Tanong
Maliligtas ba ang buong Israel sa mga huling panahon?
Sagot
Maliwanag na sinasabi sa Roma 11:26, “Ang buong Israel ay maliligtas.” Ang tanong ay: “Ano ang ibig sabihin ng salitang Israel?” Ang “Israel” ba sa hinaharap ay literal na bansang Israel o pigura ng pananalita? (tumutukoy sa lahing Judio o sa Iglesya?) Ang mga pinanghahawakan ang literal na mga pangako ng Diyos sa Lumang Tipan ay naniniwala na ang mga pisikal na lahi ni Abraham, Isaac, at Jacob ay ibabalik sa tamang relasyon sa Diyos at tatanggapin ang katuparan ng mga tipan. Ang mga nagsusulong ng teolohiya na pinalitan na ng iglesya ang Israel (replacement theology) ay naniniwala na lubusang pinalitan na ng iglesya ang Israel at ang iglesya na ang magmamana ng mga pangako ng Diyos sa Israel; at ang mga tipan ay magaganap sa espiritwal hindi sa pisikal. Sa ibang salita, itinuturo ng replacement theology na hindi na mamanahin ng Israel ang lupain ng Paletina; ang Iglesya na ang “bagong Israel,” at ang lahing Israel ay hindi na kabilang sa mga pinangakuan ng Diyos kailanman—hindi na mamanahin ng mga Judio ang Lupang Pangako.
Naniniwala kami sa literal na pangunawa sa mga pangako ng Diyos. Ang mga talata kung saan tinatalakay ang hinaharap ng Israel ay mahirap na ilapat bilang simbolismo para sa iglesya. Inilalarawan sa mga klasikong talata (Roma 11:16–24) ang Israel na hiwalay sa Iglesya: ang “natural na mga sanga” ay ang mga Judio, at ang mga “idinugtong na sanga” ay ang mga Hentil. Ang “puno ng olibo” ay ang mga anak ng Diyos sa pangkalahatan. Ang “mga natural na sanga” (mga Judio) ang pinutol dahil sa hindi pananampalataya, at ang mga “hindi natural na mga sanga” (mga mananampalatayang Hentil) ay idinugtong. Ito ang magiging dahilan ng pagseselos ng mga Judio at pagkatapos ay ang paglapit nila kay Cristo sa pananampalataya para muli silang maidugtong at tumanggap ng mga pangako ng Diyos. Ang mga “natural na sanga” ay kakaiba pa rin sa mga “hindi natural na mga sanga,” kaya ang tipan ng Diyos sa Kanyang bayan ay literal na matutupad. Binabanggit sa Roma 11:26–29 ang Isaias 59:20–21; 27:9; Jeremias 31:33–34, kung saan sinasabi:
“Sa paraang ito, maliligtas ang buong Israel; tulad ng nasusulat: “Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas. Papawiin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob. At ito ang gagawin kong kasunduan naming kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan.” Dahil tinanggihan ng mga Israelita ang Magandang Balita, sila'y naging kaaway ng Diyos, at kayong mga Hentil ang nakinabang. Ngunit dahil sa sila ang mga hinirang ng Diyos, sila'y mahal pa rin niya, alang-alang sa kanilang mga ninuno. Sapagkat hindi nagbabago ng isip ang Diyos tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag.”
Sa mga talatang ito, binibigyang diin ni Pablo ang “hindi nagbabagong” kalikasan ng pagkatawag ng Diyos sa Israel bilang Kanyang bayan (tingnan din ang Roma 11:12). Hinulaan ni Isaias na ang mga “nalabi” sa Isael” ay tatawaging “bayang banal na tinubos ni Yahweh” (Isaias 62:12). Anuman ang kasakuluyang katayuan ng Israel bilang hindi mananampalataya, ang mga “natira” o “nalabi” sa Israel ay tiyak na magsisisi at gaganapin ng Diyos ang pagkatawag sa kanila para itatag ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya (Roma 10:1–8; 11:5). Ang pagpapanumbalik na ito ng mga Judio ay kasabay ng katurapan ng hula ni Moises na permanenteng maibabalik ang mga Israelita sa Lupang Pangako (Deuteronomio 30:1–10).
Nang sabihin ni Pablo na maliligtas ang buong Israel sa Roma 11:26, tinutukoy niya ang kanilang kaligtasan mula sa kasalanan (Roma 11:27) sa kanilang pagtanggap sa Tagapagligtas, ang kanilang Mesiyas, sa mga huling panahon. Sinabi ni Moises, “Babaguhin niya at lilinisin ang inyong puso at gayundin ng inyong mga anak upang ibigin ninyo siya nang buong katapatan. Sa ganoon mabubuhay kayo nang matagal. At ang mga sumpang ito'y ipapataw ni Yahweh sa inyong mga kaaway na nagpahirap sa inyo” (Deuteronomio 30:6-7). Ang pisikal na pagmamana ng Israel sa lupang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay isang mahalagang bahagi ng katuparan ng plano ng Diyos (Deuteronomio 30:3–5).
Kaya nga paanong ang “buong Israel ay maliligtas”? Ang mga detalye ng pagliligtas na ito ang tinatalakay sa Kasulatan gaya ng Zacarias 8—14 at Pahayag 7—19, kung saan tinatalakay ang mga magaganap sa Israel sa mga huling araw. Ang pangunahing talata na naglalarawan sa paglapit kay Jesus sa pananampalataya ng mga nalabi sa Isael ay ang Zacarias 12:10, “Ang lahi ni David at ang mga taga-Jerusalem ay gagawin kong mahabagin at mapanalanginin. Sa gayon, kapag pinagmasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat ay tatangisan nila itong parang kaisa-isang anak o anak na panganay.” Ito ay magaganap pagkatapos ng panahon ng kapighatian na inihula sa Daniel 9:24–27. Binabanggit ni apostol Juan ang pangyayaring ito sa Pahayag 1:7. Ang mga tapat na nalabi sa Israel ay binabanggit sa Pahayag 7:1–8. Ang mga tapat na ito na ililigtas ng Panginoon ay babalik sa Jerusalem “sa katotohanan at katuwiran” (Zacarias 8:7–8).
Pagkatapos na mapanumbalik sa espiritwal ang Israel, itatatag ni Cristo ang Kanyang isanlibong taon ng paghahari sa mundo. Muling titipunin ang Israel mula sa lahat ng panig ng mundo (Isaias 11:12; 62:10). Ang mga “tuyong buto” sa pangitain ni Ezekiel ay muling titipunin, babalutan ng laman, at mahimalang bubuhayin (Ezekiel 37:1–14). Gaya ng ipinangako ng Diyos, ang kaligtasan ng Israel ay parehong kinapapalooban ng espiritwal na pagpapanumbalik at heograpikal na tirahan: “Hihingahan ko kayo upang kayo'y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayon, malalaman ninyo na akong si Yahweh ang nagsabi nito at aking gagawin” (Ezekiel 37:14).
Sa Araw ng Panginoon, “muling aangkinin ng Diyos ang mga nalalabing nabubuhay na Kanyang bayan” (Isaias 11:11). Muling paparito si Cristo para puksain ang mga hukbo na nagtipon para siya labanan (Pahayag 19). Huhukuman ang mga makasalanan, at ibubukod ang mga tapat na nalabi sa Israel magpakailanman bilang banal na bayan ng Diyos (Zacarias 13:8—14:21). Ang Isaias 12 ang kanilang awit ng katubusan; pamamahalaan ng Zion (Jerusalem) ang lahat ng mga bansa sa ilalim ng bandila ng Mesiyas na Hari.
English
Maliligtas ba ang buong Israel sa mga huling panahon?