settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kuwento ng paglikha ayon sa Bibliya?

Sagot


Ang kuwento ng paglikha ay matatagpuan sa kabanata 1 at 2 ng Genesis, kasama ang salaysay tungkol sa Hardin ng Eden sa kabanata 3. Nagumpisa ang Genesis 1 bago ang paglikha sa lahat ng bagay sa Diyos mismo. Dahil dito, walang tinatawag na panahong “bago ang kasaysayan ng tao” o pre-historic age. Ang kapahayagan ng Diyos tungkol sa kanyang sarili at ang Kanyang kalooban para sa sangkatauhan ang siya mismong pasimula ng kasaysayan. Sa pasimula, nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa sansinukob sa loob ng literal na anim na araw na may tig 24 oras. Kasama dito ang lahat ng bagay sa kalawakan (maging ang mga planeta at mga bituin), gayundin ang lahat ng bagay sa lupa. Kahit na hindi maliwanag na makikita ang Trinidad sa salaysay ng paglikha sa Genesis, ipinahiwatig naman ng Diyos na may kasama Siya ng sabihin Niya ang salitang “natin” ng lilikhain na Niya ang tao (Genesis 1:26). Sinasabi sa Kasulatan na ang Espiritu ay aktibo sa paglikha (Genesis 1:2) maging si Kristo (Juan 1:1-3; Colosas 1:15-17).

Sa loob ng anim na araw ng paglikha, ginawa ng Diyos ang sangkalawakan at ang mundo (unang araw), ang himpapawid at ang atmospera (ikalawang araw), ang tuyong lupa at ang lahat ng uri ng halaman (ikatlong araw), ang mga bituin at lahat ng bagay sa kalawakan kasama ang araw at buwan (ikaapat na araw), ang mga ibon at mga nilalang sa dagat (ikalimang araw) at ang lahat ng hayop na nabubuhay sa lupa at ang tao (ikaanim na araw). Ang tao ang pinakamataas sa lahat ng nilikha dahil taglay niya ang wangis ng Diyos at binigyan siya ng responsibilidad na pangalagaan at pamunuan ang lahat ng nilikha. Ang sangnilikha ay nakumpleto sa loob ng anim na araw sa lahat ng aspeto nito at taglay na kagandahan. Walang araw na nakapagitan sa literal na anim na araw ng paglikha. Ipinahayag ng Diyos na ang Kanyang mga nilikha ay mabuti. Makikita sa ikalawang kabanata ng Genesis ang kaganapan ng paglikha ng Diyos at ang detalyadong salaysay ng paglikha sa tao.

Nagpahinga ang Diyos sa Ikapitong araw at pinagpala iyon. Ito ay hindi dahil sa napagod ang Diyos kundi tumigil Siya sa Kanyang gawain ng paglikha. Itinatag nito ang modelo ng pamamahinga ng isang araw sa loob ng isang linggo at ang paggamit ng pitong araw sa kalendaryo hanggang sa kasalukuyan. Ang pamamahinga sa Araw ng Sabbath ang magiging marka ng bansang hinirang ng Diyos (Exodo 20:8-11.)

Binigyang diin sa Genesis 2 ang paglikha sa tao. Ang Genesis 2 ay hindi isang ikalawang salaysay ng paglikha, o sumasalungat sa salaysay ng paglikha sa Genesis 1. Ang salaysay sa Genesis 2 ay simpleng pagbibigay ng diin sa gawain ng Diyos na paglikha sa tao. Ginawa ng Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa. Pagkatapos hugisin ang tao mula sa alabok, hiningahan ito ng Diyos ng hininga ng buhay. Ang katotohanan na pinili ng Diyos na likhain ang tao sa ganitong paraan ang nagpapakita ng Kanyang natatanging pagpapahalaga sa tao. Pagkatapos, inilagay ng Diyos ang taong si Adan sa isang espesyal na lugar na tinatawag na ‘Hardin ng Eden.’ Ang Eden ay napakaganda at napakasagana. Sa lugar na ito, na kay Adan ang lahat ng bagay na kanyang kailangan - ang kanyang kakainin at ang kanyang mga gagawin. Gayunman, hindi pa tapos ang Diyos kay Adan.

Tinulungan ng Diyos si Adan na makita ang kanyang pangangailangan ng isang makakasama sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng gawain na pangalanan ang mga hayop at iba pang nilalang. Naunawaan ni Adan na kailangan niya ang isang kasama. Pinatulog ng Diyos si Adan at nilikha si Eba mula sa kanyang tadyang. Nang makita ni Adan si Eba, naunawaan niya na espesyal ito. Nakita ni Adan na si Eba ang kanyang angkop na makakasama at katulong, ang laman ng kanyang laman. Parehong nilikha ng Diyos si Adan at Eba ayon sa Kanyang wangis (Genesis 1:27). Ang kabanatang ito ang nagtatag sa institusyon ng pamilya bilang pangunahing sangkap ng sosyedad (Genesis 1:24; Mateo 19:5-6.) Bilang institusyon na itinatag ng Diyos, ang pagaasawa ay sa pagitan lamang ng isang lalaki at babae. Nilikha si Adan at Eba na inosente (Genesis 1:25) at hindi nakakagawa ng anumang kasalanan. Nasiyahan sila sa kanilang pakikisama sa Diyos sa Hardin ng Eden. Bahagi ng kanilang relasyon ay ang pagbibigay sa kanila ng Diyos ng isang simpleng utos. Pinagbawalan sila ng Diyos na kumain ng bunga mula sa isang puno sa na nasa gitna ng hardin (Genesis 1:17).

Sa isang punto, tinukso si Eba ng ahas upang kumain ng bunga ng punong ito na kanya namang ginawa. Kumain din si Adan mula sa ipinagbabawal na puno. Nagkasala sina Adan at Eba laban sa Diyos at nawala ang kanilang pagiging inosente (Genesis 2:8-12). Nagdala ang kasalanan ng mga konsekwensya. Sinumpa ng Diyos ang ahas at gagapang na ito magpakailanman at kamumuhian ng mga tao. Sinumpa ng Diyos si Eba at magdadanas ito ng matinding hirap sa panganganak at magpapasakop na ito sa kanyang asawa habang nabubuhay. Sinumpa din ng Diyos si Adan at magdadanas na ito ng hirap sa pagbuhay sa kanyang pamilya (Genesis 3:14-19). Dahil sa kanilang kasalanan, nagkaroon sila ng kamatayan. Isa sa mga konsekwensya ng kasalanan nina Adan at Eba ang pagpapalayas sa kanila mula sa Hardin ng Eden (Genesis 3:22-24.) Ngunit kasama din sa konsekwensya ng kanilang kasalanan ang mensahe ng pag-asa na matatagpuan sa Genesis 3:15. Darating ang isang Tagapagligtas upang durugin ang ulo ng Ahas (si Satanas) ngunit pagkatapos lamang na sugatan ni Satanas ang Tagapagligtas na ito doon sa krus. Kahit na sa gitna ng kasalanan at mabigat na konsekwensya nito, ipinakita pa rin ng Diyos sa tao na Siya ay Diyos na mabuti at puno ng pag-ibig, awa at kahabagan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kuwento ng paglikha ayon sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries