi siya mamamatay at makabubuti sa kanya ang pagkain ng bunga. Naniwala si Eba sa kasinungalingan ni Lucifer at kumain siya ng ilan sa mga bunga. Pagkatapos, binigyan niya ang kanyang asawa at kumain din ito. Agad na nalaman ng magasawa na nakagawa sila ng kasalanan sa Diyos. Nakaramdam sila ng pagkapahiya kaya’t tumahi sila ng mga dahon upang itakip sa katawan at saka nagtago sa Diyos (Isaias 14:12-15; Genesis 3).
Siyempre, natagpuan sila ng Diyos. Ibinaba ng Diyos ang Kanyang hatol. Sinumpa ang lupa dahil sa kasalanan ni Adan: hindi na ito madaling tutubuan ng mga halaman; sa halip maghihirap ang lalaki sa pagtatanim ng kanilang makakain. Sinumpa ang babae sa pamamagitan ng pagdanas ng hirap sa pagbubuntis at panganganak. Sinumpa naman ang ahas at sinabing gagapang na ito at kakain ng lupa mula noon. Pagkatapos, gumawa ang Panginoon ng isang pangako: Isang araw, may isang isisilang mula sa babae na makikipaglaban sa binhi ng ahas. Dudurugin ng isisilang na ito ang ulo ng ahas, bagama’t masusugatan din ito sa talampakan. Pagkatapos, pumatay ang Diyos ng isang hayop at itinakip ang balat nito sa nagkasalang magasawa at pinalayas sila mula sa hardin ng Eden (Genesis 3:15-19, 21).
Ang labanan sa pagitan ng mabuti at masama ay nagpatuloy sa pamilya ng unang magasawa. Pinatay ng kanilang anak na si Cain ang kapatid nitong si Abel at sinumpa si Cain dahil sa kanyang ginawa. Isa pang anak ang isinilang ng unang babae. Ang pangalan niya ay Set (Genesis 4:8, 25).
Makalipas ang ilang henerasyon, napuno ang mundo ng kasamaan. Naghari ang kaguluhan at kawalan ng takot sa Diyos. Nagpasya ang Diyos na lipulin ang tao dahil sa kanilang kasamaan at magsimulang muli. Isang lalaking nagngangalang Noe na galing sa lahi ni Set ang nakatagpo ng biyaya (pagpapala ng Diyos sa hindi karapatdapat) sa paningin ng Diyos. Ipinahayag ng Diyos kay Noe na gugunawin Niya ang mundo sa pamamagitan ng pandaigdigang baha at binigyan si Noe ng instruksyon sa paggawa ng isang arko upang makaligtas sila sa baha. Itinayo ni Noe at ng kanyang mga anak ang Arko at ng dumating ang takdang oras, pinapasok ng Diyos sa arko ang mga hayop sa kanya-kanyang uri. Ang mga hayop na ito, kasama si Noe at ang kanyang pamilya ang tanging nakaligtas. Pinuksa ng baha ang lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng mundo maliban sa mga nakasakay sa arko (Genesis 6–8).
Pagkatapos ng baha, nagsimulang punuin ni Noe at ng kanyang pamilya ang mundo. Nang magsimulang gumawa ng isang tore ang kanilang mga inapo upang labanan ang kalooban ng Diyos na punuin ang sanlibutan, ginulo ng Diyos ang kanilang wika. Kaya’t nagkahiwa-hiwalay ang mga tao sa mundo ayon sa kani-kanilang wika at kumalat sa lahat ng sulok ng mundo (Genesis 11:1-8).
Dumating ang panahon upang ipakilala ng Diyos sa mundo ang Isang ipinangakong dudurog sa ulo ng ahas. Ang unang hakbang ay tumawag ng Kanyang sariling bansa at ibukod sila para sa Kanyang sarili. Pinili Niya ang isang lalaking nagngangalang Abraham at ang kanyang asawang si Sara upang magsimula ng isang bagong lahi ng tao. Tinawag ng Diyos si Abraham na humiwalay sa kanyang sariling kamaganak at dinala Niya ito sa lupain ng Canaan. Ipinangako ng Diyos kay Abraham na darami ang kanyang lahi at mapapasakanila ang Canaan upang maging kanilang sariling lupain. Ipinangako din ng Diyos kay Abraham na pagpapalain ang kanyang binhi at mula sa binhing iyon, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig. Ang problema ay pareho na silang matanda na at baog pa si Sara. Ngunit sumampalataya si Abraham sa pangako ng Diyos at itinuring siya ng Diyos na matuwid dahil sa kanyang pananampalataya (Genesis 12:1-4; 15:6).
Sa takdang panahon, pinagpala ng Diyos sina Abraham at Sara ng isang anak na pinangalanan nilang Isaac. Inulit na muli ng Diyos kay Isaac ang Kanyang pangako kay Abraham na pararamihin Niya at pagpapalain si Isaac. Nagkaanak si Isaac at Rebecca ng kambal, si Esau at Jacob. Pinili ng Diyos si Jacob upang magmana ng pangakong pagpapala at pinalitan ang pangalan nito ng pangalang Israel. Nagkaroon si Jacob/Israel ng labindalawang anak na lalaki na pinagmulan ng labindalawang angkan ng Israel (Genesis 21:1-6; 25:19-26; 28:10-15; 35:23-26).
Dahil sa isang matinding taggutom, inilipat ni Jacob ang kanyang angkan mula Canaan patungong Egipto. Bago si Jacob mamatay, humula siya ng mga pagpapala sa bawat isa sa kanyang mga anak. Ipinangako kay Juda na may manggagaling na hari mula sa kanyang lahi, Isang hari na pararangalan ng lahat ng bansa sa daigdig. Dumami ang lahi ni Jacob sa Egipto at nanatili sila doon sa loob ng apat na raang (400) taon. Natakot ang hari ng Egipto sa kanilang mabilis na pagdami kaya’t inalipin nila ang mga Israelita. Tumawag ang Diyos ng isang propeta na nagngangalang Moises, mula sa lahi ni Levi upang ilabas ang angkan ni Israel mula sa Egipto pabalik sa lupaing ipinangako ng Diyos sa kanilang ninunong si Abraham (Genesis 46; 49; Exodo 1:8-14; 3:7-10).
Ang paglabas ng mga Israelita mula sa Egipto ay sinamahan ng maraming dakilang himala, kabilang ang paghati sa Dagat na Pula. Matapos na makalabas ng ligtas mula sa Egipto, nagkampo ang mga Israelita sa Bundok ng Sinai kung saan ibinigay ng Diyos ang Sampung Utos kay Moises. Ang Sampung Utos na ito ang basehan ng Tipan ng Diyos sa Israel; kung susundin nila ang Kanyang mga utos, pagpapalain sila, ngunit kung susuway sila sa Kanyang mga utos, susumpain sila. Sumang-ayon ang Israel sa pagsunod sa Utos ng Diyos (Exodo 7–11; 14:21-22; 19–20).
Bilang karagdagan sa pagbibigay ng kautusang moral, ipinaliwanag din ng Kautusan ang papel na gagampanan ng mga saserdote sa pagbibigay ng alituntunin sa paghahandog ng mga hayop para sa katubusan ng mga kasalanan. Maaari lamang matubos ang kasalanan sa pamamagitan ng pagbububo ng dugo ng isang walang dungis na handog. Idinetalye din sa Katusutan kung paano itatayo ang banal na Tabernakulo o toldang Tipanan, kung saan mananahan ang presensya ng Diyos upang katagpuin ang mga tao (Levitico 1; Exodo 25:8-9).
Pagkatapos na matanggap ang Kautusan, pinangunahan ni Moises ang mga Israelita patungo sa hangganan ng Lupang Pangako. Ngunit dahil sa takot sa mga mandirigma ng Canaan at dahil sa kanilang pagdududa sa mga pangako ng Diyos, tumanggi ang mga Israelitang sakupin iyon. Bilang kaparusahan, ibinalik sila ng Diyos sa ilang kung saan sila naglagalag sa loob ng apatnapung (40) taon. Sa Kanyang biyaya, mahimalang ipinagkaloob ng Diyos sa mga Israelita ang tubig at pagkain para sa napakaraming Israelita (Bilang 14:1-4, 34-35; Exodo 16:35).
Pagkatapos ng apatnapung (40) taon, namatay si Moises. Ang isa sa kanyang huling hula ay ang pagdating ng isa pang propeta na magiging kagaya ni Moises kung kanino makikinig ang mga tao. Ginamit ng Diyos si Josue, ang kahalili ni Moises upang pangunahan ang Israel sa pagpasok sa Lupang Pangako. Pumasok sila doon taglay ang pangako ng Diyos na walang sinuman sa kanilang mga kaaway ang makatatayo laban sa kanila. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan sa Jericho sa pamamagitan ng pagpapaguho sa mga pader ng siyudad. Sa kanyang biyaya at kahabagan, iniligtas ng Diyos ang isang patutot na nagngangalang Rahab mula sa pagkawasak ng siyudad (Deuteronomio 18:15; Josue 6).
Sa pagdaan ng mga taon, nagtagumpay si Josue at ang mga Israelita sa pagpapalayas sa karamihan ng mga Cananeo at hinati ang lupain para sa labindalawang (12) lipi ni Israel. Gayunman, hindi naging kumpleto ang kanilang pagsakop sa lupain. Dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya at simpleng pagsuway, nabigo silang tapusin ang kanilang gawain at marami pa ring Cananeo ang nanatili. Ang impluwensya ng mga paganong ito ang dahilan kung bakit nagsimula silang sumamba sa mga diyus-diyusan na tahasang pagsuway sa Utos ng Diyos (Josue 15:63; 16:10; 18:1).
Pagkamatay ni Josue, nakaranas ang Israel ng napakagulong yugto ng panahon. Sasamba ang bansa sa mga diyus-diyusan at dahil dito susumpain sila ng Diyos at ipapasakop sa kanilang mga kaaway. Magsisisi ang mga tao at hihingi ng tulong sa Diyos. Tatawag naman ang Diyos ng isang hukom na wawasak sa kanilang mga diyus diyusan, mangunguna sa mga tao at tatalo sa kanilang mga kaaway. Magkakaroon ng pansamantalang kapayapaan, ngunit muling babalik ang mga Israelita sa pagsamba sa mga diyus-diyusan at muling mauulit ang mga pangyayari (Hukom 17:6).
Ang huling hukom ay si Samuel na nagsilbi rin bilang isang propeta. Humingi sa kanya ang Israel ng isang hari na mamumuno sa kanila upang maging kagaya ng ibang mga bansa sa kanilang paligid. Ipinagkaloob sa kanila ng Diyos ang kanilang hinihingi at itinalaga ni Samuel si Saul bilang unang hari ng Israel. Gayunman, si Saul ay isang kabiguan. Sumuway siya sa Diyos at inalis sa kanya ang paghahari. Pinili ng Diyos si David, isang lalaki mula sa lahi ni Juda upang pumalit kay Saul. Ipinangako ng Diyos kay David na isang hari mula sa kanyang lipi ang maghahari sa trono ng Israel magpakailanman (1 Samuel 8:5; 15:1, 26; 1 Cronica 17:11-14).
Nang mamatay si David, naghari ang ang kanyang anak na si Solomon sa Jerusalem. Sa panahon ng paghahari ng anak ni Solomon, nagkaroon ng digmaang sibil sa Israel at nahati sa dalawa ang kaharian: ang kaharian sa hilaga na tinatawag na Israel at ang kaharian sa Timog na tinatawag na Juda. Naghari sa Juda ang mga haring galing sa lipi ni David (1 Hari 2:1; 12).
Nagkaroon ang Israel ng hindi napuputol na serye ng paghahari ng masasamang hari. Wala ni isa man sa kanila ang hinanap ang Diyos at nagtangka na pangunahan ang bansa ayon sa Kautusan ng Diyos. Nagpadala ang Diyos ng mga propeta upang babalaan sila, kabilang ang mga mapaghimalang propetang sina Elias at Eliseo, ngunit nagpatuloy pa rin ang mga hari ng Israel sa kanilang kasamaan. Sa huli, ipinadala ng Diyos ang bansang Asiria upang hatulan ang Israel. Ipinatapon ng mga Asirio ang karamihan ng mga Israelita sa ibang mga bansa at ito ang naging katapusan ng kaharian sa hilaga (1 Hari 17:1; 2 Hari 2; 17).
Nagkaroon din ng masasamang hari sa Juda, ngunit sa serye ng kanilang paghahari, may lumabas na mabubuting hari na tunay na umiibig sa Panginoon at namuno ayon sa Kanyang Kautusan. Tapat ang Diyos sa Kanyang pangako at pinagpala Niya ang mga Hudyo na sumusunod sa Kanyang mga Utos. Hindi ipinahintulot ng Diyos na masakop ng Asiria ang Juda at nagtagumpay sila laban sa kanilang pagbabanta. Sa panahong ito, nangaral si propeta Isaias laban sa kasamaan ng Juda at hinulaan ang pagsakop sa bansa ng bansang Babilonia. Hinulaan din ni Isaias ang pagdating ng alipin ng Panginoon – na magdurusa para sa kasalanan ng Kanyang bayan at maluwalhating uupo sa trono ni David. Hinulaan naman ni Propeta Mikas na isisilang sa Betlehem ang ipinangakong Tagapagligtas (Isaias 37; 53:5; Micah 5:2).
Sa huli, bumagsak din ang bansang Juda sa karumaldumal na pagsamba sa mga diyus-diyusan. Bilang hatol, ipinadala ng Diyos ang bansang Babilonia upang sakupin ang Juda. Nasaksihan ni Propeta Jeremias ang pagbagsak ng Jerusalem at hinulaan ang pagbalik ng mga bihag na Hudyo sa Lupang Pangako pagkatapos ng pitumpung (70) taon. Hinulaan din ni Jeremias ang tipan ng Diyos sa hinaharap kung kailan isusulat ng Diyos ang Kanyang Kautusan hindi sa mga bato kundi sa puso ng kanyang bayan. Ang Bagong Tipang ito ang magiging daan sa pagpapatawad ng Diyos sa mga kasalanan (2 Hari 25:8-10; Jeremias 29:10; 31:31-34).
Tumagal ang pagkakabihag ng mga Hudyo sa Babilonia sa loob ng pitumpung (70) taon. Nagministeryo sina propeta Daniel at Ezekiel sa panahong ito. Hinulaan ni Daniel ang pagbangon at pagbagsak ng maraming bansa. Hinulaan din niya ang pagdating ng Mesiyas, ang pinili ng Diyos na mamamatay para sa kasalanan ng iba (Daniel 2:36-45; 9:26).
Pagkatapos na bumagsak ang Babilonia sa Persia, pinakawalan ang mga Hudyo at pinabalik sa Juda. Maraming Hudyo ang bumalik upang itayong muli ang Jerusalem at ang templo. Pinangunahan nina Nehemias at Ezra ang pagpupunyaging ito ng kanilang mga kababayan habang pinalalakas ng mga propetang sina Ageo at Zacarias ang kanilang loob. Kasama sa mga hula ni Zacarias ang paglalarawan sa isang Hari sa hinaharap na mapagpakumbabang papasok sa Jerusalem sakay ng isang asno (Nehemias 6:15-16; Ezra 6:14-15; Zacarias 9:9).
Gayunman, hindi lahat ng mga Hudyo ay bumalik sa Juda. Marami ang piniling manatili sa Persia, kung saan nila inaasahan ang pagsama ng Diyos. Isang babaeng Hudyo na nagngangalang Esther ang itinaas ng Diyos bilang reyna ng Persia at ginamit na instrumento upang iligtas ang buhay ng mga Hudyo sa buong kaharian (Ester 8:1).
Isinulat ni Malakias ang huling aklat sa Lumang Tipan. Hinulaan niya na darating ang Panginoon sa Kanyang templo, ngunit, bago ang Kanyang pagdating, isang mensahero ang maghahanda ng Kanyang daraanan. Ang mensaherong ito ay magiging gaya ni Elias noong una. Pagkatapos ng ministeryo ni Malakias, lumipas ang apat na raang taon (400) bago muling direktang nakipagusap ang Diyos sa tao (Malakias 3:1; 4:5).
Ang Lumang Tipan ang kuwento ng plano ng Diyos sa pagtubos sa tao. Sa pagtatapos ng Lumang Tipan, tumawag ang Diyos ng piling mga tao upang maunawaan ang kahalagahan ng paghahandog ng dugo ng mga hayop, na naniniwala sa Kanyang mga pangako kay Abraham at David, at naghihintay ng isang Tagapagligtas. Sa madaling salita, handa silang tanggapin ang dudurog sa ulo ng ahas sa Genesis, ang propetang gaya ni Moises, ang nagdurusang alipin sa aklat ni Isaias, ang anak ni David, ang Mesiyas sa aklat ni Daniel, at ang mapagpakumbabang hari sa Aklat ni Zacarias – ang lahat ng katuparan nito ay matatagpuan sa iisang persona, sa anak ng Diyos na si Hesu Kristo. English
Ano ang kuwento ng Lumang Tipan? Ano ang maiksing pagbubuod ng Lumang Tipan?