Tanong
Tunay nga bang ang LAHAT ng bagay ay posible sa Diyos?
Sagot
Kahit na maaaring gawin ng Diyos ang lahat ng bagay na Kanyang nais, hindi Siya gagawa ng anumang bagay na salungat sa Kanyang banal na kalooban o salungat sa Kanyang mga layunin. Halimbawa, hindi Niya kayang magkasala dahil Siya'y ganap na banal, at salungat sa Kanyang katangian ang magkasala.
Ang ilan ay nananatiling nagtatanong ng ganito: “Hindi ba't ang lahat ng bagay ay posible sa isang makapangyarihang Diyos? Tulad ng halimbawang ito: “Kaya bang gumawa ang Diyos ng batong napakabigat na hindi Niya kayang buhatin?” Ang katanungang ito ay binubuo ng kabalintunaang: Dahil ganap ang kapangyarihan ng Diyos na makalikha ng batong napakabigat na hindi Niya kayang buhatin paanong magiging imposible, sa Kanyang walang hanggang kapangyarihan na buhatin ito? Gayundin naman, dahil walang hanggan ang bigat ng bato paanong magiging posible na ito'y Kanyang mabubuhat?
Ang sagot ay hindi ipapahiya ng Diyos ang Kanyang sarili, na siyang isyu sa usaping ito. Kahit ang ganitong kaisipan ay hindi Niya papahintulutan, sapagkat kakalabanin Niya ang Kanyang sarili, isang gawaing walang kabuluhan at walang layunin sa Kanyang kaharian.
Mahalaga na makita natin sa buong Kasulatan na ang Diyos ay makapangyarihan - lubos ang kalakasan - hindi mapapantayan o malalampasan ng sinuman o ng anuman. Sa pagtalakay sa paglikha ng Diyos ng tuyong daan sa ilog Jordan upang makadaan ang mga Israelita, sinasabi sa Josue 4:24, ginawa Niya ito “Upang makilala ng lahat na mga bayan sa lupa ang kamay ng Panginoon, na makapangyarihan; upang sila'y matakot sa Panginoon ninyong Dios magpakailan man. Katulad ng sinabi sa Jeremias 32:26-27, “Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na nagsasabi, Narito, ako ang Panginoon, ang Dios ng lahat na tao; may anomang bagay baga na totoong mahirap sa akin?” At sa Hebreo 1:3 ay mababasa, “Palibhasa'y siyang sinag ng Kanyang kaluwalhatian, at tunay na larawan ng Kanyang pagka-Dios, at umaalalay ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng Kanyang kapangyarihan...” Ang mga tatatang ito at ang iba pa ay nagpapakita na ang lahat ng bagay ay posible sa Diyos, kung Kanyang loloobin.
Sinabi ng anghel kay Maria, “At narito, si Elisabet na iyong kamaganak, ay naglihi rin naman ng isang anak na lalake sa Kanyang katandaan; at ito ang ikaanim na buwan niya, na dati'y tinatawag na baog. Sapagka't walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan.” Tinatanong ng ilan na, kung “walang imposible sa Diyos,” nangangahulugan ba ito na maaari akong makatakbo na mas mabilis pa sa isang kotse o kaya kong talunin ang isang mataas na tore ng isang lundag lamang? Ito ay ganap na posible kung kalooban ng Diyos, ngunit wala namang nasasaad sa Kasulatan na nais ng Diyos na gawin itong posible. Ang isang bagay na maaari naman Niyang gawin ay hindi mag-oobliga sa Kanya para gawin nga ito. Kinakailangan nating maging bihasa sa Kasulatan upang malaman natin kung ano ang nais ng Diyos at kung ano ang Kanyang mga pangako, sa gayong paraan, malalaman natin kung ano ang maaari at hindi maaaring gawin ng Diyos sa ating mga buhay.
Kung ating aalalahanin ang lahat ng mga makapangyarihang gawa ng ating Diyos Amang nasa langit ayon sa Bibliya, makikita natin na tunay ngang kaya Niyang pamahalaan ang lahat ng mga pangyayari sa buhay ng tao kahit ang mga bagay na salungat sa kalikasan, maging ang mga bagay na tila imposible, para sa kaganapan ng Kanyang mga dakilang layunin.
English
Tunay nga bang ang LAHAT ng bagay ay posible sa Diyos?