Tanong
Ano ang labindalawang tribo ng Israel?
Sagot
Ang labindalawang tribo ng Israel ay nagmula sa labindalawang anak ni Israel. "Israel" ang pangalang ibinigay ng Diyos kay Jacob (Genesis 32:28). Ang kanyang labindalawang anak ay sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Dan, Neftali, Gad, Aser, Isaccar, Zabulun, Jose, at Benjamin (Genesis 35:23-26; Exodo 1:1–4; 1 Cronica 2:1–2). Nang manahin ng labindalawang tribo ang Lupang Pangako, hindi nakatanggap ang tribo ni Levi ng teritoryo para kanilang tribo (Josue 13:14). Sa halip, sila'y naging mga saserdote at binigyan ng ilang siyudad na nakakalat sa buong Israel. Ang tribo ni Jose ay hinati sa dalawa—inampon ni Jacob ang dalawa sa mga anak na lalaki ni Jose, si Efraim at Manases, at binigyan ng dobleng mana si Jose para sa kanyang katapatan sa pagliligtas sa pamilya ni Jacob mula sa taggutom (Genesis 47:11–12). Nangangahulugan ito na ang mga tribo na nakatanggap ng mana sa Lupang Pangako ay sina Ruben, Simeon, Juda, Dan, Neftali, Gad, Aser, Isaccar, Zabulun, Benjamin, Efraim at Manases. Sa ibang mga lugar sa Kasulatan, ang tribo ni Efraim ay tinutukoy bilang tribo ni Jose (Bilang 1:32–33).
Pagkamatay ni haring Solomon, nahati ang Israel sa dalawang kaharian. Ang Juda sa Timog kasama ang tribo ni Simeon at Benjamin. Ang ibang tribo naman ay nagsama-sama para mabuo ang kaharian ng Israel sa hilaga. Ang Israelay sinakop ng mga Asirians, at kundi man napatay ang karamihan ng mga Israelita, ipinatapon ang iba sa ibang mga bansa; ang mga natira namang Israelita ay malamang na sumama sa kaharian ng Juda.
Si Jesus ay mula sa tribo ni Juda, si Pablo ay mula sa tribo ni Benjamin, at si Juan Bautista ay isang Levita, ngunit, dahil sa pagkawasak ng templo sa Jerusalem at paguusig sa mga Hudyo noong AD 70, mahirap ng malaman kung saang tribo galing ang isang modernong Hudyo ngayon. Hindi ito nangangahulugan na ang mga tribo ay hindi mahalaga. Sa panahon ng Dakilang Kapighatian, kung kailan karamihan ng mga tao sa mundo ay lalaban sa Diyos at susunod sa antikristo, 144,000 na mga Hudyo ang tatatakan ng Diyos. Ang bilang na ito ay binubuo ng 12 libo katao sa bawat tribo. Kaya kahit hindi natin alam kung sino ang kabilang sa aling tribo, alam ito ng Diyos. Ang mga tribo ng Israel ay inilistang muli sa Pahayag 7:5-8, ngunit hindi na sila ang mga tribo na binigyan ng lupain ni Josue. Kasama pa rin sa listahan si Manases at Efraim ngunit nasa ilalim na sila ng pangalan ni Jose. Ngunit sa halip na si Dan, si Levi na ang kasama. Walang ibinigay na paliwanag ang Bibliya kung bakit.
English
Ano ang labindalawang tribo ng Israel?